CHAPTER 08

363 14 0
                                    

"Hindi ko na kayang manahimik lang dito anak, mag-iisang linggo ng nawawala ang kapatid mo!"

Ang nag-aalalang tinig ng kaniyang ina ang bumungad kay Alexus habang tahimik siyang nag-iisip sa kawalan.

Tinawagan siya ni Nicole kahapon at sinabi nito na nakausap nito si Alessandra ngunit hindi siya makapag-isip ng hakbang na gagawin. Sinasabi na nga niya, tama ang hinala niya. Binalikan na sila ng anak ni Zandro, matagal na sila nitong pinagbabantaan. Makapangyarihan ang anak nitong si Zac Fuentabella, wala silang laban kahit magsumbong pa sila sa mga pulis.

Walang alam ang ina niya sa mga nangyari noon, at ayaw na sana niyang alalahin pa ang nagawa ng kaniyang ama. Pero walang sikretong hindi nabubunyag, at kusang lalabas ang katotohanan pilitin man itong itago. Heto na ang oras na kinatatakutan niya, bakit kailangan pang madamay ng kapatid niya? Wala itong alam sa mga nangyari.

"Anak naririnig mo ba ako? Hindi na ako nakakatulog sa gabi," pag-aalala ng ina nila.

Pinilit niyang kumalma at hinarap ito.

"Mom, mahahanap natin si Alessandra pangako ko ’yan sayo." Pilit niyang pinapalakas ang loob nito, kailangan na niyang gumawa ng hakbang.

Hindi lingid sa kaniya kung saan nakatira si Zac Fuentabella, ngunit sa dami ng lugar na puwede nitong pagtaguan malamang na hindi niya ito matagpuan, pero umaasa siya na sana makita niya itong kasama ng kapatid niya, at sana wala itong ginawang masama kay Alessandra.

"I need to go Mom. Hahanapin ko si Alessandra at hindi ako titigil hangga't hindi ko siya natatagpuan."

Walang nagawa ang ginang kundi ang tumango na lamang at umasa sa mga pangako niya na babalik siyang kasama si Alessandra.

Nagpalipas siya ng magdamag sa bahay ng kaibigan, pinlano niyang puntahan ang bahay ni Zac alas-dos ng madaling araw upang tahimik na at walang bantay. Kilala niya si Zac, marami itong alagad.

Wala siyang kasama, ang tanging alam lang niya ay kailangan niyang mailigtas ang kapatid niya. Nanganganib ang buhay nito sa kamay ni Zac, dahil sa laki ng kasalanan ng ama niya hindi malabong kitilin nito ang buhay ng kapatid niya. Ayaw niyang mangyari iyon kaya hindi niya dapat sayangin kahit kaunting minuto.


*****

Mag aalas-tres ng madaling araw at hindi pa rin makatulog si Alessandra, kanina pa siya nakakarinig ng mga kaluskos. Kinakabahan siya dahil tila may kakaiba sa paligid ng kwartong kinalalagyan niya.

Bumangon siya upang makiramdam at sumilip sa bintana, laking gulat niya nang makita ang kapatid na si Alexus, sinenyasan siya nito na wag gumawa ng ingay. Mabilis siyang napatakip sa bibig.

"Kuya anong ginagawa mo dito?!" nag-aalalang tanong niya, pabulong lang iyon sa takot na baka madinig sila ni Zac.

Paano itong nakaakyat doon?
Maraming bantay sa labas, natatakot siya na baka mamaya ay barilin na lamang ito bigla ng mga alagad ni Zac.

"Paano kang nakapasok? Maraming bantay sa labas si Zac!" Sunod-sunod ang mabilis na tibok ng puso niya, kinakabahan siya.

"Wala ng bantay sa labas dahil madaling araw na, halika na uuwi na tayo!" Hinila nito ang kamay niya palabas sa malaking bintana.

Bago pa man siya tuluyang makuha ng kapatid ay dumating na si Zac at mabilis siyang nahablot nito sa Kuya niya, kasabay niyon ay ang pagtutok nito ng baril.

"Huwag!" mabilis na awat niya kay Zac. Nanginig siya sa takot.

"Zac Fuentabella, pakawalan mo ang kapatid ko. Wag mo siyang idamay!" galit na asik ng kuya niya.

Tila matagal ng magkakilala ang mga ito ayon sa reaksyon ng kapatid niya pagkakita kay Zac.

Ngumiti lang si Zac, ngiting walang laman. Kita niya ang pag-iiba ng anyo nito ngayon, nanlilisik ang mga mata nito at tila gigil na gigil sa galit.

"Alam mo bang ano mang oras eh puwede ka ng paglamayan dito? Ang lakas ng loob mong pumasok sa teritoryo ko!"

"Zac, please ibaba mo ang baril mo!" pagmamakaawa niya. Labis na ang takot niyang nararamdaman, ano mang oras ay puwede nitong iputok ang baril sa Kuya niya.

"K-kuya, iwan mo na lang ako, hindi ako sasama sayo. Hayaan mo na ako dito," sabi niya sa kapatid.

Ayaw niyang mapahamak ito, kung siya ang kailangan ni Zac ay pagtitiisan niyang manatili sa poder nito wag lang nitong saktan ang kapatid niya.

Tiningnan lang siya ni Zac.

"Please, hindi ako sasama sa kanya ibaba mo lang ang baril mo. Kuya please umalis ka na!" pagtataboy nkya sa kapatid.

Umiling-iling ito.

"Aalis ka? O dalawa kayong paglalamayan dito ng kapatid mo? Mamili ka Alexus!" banta ni Zac.

Doon niya napagtanto na kilala nga ni Zac ang Kuya niya dahil sa pagbanggit nito ng pangalan.

"Bakit hindi mo muna sabihin ngayon sa harap ng kapatid mo kung gaano kawalanghiya ang kinikilala niyang ama?"

Sunod-sunod ang naging pag-iling ng Kuya niya, hindi pa rin binababa ni Zac ang baril.

Tumingin siya sa Kuya niya, umaasa siya na sasabihin nitong hindi totoo ang lahat ng ibinibintang ni Zac sa ama nila pero hindi ito nagsalita.

"Ano? Hindi mo masabi? Umalis ka na ngayon din bago pa magkalat ang dugo mo rito!"

"Kuya, please nagmamakaawa ako umalis ka na!" Pilit rin niya itong itinataboy dahil sa takot na tuluyan itong patayin ni Zac.

Kitang-kita niya ang pagtutol sa mga mata ng kapatid ngunit wala itong magawa, alam niyang ayaw na ayaw nitong iwanan siya pero paulit-ulit siyang nagmakaawa dito na umalis na ito.

Walang nagawa ang kapatid niya kundi ang umalis nang hindi siya kasama. Umiiyak siya ng mga sandaling iyon. Hilam sa luha ang mga mata niya dahil sa samut saring emosyon na nararamdaman.

Nanlilisik ang mga mata ni Zac nang balingan siya nito ng tingin pero wala itong binitawan na salita. Hinila lang siya nito papasok sa isa pang silid at doon siya nito pinatulog. Magkasama sila sa isang kwarto at hindi siya nito hinayaang mag-isa.

Sinigurado nito na bantay sarado siya nito.

Naupo ito sa couch na naroon habang siya ay nakaupo na sa kama, inihilamos nito ang kamay sa mukha at tila aburidong-aburido ito.

Nag-iwas siya ng tingin, nahiga siya at tumalikod. Walang salita ang gustong kumawala sa bibig niya, pakiramdam niya'y nanginginig ang mga tuhod niya. Nabasa niya ang katotohanan dahil sa ikinilos ng Kuya niya, malaki ang posibilidad na totoo ang sinasabi ni Zac— na pinatay ng ama nila ang Papa nito. Ni hindi man lang nagsalita ang kapatid niya para ipagtanggol ang Daddy nila.
Umagos ang luha sa mga mata niya. Paanong nagawa iyon ng Daddy niya? Buong akala niya ay mabuti itong tao, noon pala ay kaya nitong pumatay.

Dumagdag sa bigat ng pakiramdam niya ang isiping iyon at siguro kung makakaalis man siya sa poder ni Zac ngayon ay hindi niya pipiliing umuwi sa kanila. Kinamumuhian niya ang Daddy niya at hindi niya alam kung paano ito haharapin pa.

Heal My Wounds (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon