Written by: Mia Joy C. Castillo
Napaniwala ako noon
Na bago pa man mabuhay dito sa mundo ang tao
Sila ay binuo
Na may apat na mata
Dalawang ilong, at labi
Dalang pares ng tenga at paa
Dalawang kahit na anong parte ng katawan nila
At bago pa man isilang ay pinaghiwalay na
Upang dito sa mundong ibabaw
Hahanapin ang iyong kapareha
Kalahati ng kanilang pagkatao
Na bubuo sa kanila
Higit pa akong naniwala
Nang ikaw ay makita
Nilinlang ng tadhana
Na ikaw ang nawawalang piraso
Sa mundo kong magulo
Isinama kita sa bawat pahina
Ng mga espesyal na kabanata
Ikaw ang letrang bumubuhay sa mga salita
Ang musikang nagpapaindak sa aking mga paa
Ang natatanging bisig na tinatakbuhan ko
Kapag nakakapagod ang mundo
Ikaw ang tanglaw na kahit nakasisilaw
Ngunit patuloy ko pa ring tinatanaw
Naniwala ako na ikaw na talaga
Panandalian lang pala
Hawak ang iyong kamay
Sa nakaliligaw na paglalakbay
Bawat hakbang pinipilit nating magsabay
Kahit ang totoo
Magkasalungat na daan
Ang tinatahak nating dalawa
Ngunit hindi ako natinag
Pinilit kong ikaw ang kalahati ng aking pagkatao
Na hanggat hindi naglalaho
At ako ang dahilan ng ngiting sumasalamin sa iyong puso
Mananatili ako
Nagpaloko nga yata ako sa mga sabi sabi
Na ang itinakdang kapareha mo
Ang siyang makakasama mo hanggang dulo
Hindi nga yata tayo ang nawawalang bahagi ng isa't-isa
Mananatili na lamang sigurong blangko
Ang huling bahagi ng espesyal na kabanata
Ikaw pa rin ang mga letrang
minsang nagbigay buhay sa aking mga salita
Kabisadong musika
Ngunit hindi na maisasayaw pa
Yakap na hahanap-hanapin
Ngunit hindi na gugustuhin pa
Ang tanglaw na hindi na kailanman
Sisindihan paMarahil hindi nga talaga tama ang tadhana
Ngunit nabuo naman tayo
Ng mga alaala at pagkatuto
Upang mas maging sakto
Para sa iba
![](https://img.wattpad.com/cover/132731950-288-k836036.jpg)