THEA’s POV
“Okay ka lang ba, Thea?”
“H-huh?”
“Kanina ka pa kasi tulala saka umiyak ka ba?” nagtatakang tanong sa akin ni ate Vin—isa sa mga katrabaho ko rito sa restaurant.
After nang nangyaring iyon dumiretso kaagad ako sa trabaho kahit nanghihina ako sa nangyari nagtrabaho pa rin ako. Kailangan kasi para sa pag-aaral at pamilya ko.
“Okay lang. Hindi ako umiyak dahil lang siguro sa puyat ito,” sagot ko saka ipinagpatuloy ang paghuhugas ng plato.
Oo, isa lang akong dishwasher dito. Kapag nakauwi ako galing sa school dito kaagad ang punta ko. 11 PM ang uwi ko. Gabi na, pero kailangan ko pa ring magtiis.
Grade twelve student pa lang ako. Ayaw pa nga akong tanggapin dito sa pinagtatrabahuhan ko dahil masyado raw akong bata, pero mabuti na lang napakiusapan namin ni Ate Vin.
Walang alam ang mga kasamahan ko rito na may kasintahan ako noon. Itinago ko lamang iyon sa lahat lalo na sa pamilya ko. Isa pa hindi rin naman siya pumupunta rito nang kami pa.
Naalala ko na naman siya. Kung hindi lang nakakahiya ay umiyak na ako ng todo rito. Ang sakit pa rin, hindi ko matanggap.
“Ah, sige. Kung may problema ka sabihin mo lang sa akin baka sakaling makatulong ako.”
“Opo, Ate Vin. Salamat.”
“Walang anuman, Thea,” nakangiting sagot niya. Ang bait niya talaga. Mas matanda siya sa akin ng five years. Hindi na siya nag-aaral kaya kumpara sa akin mas may oras siya sa trabaho. Marami rin kasing costumer ang kumakain dito kaya wala talagang pahinga.
*****
“Mauna na ako, Ate Vin.”
“Sige, ingat ka, Thea.” Tumango lang ako sa kanya saka umalis.
Pauwi na ako sa bahay. Naglalakad lang ako, sayang naman kasi iyong pamasaheng gagastusin ko. Isa pa hindi naman nakakatakot dahil may streetlights naman. Mga fifteen minutes siguro bago ako makarating sa bahay.
Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang maalala ang nangyari kanina. Napatingala na lang ako sa langit dahil sa luhang pumatak sa pisngi ko. Ang sakit ng ginawa niya. First anniversary pa naman namin. Akala ko siya na, pero hindi pala. Masyado akong nabulag at nagpakatanga sa pagmamahal ko sa kanya.
First love, first heartbreak. Ganito pala kasakit maloko. Bakit ba kasi nagpadala ako sa mga salita niya?
Ang tanga-tanga ko! Kung sa bagay sino ba naman ako para seryosohin niya? Lupa ako langit siya. Wala akong maipagmamalaki sa kanya.
Minahal ko kasi kaagad kaya ayan tuloy nasaktan lang ako ng todo. Nagmahal ako ng maling tao, nagmahal ako sa maling pagkakataon, nagmahal ako ng lalaking hindi naman deserving mahalin. Gano’n nga talaga siguro ang love—walang pinipiling tao, oras at pagkakataon. Kapag tinamaan ka wala ka nang magagawa. Ang masakit nga lang sa inyong dalawa kawawa ang naiwan at nagmahal ng totoo. At sa aming dalawa ako ang talunan.
Dahil sa nangyaring ito, takot na akong magmahal, takot na akong magtiwala sa mga lalaki. Pinunasan ko ang luha sa pisngi ko saka nagpatuloy sa paglalakad. Makalipas ang ilang minuto ay nasa tapat na ako ng bahay. Gabing-gabi na, pero naririnig ko pa rin ang pagtatalo ni mama at papa. Sigurado akong pera na naman ang pinagtatalunan nila. Kaagad kong dinaluhan ang bunso kong kapatid na umiiyak sa isang tabi.
“Tanny, tahan na. Bakit hindi ka pa natutulog?” nag-aalalang tanong ko habang pinupunasan ang luha niya.
Seven years old pa lang siya. Dalawa lang kaming magkapatid. Grabe ang agwat ng edad namin. Seventeen ako ngayon. Ten years old na ako nang ipinanganak siya.
“Nag-aaway kasi si mama at papa, Ate,” lumuluhang sambit niya. Naaawa ako sa kapatid ko. Napakabata niya pa para makita ang pag-aaway ni mama at papa.
“Hayaan mo na sila. Sige na pumasok ka na sa kuwarto mo.”
“Opo, Ate.” Hinalikan ko muna siya sa noo bago siya umalis.
“Ma, Pa, tama na po iyan. Nakakahiya sa mga kapitbahay. Gabing-gabi na nag-aaway pa kayo.”
“Sisihin mo iyang ama mo. Ang lakas ng loob humingi ng pera. Binibili niya lang din naman ng alak! Hindi na nga nagtatrabaho! Puro paglalasing ang alam.”
“Manahimik ka! Wala kang pakialam sa ginagawa ko!”
“Walang pakialam? Asawa mo ako! May mga anak tayo! Dapat ikaw ang bumubuhay sa amin, hindi iyong kami pa ang bumubuhay sa ’yo!”
“Wala kang karapatang sumbatan ako! Thea, bigyan mo ako ng pera,” baling sa akin ni papa.
“Pa, wala pa ho akong pera.”
“At saan mo ginastos ang sahod mo noong nakaraang linggo?” galit na tanong niya saka lumapit sa akin.
Iyong pera kasi ibinili ko ng regalo ko sana sa kanya, saka marami pa akong babayaran sa school kaya wala akong maibigay kay papa.
“Sorry, Pa. Pero wala talaga. Binibigyan ko naman kayo kung mayro'n ’diba.”
“Sinungaling ka! Ayaw mo lang akong bigyan!”
“Papa, wala po talaga. Nagsasabi po ako ng totoo sa ’yo.”
“Wala kang kuwentang anak!” singhal sa akin ni papa saka ako itinulak dahilan para mapaupo ako sa sahig.
“Kahit kailan wala kang kuwenta, Thea!” sigaw sa akin ni papa bago umalis ng bahay.
Lumuluhang tiningnan ko si mama, pero sinamaan niya lang din ako nang tingin saka pumasok sa kuwarto ni Tanny.
Napahagulhol na lang ako. Bakit gano’n sila? Walang kuwenta ang tingin sa akin? Ginagawa ko naman ang lahat para magkaroon ng silbi sa kanila. Mas inuuna ko pa nga sila kaysa sa sarili ko tapos gano’n na lang ang isusumbat nila sa akin pagkatapos ng lahat!
Ang sakit-sakit na. Parang hindi ko na kaya. Ang hirap-hirap. Parang anumang oras susuko na ako.
BINABASA MO ANG
Book 1: I'm Just His Ex
Teen FictionThe worst feeling is saying goodbye to someone I want to spend every minute with. #1: Brent Zayden De Loughrey Highest rank #1 in Ex