WALANG hindi nakakakilala sa Rancho De la Vega. Ito ang isa sa pinakamalaking rancho sa lalawigan ng Batangas. Pamana pa ito ng namayapa niyang abuelo at abuela sa kanyang ama na siyang nagsumikap palaguin iyon. Nahahati iyon sa cattle and dairy farm, vegetable farm, at siyempre pa ay ang paborito niyang orchid garden na itinayo ng yumao niyang ina.
Nag-iisa lamang siyang anak at tagapagmana ng mga De la Vega. Namatay ang kanyang ina dahil sa isang aksidente sa pangangabayo sampung taon na ang nakalilipas. Labing-anim na taong gulang pa lamang siya noon at kakagraduate lamang ng high school. Nahirapan siyang tanggapin ang pagkawala nito subalit sa tulong na rin ng kanyang ama ay nagawa niyang bumangon muli. Ito ang nagturo sa kanyang maging matatag at positibo. Hindi na ulit ito nag-asawa at itinuon na lamang ang buong atensyon sa pag-aalalaga sa kanya at pagpapatakbo ng rancho.
Katulad ng ina ay lumaki rin siyang likas ang hilig sa mga halaman at bulaklak. Ang orchid garden ang siyang naiwang alaala sa kanya ng ina. Nang mamatay ito ay sa kanya nito iyon ihinabilin. Kaya naman sa kagustuhang mas mapaganda pa iyon ay pinili niya ang maging isang landscaper. Nagtagumpay siya at mas lalo niya pa itong napaunlad. Nang dahil doon ay higit pang naging tanyag ang Rancho De la Vega.
"Verna, wala bang nababanggit sa'yo ang iyong ina tungkol kay Papa?" pukaw niya sa dalagitang kasama habang binababad nila sa tubig ang driftwood na pagkakapitan ng mga ipupunla nilang orchids.
"Wala naman po, Seniorita." anitong biglang nangunot ang noo. "Bakit n'yo po naitanong?"
"Nag-aalala kasi ako kay papa." aniyang hindi na napigilan ang sariling maglabas ng saloobin rito. Ito lamang at ang ina nito ang trabahador nilang malapit talaga sa kanya. Matagal nang naninilbihan sa rancho ang pamilya nito at alam niyang mapagkakatiwalaan ang mga ito. "Naobserbahan ko kasi nitong mga nakaraang linggo na palagi siyang balisa at nag-iisip."
"Eh, baka naman po stressed lang sa pagpapatakbo ng rancho, Seniorita." ang komento nito. "Huwag po kayong mag-aalala at siguradong babalik din ang sigla ni Don Manolo."
Isang matipid na ngiti lamang ang nagawa niyang itugon rito. Sa kabila nang pagpapagaan nito ng kanyang loob ay hindi pa rin niya maiwasan ang hindi mag-alala sa ama. Sinubukan na lamang niyang ituon ang atensyon sa ginagawa para kahit papaano ay maisantabi ang pag-aalala. Mayamaya, isang itim na BMW ang huminto sa harap ng orchid garden. Kapwa pa nangunot ang noo nila ni Verna pagkat wala naman silang inaasahang bisita nang araw na iyon. Ilang sandali pa at bumaba ang isang maskuladong lalaki. Nakashades ito at nakasuot ng abuhing pantalon, leather shoes, at long sleeves na sadyang hindi isinara ang ilang butones sa bandang itaas dahilan upang lumabas ang mabalahibo nitong dibdib. Sa kanyang palagay ay kasing-edad lamang niya ang naturang lalaki. He has a handsome face but an arroagant aura. Hindi na agad niya ito gusto sa unang sulyap pa lang.
"Hi, you must be Queenie Joy De la Vega." ang ipinahayag nito na binistahan siya mula ulo hanggang paa. "Totoo nga pala ang sinasabi nilang napakaganda mo."
Pinagtaasan niya ito nang isang kilay. Pagkuwa'y binalingan niya si Verna. Sinabihan niya itong magtungo muna sa greenhouse di kalayuan sa kinaroroonan nila.
"Excuse me, Mister." nakataas pa rin ang isang kilay na muli niya itong binalingan pagkatapos. "Do I know you?"
"Oh. Surprising. All the people seemed to know me. Ikaw lang ang hindi, Miss De la Vega." ang nakagising sabi nito na mas lalo pang nakapagpairita sa kanya. "But let me introduce myself to you, still." Inilahad nito ang kanang kamay sa kanya. "My name's Taylor Jacobs."
Natigilan siya nang marinig ang surname na binanggit nito. Nakasisiguro siyang ito ang anak ng American-Filipino business man na si Darwin Jacobs. Kaya naman pala mukhang may lahi itong banyaga. Kilalang mayaman at maimpluwensya sa buong Batangas ang pamilyang kinabibilangan nang naturang lalaki.
"So, why are you here, Mr. Jacobs?" pormal na tanong niya rito. Sinadya niyang hindi tanggapin ang kamay na inaalok nito. Sa halip ay iniwan niya ito at muling binalikan ang ginagawa. "Do you intend to order orchids from us?"
Ngingisi-ngising ibinaba nito ang kamay. Naglakad ito muli palapit sa kinaroroonan niya. Nagulat pa siya nang makitang nakatunghay na itong muli sa kanyang harapan.
"Why are you so cold to me, Miss De la Vega." ang sabi nito habang matamang nakatitig sa kanya na animo'y anumang oras ay nakahanda siyang sunggaban. "Gusto ko lang naman bisitahin ang babaeng papakasalan ko."
"A-Anong?" Nanlaki ang kanyang mata sa narinig na tinuran nito. "Hoy, kung nagpunta ka lang dito para sirain ang araw ko ay pwede bang umalis ka na?!" naiinis na bulyaw niya rito bago balingan si Verna. "Verna, pakisamahan nga si Mr. Jacobs palabas ng garden.
Subalit tatayo pa lamang sana si Verna ay agad na nitong itinaas ang kamay. Nakakatakot ang titig na ipinukol nito sa dalagita kaya wala itong nagawa kung hindi ang manatili sa green house. Kahit siya ay nakaramdam din nang sindak kaya hindi niya agad nagawang magreact.
"Makinig ka, Miss De la Vega." sa tono ng pananalita nito ay para itong nambabanta. "Hindi ako nagpunta rito para lang makipaglokohan sa'yo dahil totoo ang sinasabi ko." Napangisi ito sa kanya pagkatapos. "Kung gusto mo ay tanungin mo pa si Don Manolo tutal ay sa kanya naman nakipagkasundo ang aking ama tungkol sa ating kasal."
Parang may tinik na bumaon sa kanyang lalamunan nang banggitin nito ang kanyang ama. Sa isang iglap ay biglang binalot nang matinding kaba ang kanyang dibdib. Gayunpaman ay nilakasan pa rin niya ang loob at muling hinarap ang naturang lalaki.
"Huwag mo ngang madamay-damay ang papa sa mga kalokohan mo!" ang galit na bwelta niya rito. "Hindi magagawa ni papa ang ipagkasundo ako sa isang hambog katulad mo!"
Tumawa ito nang pagak. "Diyan ka nagkakamali, Miss De la Vega. Sa katunayan ay nagawa na niya. Para isalba ang inyong rancho." Muli itong ngumisi sa kanya.
Ang kabang nararamdaman ni Queenie ay mas lalo pang dumoble nang idamay nito pati ang kanilang rancho. Posible kayang nalulugi na iyon at iyon ang dahilan kaya balisa ang kanyang ama nitong mga nakaraang linggo? Pero wala naman siyang nakikitang senyales nang pagkalugi. Sa katunayan nga ay maganda ang financial reports na dumarating sa kanila. Hindi, nakasisiguro siyang nagsisinungaling lamang ang lalaking ito.
"Tumahimik ka, Mr. Jacobs. Hindi ako interesadong makinig sa mga kasinungalingan mo. Ang mabuti pa ay umalis ka na at huwag mo nang hintayin na ipakaladkad kita sa security nitong rancho."
"Hindi kita pipilitin maniwala sa akin ngayon. Hihintayin ko na lamang na sa mismong ama mo marinig ang lahat." Wala siyang nagawa nang pabigla siya nitong halikan sa pisngi. "You're cheeks tastes wonderful, Miss De la Vega." Bumaba ang tingin nito sa kanyang mga labi. "Sa kasal natin ay ang mga labi mo naman ang aangkinin ko."
"Damn you, Jacobs!" buong lakas na itinulak niya ito. "Umalis ka na kung hindi ay talagang ipapakaladkad kita sa security!"
Itinaas nito ang dalawang kamay. "As you wish, my love." ang tatawa-tawang sabi pa nito bago siya talikuran at magtungo sa BMW nito.
Naikuyom na lamang niya ang dalawang palad sa sobrang galit. Ang lakas nang loob nang hambog na iyon na bastusin siya. Kung nadala niya lang ang kanyang latigo ay siya mismo ang magtuturo nang leksyon dito.
"Seniorita Queenie!" humahangos na lumapit sa kanya si Verna nang makaalis na ito nang tuluyan. Kababakasan ng guilt ang mukha at tinig nito. Marahil ay nakokonsensya ito na wala man lang itong nagawa para ipagtanggol siya sa naturang lalaki. "Okay lang po ba kayo?"
Pinilit niyang ngumiti rito para kahit papano'y mabawasan ang guilt na nararamdaman nito. "Ayos lang, Verna." aniya kahit pa ang totoo ay labis siyang naapektuhan sa mga pinagsasabi ng lalaki.
![](https://img.wattpad.com/cover/200402454-288-k427831.jpg)
BINABASA MO ANG
FORGET ME NOT [COMPLETED]
RomanceNagdedelikadong mawala kina Queenie ang kanilang rancho at ang mansion. Sa kagustuhang maisalba iyon ay napilitan siyang magpakasal sa bastos at walang modong anak ng maimpluwensiyang businessman kung saan nakasangla ang mga iyon. Subalit sa araw ng...