Dahil sa pagkagulat, hindi rin napigilan ni Renzy ang sarili at napairit ito nang makita ang lalaki sa dining area. Mabuti na lang at agad natakpan ni Ray ng kamay ang bibig ng kapatid at saka ito hinila pabalik sa kuwarto.
"Siya nga ba 'yon, Renren? Kamukha, ano?"
Tumango si Renzy. "Destiny talaga kayo, ate. Itanong nga natin kay kuya?"
"Hoy Renren, anong sasabihin mo e ngayon ko lang din naman siya nakita. 'Saka alam mo namang naka-reserve na ang puso ko kay Anxo," kinikilig pang sabi nito sa kapatid. Umupo ito sa harap ng make-up table nila sa kuwarto para tanggalin ang suot na contact lenses.
"Ayan na, naloka na naman ang ate ko. Puro Anxo na naman laman ng bibig mo."
"Ng puso ko, correction."
"Patingin nga ako ng itsura niyang crush mo! May picture ka ba d'yan, ate?"
"'Wala, bawal. Pera teka, 'yung lalaking 'yon, ngayon mo lang din siya nakita sa bahay, 'di ba?" Sinuot nito ang glasses na may malaking frame.
"Oo nga, kaya nga tanungin natin si kuya. Feeling ko ka-work n'ya 'yan. Baka bagong ka-work, hindi niya talaga kamukha 'yung mga dating nakikita ko na sinasama niya rito noon. May kamukha siya, 'yung friend ni kuya nung college na matagal nang hindi pumupunta rito. Tanungin na nga lang kasi na'tin."
"No! 'Wag na. Baka mag-feeling pa 'yung lalaking 'yon. Magalit pa sa 'kin ang bebe Anxo ko."
"E para nga malaman natin kung sino talaga siya. Parang destiny nga lang kasi, ate. Kung siya nga nagsulat ng book na 'yon, grabe talaga. Pinag-uusapan lang natin tapos andito na agad siya. Sa bahay natin! Baka nandito siya para bigyan ka ng copy ng libro niya. Nang personal."
"No need, Renren. Hindi rin ako interested." Hinugot na nito ang charger ng phone dahil fully-charged na ang gadget.
"E pa'no ate nagugutom na ako? Kanina pa rin tayong tinatawag ni mama."
Pagdating sa pagkain, hindi niya mapipigilan si Renzy. Excited itong pumunta sa compact nilang dining area. Pero kahit maliit iyon, maganda ang pagka-rustic nito. Mataas ang cupboard na nakaharap sa pang-animan nilang dining table na siyang centerpiece ng area. Gawa iyon sa Narra wood. At may antler chandelier sa taas nito na may tatlong bumbilya na siyang nagbibigay ng liwanag sa buong area.
Tuwang-tuwa si Renzy sa mga inihandang pagkain ng ina lalong-lalo na sa mga dalang pagkain ng kapatid niya. Ando'n ang Korean fried chicken, Hawaiian pizza, at mojos tapos may ilang canned beers.
"Kain na, Renren. Nasa'n ang ate mo?" bati ni Rayco sa bunsong kapatid. Tulad ni Ray, ngayo'y nakasuot din ito ng salamin sa mata. Malabo na pareho ang mga mata ng magkapatid. But unlike Ray, hindi nagsusuot ng contact lenses si Rayco. Kaya naman mahigpit sila sa bunsong kapatid at gusto nilang dalawa na alagaan nito ang mga mata niya.
"Ando'n sa kuwarto, nahihiya yata sa bisita mo," sagot ni Renzy sa kapatid niya nang agad dumampot ng isang drummet ng fried chicken na dala. Napatingin ito sa bisita na saktong nag-aabot sa kanya ng sweet and sour sauce. Doon lang na-realize ni Renzy kung gaano kaguwapo ang bisita. Mas guwapo ito sa personal. Moreno ito at makinis ang mukha. Mahahaba ang pilik mata, matangos ang ilong at manipis ang mga labi. Nakadadagdag din sa kaguwapuhan nito ang naka-brush up nitong buhok.
"Renren, nakapaghugas ka na ba ng kamay mo?" sita naman ng nanay nila sa bunsong anak. Mukhang nasa 30s lang ito. Wala pa itong sikwenta. Maigsi ang brown na buhok. Singkit ang mga mata na tulad ng kay Rayco. Maputi ito at mapupula ang mga labi na siyang namana ng tatlong anak. Malalaki naman ang mga mata nina Ray at Renzy na siyang namana sa ama na seaman. Brown ang mga mata at mahahaba rin ang pilik-mata.
Sumimangot si Renzy na agad nagtungo sa lababo para maghugas ng kamay. Noon na rin ipinakilala ni Rayco sa kapatid ang kasamang bisita.
Muling tinawag ng ina ang pangalawang anak at nang hindi ito sumasagot ay saka pinuntahan sa kuwarto. Pero habang kinakausap nito ang anak, bumalik si Renzy sa tabi ng bisita at saka ito kinausap. "Totoo po bang writer ka?"
Napatawa ang bisita na parang naguguluhan sa sinabi ng bata. "Well, I'm not sure," mahinang sagot nito.
"Yes, writer nga 'tong si Mark," putol ni Rayco sa kaibigan. "Pero paano mo nalaman, Renren?"
"Gawa kasi ni...," naputol na sagot nito dahil agad siyang napigilan ni Ray.
"Ni Yurena ba, Renren?" putol nga nito sa kapatid nang tapunan pa niya ito ng masamang tingin.
"Sa bookstore kasi nagwo-work 'yung friend ko, baka nakuwento niya," dagdag pa niya nang tuluyang dumiretso sa lababo para maghugas ng kamay.
"Well, mukhang kahit sa mga kapatid ko, bentang-benta ang mga sinusulat mo ha," biro ni Rayco sa kaibigan. Napangiti ito kaya lumabas ang dimples sa pisngi habang mas sumisingkit ang mga mata.
"No," agad niyang sabad sa usapan ng dalawa. Ayaw niya lang agad isipin ng lalaki na interesado siya rito. "I mean, it's just Renren. Wala akong time sa mga pambatang fiction," depensa pa ni Ray kaya marahang tinapakan ni Rayco ang kanang paa ng kapatid. Nahihiya kasi ito kay Mark dahil sa sinabi ng kapatid. "Aray, kuya!" Nabitiwan nito ang dinadampot na slice ng pizza.
"Ah kasi hindi naman mahilig magbasa ng totoong libro itong si Ray," sabi pa ni Rayco. "Mas gusto pa niyang mag... "
"Mag-stalk sa crush niyang si Anxo," sabad ni Renzy habang tumatawa na ikinagulat naman ng bisita. Tumawa na lang din si Rayco na pumunta sa harap ng ref para kumuha ng ice cubes.
"Renzy!!!" saway pa ni Ray sa madaldal na kapatid at saka ito napalingon sa katabi nitong binata. Noon niya lamang nakita nang malapitan ang mukha nito kaya siguro nagtagal ang pagkakatitig niya rito. Ang guwapo nga pala talaga nito, sa loob loob niya. Ang lapad pa ng mga balikat.
Napa-clear ng lalamunan si Mark nang mapansin ang titig nito, halatang nalilito. "May dumi ba ako sa mukha?"
"Ah, ah, wala! Wala kang pores!" nauutal niyang tugon sa binata na agad napatawa sa sinabi nito. "I mean, wala ka ba ta-talagang...."
"O tubig, ma-choke ka pa d'yan," putol ni Rayco sa kapatid nang abutan ito ng baso ng malamig na tubig. Tumawa na rin ito dahil nakitang tumatawa na rin si Renzy.
Dali-dali naman niyang ininom ang tubig na inabot ng kapatid at saka muling nagsalita. Mabilis siyang nakaisip ng palusot. "Pamilyar ka... ka-kasi, I think we've met before," sabi nito sa binata.
Napalunok si Mark. "Totoo? Saan?" Ngumiti ito na siyang nagpabagal ng mundo ni Ray.
*Noon lang niya napansin ang dimples nito sa pisngi. Pero kahit bumabagal ang mundo niya dahil sa lalaki sa harapan, mabilis ulit siyang nakaisip ng isasagot dito. "Sa isang event ng company namin."
"Anong event?" tanong pa ni Mark.
Medyo na pe-pressure na si Ray sa pagsagot. Inisip din niyang baka humaba na nang humaba ang usapan nila kaya kailangan na niya ng isang magandang escape plan. "Wait. Nalimutan ko pa lang hugutin ang charger sa kuwarto," seryosong sabi nito nang tumayo at dumiretso sa gawi ng kuwarto.
Nagkatinginan naman ang tatlo at napatawa na rin dahil sa sinabi ni Ray.
Sumunod si Renzy sa kuwarto at pagbaba nito, dala na nito ang bagong-biling libro ng ate niya. Bumalik ito sa tabi ni Mark. "Ate," malakas pang tawag nito sa ate niya. "Pa-pirmahan ko na 'tong bagong bili mong libro sa author nito ha."
[≡] 〆( ・⺫・‶)
AN: Hey guys! Sorry na sa super late na update. Thank you sa mga naghintay, much appreciated. Comment naman kayo kung anong ine-expect n'yong mangyari sa sunod na part!
BINABASA MO ANG
The Name In Your Book
ChickLitMark Aljin Jordon is the author of the new bestseller in KB titled The Penthouse Lovers. Dahil hindi naman kilala ang author, nagulat si Ray nang makita ang pangalan niya sa dedication page ng librong iyon. 💛