FINAL CHAPTER

402 13 0
                                    

Hindi mapakali si Zac habang kausap si Lucard, kanina pa sila nag-iisip ng puwedeng idahilan para lang mapapunta si Alessandra sa resort niya sa Pangasinan. Ilang buwan na rin ang lumipas buhat ng magpunta sila roon. Walang kaalam-alam si Alessandra sa mga plano niya. Pinasara niya muna iyon para sa isang espesyal na araw sa buhay nila ni Alessandra.

Sobra ang pagiging busy niya nitong mga nagdaang araw dahil pinaghahandaan niya ang kasal nila. Gusto niyang maging kakaiba iyon at sorpresa. Lahat ng kaibigan at kamag-anak ni Alessandra ay kinausap niya at pinuntahan pa noon para lang makarating sa kasal nila. Sinabi niya sa mga ito ang plano at nakiusap na hayaang maging sikreto iyon at kapana-panabik. Beach wedding ang mangyayari at sa lupaing pag-aari niya sa Pangasinan iyon magaganap.

Mabuti na lang at hindi nakakahalata si Alessandra sa kaniya kahit araw-araw ay lagi siyang may kausap sa cellphone dahil sa planong iyon.

Naroon na siya sa Pangasinan at lahat na ay nakaayos. Puno ng magagandang bulaklak ang paligid malapit sa dagat. Pinasadya niya ang ayos niyon at bumayad siya ng malaki upang maging maganda ang kahihinatnan. Puti at pulang mga rosas ang nakalagay sa paligid kaya magandang pagmasdan. Habang ang buhanginan naman ay nagkalat din ang iba pang mga petals.

Ang gagawin nilang paraan ngayon para mapapunta si Alessandra sa Pangasinan ay magkukunwari si Lord na may babae siya rito. Susulsulan ito ni Lord na sumama dito para hulihin siya. Wala na silang maisip na paraan. Kahit pa alam niyang mapapagalit niya ito ay sumige na siya para maganap na ang kasal nila. Matagal na rin niyang minimithi ang kasal na iyon. Lahat ng puwedeng kausapin ay nakausap na niya pati ang pari na magkakasal sa kanila. Ang singsing ay nasa bulsa niya at nakahanda na rin. Simple lang ang pinili niyang singsing para kay Alessandra, kulay puti ang diyamante niyon sa ibabaw na sumisimbolo ng pagiging simple nito at elegante.

"Nasa mansyon mo na raw si Lord at galit na galit na si Alessandra sayo!" sabi sa kaniya ni Lucard habang nakatingin sa cellphone. Ito ang kumokontak kay Lord.

Napapalatak siya. Ayaw pa naman nuya na nasasaktan ito.

"Sabihin mo kay Lord kailangan na nilang makaalis ngayon din, tatlong oras pa ang biyahe, mamaya lang ay nakahanda na ang mga bisita," utos niya kay Lucard, hindi pa rin siya mapakali. Ano kayang nararamdaman ngayon ng pinakamamahal niya? Malamang na pinapatay na siya nito ngayon sa isip nito. Napabuga siya ng hangin.

Ang ibang mga bisita ay naroon na ngunit hindi pa naman nakabihis. Sinabi niya kasi na maghihintay pa sila kay Alessandra dahil bibyahe pa ito. Siya ay maagang umalis kanina kaya maaga rin siyang nakarating sa Pangasinan. Walang kamalay-malay si Alessandra sa magaganap. Ang Mommy nito at si Almond ay nasa biyahe pa lang din.

Nang lumipas ang higit dalawang oras ay saka pa lang nag-ayos ang mga bisita. Hindi naman ganoon karami ang bisita dahil mangilan-ngilan lang din ang angkan ni Alessandra. Mga kaibigan lang nito ang nadagdag saka mga kaibigan niya. Siya ay wala namang pamilya, bukod tanging si Zeus lang pero nasa France ito at hindi raw makakauwi. Sinabihan niya rin ito pero sobrang busy daw. Naghanda na ang mga bisita nila dahil sa hudyat na sinabi niya, kontak pa rin ni Lucard si Lord. Siya ay tinawag na rin ng make-up artist na kinuha niya. Kailangan niya rin na maayusan. Nakahanda na pati ang susuotin niya sa kasal. Kulay gray na amerikana at bumagay iyon sa matangkad at matipuno niyang pangangatawan.

Hindi mapatid ang kabang nararamdaman niya habang papalapit ng papalapit ang oras. Sinabi ni Lord na malapit na ang mga ito, kaya makalipas lang ang halos labing limang minuto ay nakahanda na sila lahat. Nakasuot ng simpleng gown ang magagandang mga kaibigan ni Alessandra na nakilala niya lahat dahil kay Almond. Sinamahan siya nito sa pag-imbita ng mga iyon at madali naman silang nagkasundo ng mga ito sa sinabi niyang plano. Kilala na niya ang iba dahil minsan na niyang nakasama ang mga ito nang umuwi sila kila Alessandra, ilan lang ang hindi niya pa kilala dahil abala ang mga ito sa sari-sariling trabaho kaya hindi nakasama noon sa mga nakaharap niya. Tuwang-tuwa ang mga ito para sa kaibigan.

Heal My Wounds (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon