// thirteen

43 1 0
                                    

Sky.
November 3rd, 6:21 PM.

"Thank you sa pagpunta rito ngayon, at salamat din sa inyo na patuloy na sumusuporta sa'min! See you next time!" bati ni Seth sa audience bago kami bumaba ng stage.

"Ingat sa pag-uwi!" paalala ni Eli sa kanila. Sina Isaiah at Levi, tuloy-tuloy lang ang pagkaway at pagngiti sa mga tao.

Ako naman... ano nga ba'ng ginagawa ko? Sino ba'ng hinahanap ko rito? Alam ko naman na hindi lang ako ang pakay niya, kung sino man siya.

Kinalabit ako ni Levi. "Kuya Sky, ano pa ginagawa mo d'yan?" bulong niya sa akin.

"Wala. May hinahanap lang."

"Ano?"

"Hindi ano, sino!" singit ni Isaiah mula sa likod namin.

Umalis si Levi sa likod ko at pinaghahabol si Isaiah sa stage. "Ano ba, Sai, 'wag mong ilaglag si Kuya!" sigaw niya. Nagtawanan ang mga naiwan sa audience.

Nagsisialisan na ang ibang manonood. Yung dalawang nakatatanda, nauna na sa backstage. Ako, hinahanap pa rin yung kanina ko pa hinahanap. Nasa bandang harapan dapat siya ngayon, eh. Ano kaya'ng nangyari at hindi ko siya makita?

Binalikan ako ng dalawang itlog. "Nakita mo na?" tanong ni Isaiah.

"Alam mo, bahala na." Dinala ko silang dalawa sa backstage at saka ako sumilip sa pinasukan namin.

Ayun siya. Kumakaway. Tanaw ko mula sa puwesto ko yung tattoo sa braso niya.

Kinawayan ko siya pabalik at saka tumalikod.

"Sino 'yon?" tanong ulit ni Levi. This time, binigyan niya ako ng nakakalokong ngiti.

"Wala, kaibigan lang."

"Kaibigan my ass," ani Isaiah. "Siya ba yung pinag-uusapan niyo ni Boss Eli nung nakaraan?"

"Alam mo, Sai, napaka-usisero mo," sagot ko. "Nag-hi lang siya sa'kin, kinawayan ko lang pabalik. 'Wag kang gumawa ng issue."

"Sus. Akala ko ba, no to dating muna tayo? Parang may pinopormahan ka na d'yan, eh."

"Buang."

Tinawag kaming lahat ng manager namin. "Boys, pack up na raw." Tinaasan ko ng kilay ang dalawang itlog.

⊱ ────── {.⋅ ♫ ⋅.} ───── ⊰


8:13 PM.

"Tara, kape," bungad ni Isaiah pagkahinto ng van namin sa tapat ng convenience store. "Kuya Sky, ibili mo nga ako ng kape. Please?"

"Utot mo!" sagot ko. "Pagkatapos mong mang-issue kanina, uutusan mo 'ko?"

"'Gagalit ka naman kaagad."

"Oo nga, maawa ka sa bata," singit pa ni Seth.

Kumuha ako ng 50 pesos sa wallet ko at iniabot sa kanya. "Oh, eto, Sai. Pangkape mo. 'Wag mo na 'kong asarin."

"I won't accept that."

Tinignan ko siya nang masama.

"Okay, okay, sige." Kinuha niya yung 50 pesos. "Pero sa isang kundisyon. Sasamahan mo 'ko."

Bakit kailangan pa niya ng kasama?

"Mga bata, may bibilhin ba kayo? Bumaba na kayo at hahanap kami ng mapaparadahan," sabi ng driver ng van. Bumaba na kaming dalawa. Peste kang itlog ka. Malaman ko lang na alam mo yung sikreto ko, hindi talaga kita pakakainin sa Christmas party natin. Kayo ni Levi.

Pumasok kami sa 7-11 nang tahimik. May mga taong nakilala agad kung sino kami kahit naka-dust mask kaming dalawa. May iilan na nagpa-picture. Yung iba, nakatitig lang.

Dumiretso kami sa coffee machine. "Bakit ba hinatak mo pa 'ko rito? Pwede namang ikaw na lang mag-isa. Ano ba'ng kailangan mo sa'kin?"

"May itatanong lang sana ako sa'yo, Kuya."

"Ano nga, sabi?"

"Totoo bang may gusto ka do'n sa art director ng Flair Magazine?"

Kumunot ang noo ko.

"Oh, ba't gigil ka na naman? Nagtatanong lang nang maayos."

"Bastos ka rin, eh. Ang alam ko, si Eli lang nakakaalam no'n!"

"Ang lakas kaya ng pagkakasabi mo no'n sa practice room nung Lunes."

"Oo nga 'no," bulong ko sa sarili ko. Binalikan ko siya. "Eh, ano ba'ng pakialam mo?"

Pinagtitinginan kami ng mga tao. Sana lang, hindi nila maintindihan yung pinagbubulungan namin ng itlog na 'to.

"So, totoo nga?" tanong niya ulit.

"Akin na nga ulit 'yang singkuwenta," sabi ko sa kanya. "'Wag ka nang magkape, piste."

Una, Art of Denial. Ngayon, Art of Dodging. Yung totoo, Sky, ano pa bang art ang tinatago mo riyan?

"Ayan siya, oh," sabi niya sabay turo sa bandang kanan ko.

"Saan?" Lumingon ako sa direksyon na tinuro niya. "Wala naman, eh."

Pagbalik ko, nasa kanya na ulit yung pera. "Uy, nauto ko siya!" asar niya sabay tawa.

"Anak ka talaga ng itlog. Bahala ka nga d'yan."

Palabas na sana ako ng 7-11 at hawak-hawak ko na ang pinto nang may humila sa jacket ko.

"Sukli mo." Si Isaiah pala. Nakaharap siya sa akin, hawak ang kape na kaka-checkout niya lang sa cashier, nakasimangot at parang nagpapaawa. Iniabot niya sa akin ang 18 pesos na barya-barya. Hindi ako nagsalita.

"Nagtampo ka naman agad, Kuya. 'Kala mo naman, inuuto ka lang. Ayun si Miss Thea, oh, kasama yung beshie niya. Shot mo na, Kuya Sky! I got you!" Itinulak niya ako papunta sa kinauupuan ng tatlong babae.

Pasalamat 'tong buang na 'to, hindi ako nananakit ng kapwa.

"'Di ko kaya! Maraming tao." At malamang, pinagtatawanan na kami.

"Kaya mo 'yan! Close naman kayo, eh."

Humarap ako sa kanya at nag-sign ng 'X' gamit ang mga daliri ko. Ibig sabihin, "ayoko nga at hindi ko nga kasi kaya."

Pero, teka lang, bakit nga ba nandito si Thea? Bakit kami pinaglalapit? Alam niya kayang nandito ako?

Ako 'tong artista, ako 'tong napaka-assuming. Wow.

Hinila ko si Isaiah palabas. "'Di ba kape lang naman habol mo? Tara na. Balik na tayo sa van.

Mas mabuti nang 'wag munang malaman ni Thea ang feelings ko. Ayoko munang i-risk yung career ko at yung reputasyon niya dahil lang dito. For now, I'll just let it pass.

Ang tanong, magpa-pass ba? O magpe-fail? Hay, ang corny ko talaga.

⊱ ────── {.⋅ ♫ ⋅.} ───── ⊰

all for youTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon