CHAPTER 13

341 12 0
                                    

Mabibigat ang hakbang na nagtungo si Alessandra sa ospital kung saan naka-confine ang Daddy niya. Hindi niya alam kung bakit sobrang bigat ng pakiramdam niya habang papalapit roon, kasama niya si Nicole.

Nahagip agad ng mga mata niya ang kapatid na si Alexus, balisa ito at kita niyang may bakas ng luha sa namumulang mga mata nito, gulat na gulat ito nang makita siya.

"Alessandra?"

Kinakabahan siya dahil sa itsura nito ngayon, iba ang kutob niya, dahan-dahan siyang lumapit kay Alexus at sumulyap sa bintana kung saan sa loob niyon ay nandoon ang Daddy niya.

Kita niya ang Mommy niya na umiiyak at ganoon din si Almond.

"W-wala na si Daddy," malungkot na sabi ng Kuya niya.

Para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa dahil sa narinig.

Wala na ang Daddy niya? Hindi man lang niya ito inabutan? Hindi man lang siya nito hinintay?

"N-no..." Hindi niya matanggap ang narinig sa kapatid, niyakap siya nito.

Si Nicole ay umiiyak na rin sa gilid niya, humahangos na nilapitan niya ang ama sa loob at niyakap iyon. Wala na itong buhay, nagulat ang Mommy at Kuya Almond niya ng makita siya ng mga ito. Hinagod ng Mommy niya ang likod niya.

"Anak, wala na ang Daddy mo!" Umiiyak ito at walang humpay sa pagtulo ang luha.

Humagulgol na rin siya, mabigat ang loob niya sa isiping may ginawa itong kasalanan at mas nakadagdag sa bigat niyon ang mga tanong na naipon sa kaniya, hindi na niya malalaman mismo ang sagot sa kaniyang ama.

"Daddy bakit hindi mo ko hinintay? Ang daya mo Daddy madami pa kong dapat itanong sayo eh. Ang daya daya mo!" umiiyak niyang sabi. Hinahagod pa rin ng Mommy niya ang likod niya.

Lumapit si Alexus sa kanila na kanina ay nasa labas.

"Alessandra, ibinilin ng Daddy na sana ay patawarin mo siya. Hindi ka na raw niya mahihintay," sabi nito.

Tumayo siya, masama ang tingin na ipinukol niya sa kapatid, marami siyang dapat malaman at gusto niyang malaman iyon ngayon din.

"Kuya totoo ba? Totoo ba na pinatay ni Daddy ang ama ni Zac?"

Naging mailap ang mga mata ng kapatid niya, ramdam niya ang paghawak ng kamay sa kaniya ng Mommy niya habang nakayuko.

"Alam mo ito Mommy? Ikaw Almond alam mo rin?" Nanghihina siya nang makita ang reaksyon ng mga ito na tila hindi nabigla sa tanong niya.

"Kumalma ka Alessandra. Walang alam si Mommy at Almond. Nito lang din nila nalaman ang lahat, nang ma-ospital ang Daddy inamin niya lahat ng kasalanang nagawa niya, at oo napatay niya ang Daddy ni Zac."

Mariin siyang napapikit.

"Kung ganoon alam mo ang lahat ng ito?"

Tumango ito.

"Kasama ako ng gabing 'yon. Nang gabing pinasok namin ang opisina ni Mr.Fuentabella. Ang sabi sakin ni Daddy ay may kukuhanin lang kaming mga papeles na kailangan para sa negosyo natin. Hindi ko alam na pagnanakaw pala ang motibo niya, lahat ng pera na nakuha ni Mr.Fuentabella ng gabing iyon ay kinuha niya, galing si Mr. Fuentabella sa isang malaking pakikipag-deal at may hawak itong malaking pera ng araw na iyon at hindi ko rin alam kung bakit alam ni Daddy na dideretso muna ito sa opisina nito, siguro ay pinlano niya ang lahat, at wala akong nagawa Alessandra! Naging sunud-sunuran ako sa takot na baka pati ako ay malintikan kay Daddy. Hindi ko alam na papatayin ni Daddy ang tatay ni Zac," mahabang detalye ng Kuya niya.

Namuo ang galit sa puso niya pero anong magagawa niyon? Hindi nito kayang itama ang kamaliang nagawa ng ama niya dahil lang sa makasariling dahilan nito.

Heal My Wounds (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon