Rest day pa rin ni Ray nang sumunod na araw. Paggising pa lang, nakita na agad niya ang update ni Anxo sa Pixtagram. Nang makitang omelette rice ang niluto nito sa condo niya, iyon din ang ipinaluto niya sa ina. Pinakita na lang niya rito ang tutorial video sa internet.
Habang kumakain ng agahan napansin ni Ray ang pagmamadali ni Renzy. Nagkatinginan sina Ray at Rayco. Pagkatapos naman ni Renzy na kumain mabilis itong bumalik sa kuwarto para kunin ang phone. "Naadik na si Renren sa anime," sumbong ni Ray sa kuya niya.
"Mana talaga sa ate niya, tanda mo pa ba noong high school tayo? Tapos ang dami mong binibiling DVD copies ng anime."
"Hindi ko naman talaga bet nung una na manood ng anime," pag-amin ni Ray.
"Ah, tanda ko na. Gawa ni Otep 'no?"
Noon niya naalala si Otep. O si Mark Joseph Saroza, kaklase niya noong 3rd year niya sa academy. Para kay Ray, ito ang pinakaguwapo sa section nila. Pinaka-paborito pa niya nang ipa-blonde nito ang buhok. Bagay na bagay iyon kay Otep.
Unang araw pa lang ng klase, crush na niya ito. Pero s'yempre, sinasarili lang niya iyon. Wala siyang balak na sabihin ito kahit sa mga kaibigan niya sa klase. Puro lalaki rin naman ang barkada ni Otep. Hindi rin niya ito sinubukang kausapin, sadyang crush lang niya ito at masaya na siyang nakikita ito sa loob ng classroom sa araw-araw. Pero nang malaman niyang sa cafeteria ito bumibili ng pangtanghalian, sinabi niya sa ina na hindi na muna siya magbabaon ng pang-tanghalian at sa cafeteria muna bibili. Nagtaka si Mrs. Ruiz pero sinunod na lang ang gusto ng anak. Hindi na rin nito dinagdagan ang allowance ng anak bagay na ipinagtampo pa ni Ray noon. Mas malaki na nga ang baon sa kanya ni Rayco, lagi pang mainit ang ulo ng ina sa kanya.
Isang beses nang mag-isa siyang kakain sa cafeteria habang dala ang order, sinadya niyang dumaan sa harapan ng mesa nina Otep para mapansin nito. Kasama ni Otep ang dalawa pa nilang kaklaseng lalaki na hindi na maalala ni Ray ang pangalan. Pero hindi siya napansin ng kaklase kaya do'n na lang siya umupo malapit sa mga ito. Kaya naman rinig din nito ang usapan ng mga lalaki. At ang nangibabaw sa usapan nila ay ang panonood ng anime series.
Isang beses nang pumunta sa bilihan ng mga DVD si Otep, pasimple siyang sinundan ni Ray. Noon niya nalaman kung saang puwesto ito namimili. 'Yun na rin ang dahilan kung bakit siya nakaipon ng maraming DVD.
Minsan siyang napansin ni Otep. "Uy, anong ginagawa mo rito?" bati sa kanya ng kaklase.
"Ah, eto may bibilhin ako. Season 2 ng pinapanood kong series?" Kahit kinikilig si Ray, pinilit niyang itago iyon sa kaklase.
"Astig, nanood ka rin pala ng anime. Teka, ano bang pinapanood mo?"
Kahit kakaba-kaba, sinabi nito sa kaklase ang kasalukuyang pinapanood at sinabi naman nito na 'wag na siyang bumili dahil may kopya na siya noon. Papahiramin na lamang daw siya ng kaklase. Kilig na kilig tuloy si Ray. At para mutual ang relationship nila, may mga series din siya na hiniram ni Otep. Simula noon, lagi na siyang binabati nito sa tuwing magkakaharap sila sa classroom.
Noong nalaman din nitong sa cafeteria siya kumakain, niyaya siya nitong sumabay sa kanila. Nang makita ring mahilig ito sa cup noodles, nahilig na rin siya roon. Noon na rin nalaman ni Rayco kung bakit hindi na sa kanya sumasabay kumain ang kapatid at kung bakit hindi na ito nagbabaon ng pang-tanghalian. Mas nakatipid naman siya, kasi lagi rin namang nagpapalibre sa kanya ang kapatid.
Natapos ang taon at noong fourth year na sila sa ibang section napunta si Otep. Simula noon hindi na niya ito nakita. Pero hindi naman natigil ang pagkahilig niya sa anime series at cup noodles na siyang namana ni Renzy sa kanya.
Habang naaalala si Otep, nawala ulit ang ngiti sa mukha ni Ray nang mapansing sa kanya na naman nakatingin si Rayco. Hindi pa rin ito tapos kumain. "Teka. Bakit mo kilala si Otep?" usisa ni Ray sa kapatid.
"Noong last day mo sa 3rd year, nakausap ko siya," bida ni Rayco.
"Ha? Bakit hindi ko alam 'yan? Bakit hindi mo sinabi sa 'kin? Anong sinabi mo sa kanya? Close ba kayo?"
"Sabi ko mga bata pa kayo. Mag-aral muna kayo," sagot ni Rayco kahit hindi naman talaga ito ang mga sinabi niya kay Otep. Sinabi lang naman niya rito na layuan ang kapatid niya dahil kung hindi nito lalayuan ang kapatid, hindi na ito aabot sa 4th year.
"Bakit mo sinabi 'yon? Kaya ba never ko na siyang nakita nung 4th year? Wait. Once pala, nakita ko ulit siya. From a far. Noong graduation day pero hindi niya pa ako napansin."
Hapon na nang muling mag-post online si Anxo. Noon na niya nalamang tutuloy ito sa pagtakbo. Agad siyang nagbihis at hindi na nakapaglagay ng makeup. Nagdala na lang ito ng nude lipstick at perfume sa bag. Dala rin ang libro ni Mark Jin, pumara ito ng trike na pumayag dumiretso sa park.
Pagkarating sa park, dumiretso siya sa paboritong bench at saka ito muling nag-online. Pero wala na siyang makitang bagong update mula kay Anxo. Tapos hindi rin niya ito makita. Tinuloy na lang niya ang pagbabasa ng libro ni Mark Jin. Nang mawili naman siya sa pagbabasa, noon niya natanaw si Anxo na marahil ay kanina pang tumatakbo. Nakaputing T-Shirt ito at berdeng short. Naalala na naman niya ang sinabi nito rito sa chat noong nakaraan, na kapag nagkita silang muli, batiin niya raw ito. Naalala rin niyang maglagay ng liptstick at mag-spray ng perfume. Habang lumalapit ito sa kanya, bahagya niyang ibinababa ang librong binabasa. Pero bago pa magtagpo ang mga mata nila, tumunog ang phone ni Anxo at tumigil ito sa pagtakbo. Nang masagot ang tawag, hindi na nito tinuloy ang pagtakbo sa direksyon niya, bumalik ito at saka dumireto sa exit ng park. Rinig pa niya ang sinabi nito sa kausap sa phone, "Wait, ano? Sige pero babalik muna ako sa condo." Bakas din ang pag-aalala sa mukha nito.
Napatungo na lang si Ray at saka tuluyang sinarado ang librong hawak. Nang hindi na natatanaw si Anxo, noon na siya tumayo mula sa pagkakaupo. Pero bago pa siya makalayo sa bench, nagulantang siya nang makarinig ng isang malakas na pagputok. Putok iyon ng baril. Sindak at kaba ang sa kanya'y dumatal noong sandaling iyon. Hindi niya tuloy maisip kung saan ba siya susuot. Mukhang malapit lang kasi sa kinatatayuan niya ang pinanggalingan ng putok. She waited at least 2 minutes bago tuluyang umalis sa inuupuang bench. Ngunit paglabas niya, nagulat siya nang tumambad sa kanya ang pinagkakaguluhan ng mga tao. May lalaking nakahandusay sa tabi ng kalsada. Lalo siyang kinabahan nang makita ang berdeng short at ang puting T-Shirt nito na puno ng dugo.
BINABASA MO ANG
The Name In Your Book
ChickLitMark Aljin Jordon is the author of the new bestseller in KB titled The Penthouse Lovers. Dahil hindi naman kilala ang author, nagulat si Ray nang makita ang pangalan niya sa dedication page ng librong iyon. 💛