22. The Star

161 11 4
                                    

Araw ng Miyerkules nang hindi muling pumasok si Mark sa opisina. Puti ang suot nitong T-shirt at gray naman ang suot na sweatpants nang bumaba sa dining area. He hated the silence. Mag-isa siyang kumain ng almusal na scrambled eggs at bacon with toast. Katabi noon sa mesa ang bukas niyang laptop at ang isang pakete ng yosi. Bukod sa banayad na pagtama ng kutsarita sa porselanang tasa na may mainit na kape, tanging ang notifications lang mula sa laptop ang maririnig. Habang nakaharap sa laptop, dahan-dahan niyang hinigop ang tinimplang kape habang inaalala ang mga nangyari noong nakaraang weekend, mula sa stargazing nila ni Caleb noong Sabado ng gabi hanggang sa may urgent na phone call siyang sinagot noong Linggo ng gabi.

Tapos na itong kumain nang makarating si Kurt. Consistent si Kurt sa pagsusuot ng itim na jacket at sumbrero na parang iyon na ang naging uniporme. Nang bahagyang iangat ang suot sa sumbrero, inabot dito ni Mark ang hawak na pakete ng yosi. Maliwanag sa salas kahit patay ang ilaw dahil sa sikat ng araw na nagmumula sa labas at tumatagos sa plateglass na dingding. Nakapatong na ang nakabukas na laptop sa center table habang nakaupo si Mark sa tabi ng mahabang sofa.

May dalang mga bagong litrato si Kurt na nakasilid sa isang brown na envelope na agad nitong iniabot kay Mark. Nang mailabas ni Mark ang mga litrato, pumatak sa mesa ang itim na flashdrive mula sa envelope. At habang tinititigan nito ang isa sa mga litrato, naalala rin niya nang bumisita sina Aki at Mica sa penthouse noong nakaraang Sabado ng gabi.

Maagang umakyat si Ray sa kuwarto kaya naiwan ang magkakapatid sa salas. Nando'n sina Aki, Mark, at Anxo na nakaupo sa iisang sofa na parang mga guest sa isang talk show. 

Sinamahan naman ni Tara si Mica sa pool area nang bigla rin nitong maalala ang nangyari kay Amber noong nakaraan. Ikinuwento nito kay Mica nang mahulog si Amber sa pool. May hyperacidity kasi si Amber kaya hindi umiinom ng kape o nang kahit anong acidic na pagkain o inumin. Iyon din ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi siya umiinom ng orange juice. Pero noong huling beses ngang bumisita siya sa penthouse, marami siyang nainom na milk tea bago pinuntahan ang boss. She couldn't say no to milkteas, lalo na kung Okinawa style iyon. Well, that triggered a spell of vaso-vagal syncope, a form of fainting. Sakto nga lang na sa pool ito nahulog nang sandaling mawalan ng malay. Kaya natatawa pa rin si Tara habang ikinukuwento iyon kay Mica. Swerte pa raw si Amber. Sinabi pa niya rito na baka nga hindi na muling makabisita si Amber sa penthouse dahil nahihiya ito sa nangyari. Kahit sa office, ramdam niyang umiiwas ito sa kanya.

Habang patuloy ang kuwentuhan ng dalawa sa pool area, abala pa rin ang tatlong magkakapatid sa salas. Ayaw na sanang ungkatin ni Mark ang nangyari kay Aki 2 years ago. Nang maaksidente si Aki at nang mawalan ito ng alaala at nang napilitan pa si Anxo na umalis sa KB para pansamantalang palitan si Aki sa FATE. Gusto pa naman nito ang trabaho sa bookshop. "Eh dapat kasi noon ka pa pumasok sa FATE," sabi pa ni Anxo sa kapatid na si Mark. Naisip din kasi ni Anxo na baka kung hindi sana siya umalis sa KB noon, tiyak na noon pa lang ay mas nakilala na niya si Ray.

Kaya hindi na nagulat si Mark nang makita ang iba pang mga kuhang dala ni Kurt. Nandoon ang kuha ng sirang sasakyan ni Aki dahil sa aksidente. May malabong kuha rin ang driver ng sasakyang bumangga rito na mula naman sa CCTV footage nang tumakas ito pagkatapos ng aksidente. Tapos may isa pang taong nakuha sa CCTV. Malabo man ang footage ngunit litaw ang hawig nito sa mukha ng driver ng sasakyang sumabit kay Mark habang nagmo-motor noong nakaraang taon. At mas lalong hawig ito sa lalaking nakita sa park bago nabaril si Anxo noong nakaraan. Itinuro rin ni Kurt ang star na tattoo sa leeg ng hinihinala nilang suspek sa pagbaril kay Anxo.

Noong umaga ring iyon, nakipagkita naman si Caleb kay Nat. Parehong naging maulan noong nakaraang dalawang araw kaya palaging kinakansela ni Caleb ang appointment. Hindi naman inaasahan ni Caleb na magiging maaraw ngayon at naubusan na rin siya ng mga pwedeng idahilan kay Nat. Doon sila nagkita sa cafe na malayo sa FATE Tower. Medyo luma na ang lugar at hindi plateglass ang dingding. Habang nasa loob ang dalawa, animo'y bodyguard naman na nakabantay si Nathan sa labas ng cafe habang humihigop ng mainit na kapeng nasa papercup. Suot pa rin nito ang paboritong sumbrero na halos magkubli sa mukha nito.

Abala naman si Ray sa big project nila na nalalapit na ang execution. Pasado ala-una na nang makapagtanghalian sila ni Camberina sa pantry ng Tell Adworks.

"Okay ka lang?" tanong ni Camberina dahil kung pagbabasihan ang mukha ni Ray halatang-halata ang stress na pinagdadaanan nito. Silang dalawa lang sa table at mabibilang na rin ang tao sa loob ng pantry.

"Oo naman, medyo jaded lang sa dami ng pending items na need ko i-cross-check," sagot ni Ray bago muling sumubo. Suot nito ang button-up na denim niyang bestida, nakataas ang buhok at bahagyang nakababa ang eyeglasses.

"If you need help, just let me know, okay?"

"Enough na 'tong pag-wait mo sa 'kin na kumain, thank you."

"'Sus, ano ka ba? Basta 'wag mo akong kalilimutan 'pag naging Rushton ka na," biro pa ni Camberina.

"Loka 'to. Baka may makarinig."

"Wala ba talaga?"

"Wala talaga, girl."

"Isama mo na lang kaya ako sa date n'yo ni Mark mamaya."

"Hindi nga 'yon date. Sasabay lang akong umuwi sa kanya dahil late na rin ang uwi ko today."

"Sige, sabi mo eh. Basta, invited ako sa kasal n'yo ha."

"Hala siya, bahala ka d'yan."

Gabi na nang matapos ang meeting ni Ray. Nag-text na siya kay Mark na maglalakad na siya patungong mall. Mahigpit ang kapit niya sa strap ng bag habang binabagtas ang underground tunnel. Ang totoo, natatakot pa rin siya kahit na sa tunnel na siya dumaan at kahit maraming tao roon. Marami namang CCTV cameras doon at may security personnels din sa entrance at exit. Pero ang maganda sa tunnel na 'yon, hindi na niya kailangang lumabas ng building. Konektado na kasi ang building ng Tell Adworks sa Rushtons Mall sa pamamagitan ng tunnel na 'yon. 

Nang makapasok na siya sa loob ng mall, nagulat siya sa malaking poster ni Mark na bumungad sa kanya at sa ilang mga teenager na nagpapakuha ng litrato sa tabi ng poster. Natanaw din niya ang mahabang pila na abot hanggang sa CR ng mall. Hinanap niya ang kabilang dulo ng pila kaya nakarating sa harap ng Kismet Bookshop. Kahit alam na niyang may book signing event ito ngayon kaya hindi pumasok sa opisina, nagulat pa rin siya sa dami ng tao sa mall na sumusuporta rito. Para bang hindi pa rin niya tuluyang ma-absorb kung gaano ito kasikat.

Nang makapasok siya sa loob ng bookshop at nang sa wakas ay matanaw niya ang binata, hindi niya napigilan ang ngiting gumuhit sa mukha. He's happy for him. At bonus na lang na ang guwapo nito sa itim na chino na longsleeve na naka-tuck in sa asul na denim pants habang nakaupo sa harap ng isang dalagitang fan, at habang pinipirmahan ang libro sa harapan. Alam niyang hindi siya makikita ng binata dahil sa dami ng tao roon. 

Tumingin si Ray sa oras sa phone niya. Alam niya na dapat sa mga oras na ito, tapos na ang event. Pero dahil marahil sa maraming tao ang dumating at pumila para rito, baka nag-extend sila. Hindi niya inakalang kahit biglaan ang event nito, marami pa ring pupunta para makita ang author ng TPL. Noong Linggo lang kasi tumawag kay Mark ang editor nito para sabihing may biglaan itong event dahil raw sa hindi makakarating ang original na author na naka-schedule para sa araw na ito. Pero habang tinititigan niya si Mark na kasalukuyang napapalibutan ng marami nitong fans, para bang mas lalo siyang natatakot na mas mapalapit dito. Para bang sinasabi ng mga libro sa paligid na hindi siya nababagay dito. Para bang lahat ng ingay sa paligid ay nagsasabing umalis na siya roon. Pero kinaya niyang balewalain ang lahat ng iyon. Ayaw na niyang makadagdag pa iyon sa stress niya. Dinukot na lang niya ang libro mula sa bag niya, ang kopya niya ng TPL na hindi pa niya napapapirmahan kay Mark. Sadyang hinintay niya ang araw na ito. At nang hindi na ito nakatingin kay Mark, noon naman sandaling sumilip si Mark sa phone bago agad na ibinalik ang tingin sa panibagong fan sa harapan niya.

Nang lalabas na si Ray nang bookstore para puntahan ang kabilang dulo ng pila, laking gulat niya nang matanaw si Nat sa may likuran. Kitang-kita niya ito dahil sa ganda ng suot nitong kimono top. She stood out among the crowd. Malalaki ang print ng bulaklak ng sakura sa kulay puting top nito. Pansin niyang nakatingin din ito kay Mark. Maya-maya pa ay nasipat na niya ang isang lalaki na nakaitim na sumbrero na nasa bandang likuran din ng bookstore. Kahit may suot din itong itim na face mask, alam na niyang hindi iyon si Kurt. Kinabahan siya nang mapansing kay Mark din nakatuon ang mga mata nito.

Author's Note: Wait n'yo ang part 2 ng chapter na 'to ha. For now, why don't you leave your comment/s below? 👇👇👇 Kamsahamnida!

The Name In Your BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon