Abot ang tapik ni Zac sa braso niya pati sa binti, napakadaming lamok sa labas ng bahay ng Lola ni Alessandra, hindi man lang siya hinayaan ng dalaga na magpaliwanag, tinalikuran siya nito agad. Hindi niya alam kung bakit ganoon ito magalit, para itong tigre at nanlilisik pa kung tumingin.
Napabuga siya ng hangin kasabay ng muling pagtampal niya sa braso. Shit!
Bayan yata ng lamok itong napuntahan niya, ka-text niya pa kanina si Alexus para lang mahanap ang kinaroroonan ng bahay ng Lola nito, ibinigay nito bawat detalye upang madali niyang mahanap.
Ilang ulit na siyang pahiga-higa at pagkatapos ay babangon dahil sa mga lamok, paano siya makakatulog dito sa upuan na 'to? Mukhang wala na talagang balak lumabas si Alessandra.
Tumayo na siya at umalis sa terrace, tiningnan niya ang relong suot. Ala-una na pala ng madaling araw, sa loob na lang siya ng sasakyan matutulog.
ALAS SAIS ng umaga nang magising siya, agad siyang bumangon nang matanaw niya ang lola ni Alessandra na nagwawalis ng bakuran.
"Magandang umaga po," bati niya sa matanda na agad namang nag-angat ng tingin sa kaniya.
"Magandang umaga naman hijo, ano ang sadya mo?" tanong nito.
Inabot niya ang kamay ng matanda, kahit nagtataka ay hinayaan naman nitong magmano siya.
"Ako ho ang nobyo ni Alessandra," sagot niya sa matanda, kita ang gulat sa mga mata nito.
"Nobyo ka ng apo ko?" ulit nito sa sinabi niya kaya tumango siya.
"Hala ay pumasok ka sa loob nang makapag agahan, andoon si Alessandra sa loob at natutulog pa."
Agad nitong binitawan ang walis na hawak at pumasok sa loob ng bahay, siya naman ay daling sumunod sa matanda.
Simple lang ang loob ng bahay ng lola ni Alessandra, gawa sa bato ngunit hindi kalakihan. Agad siyang naupo sa upuan at narinig niyang ginising ng matanda si Alessandra.
"Alessandra bumangon ka na diyan at mayroon kang bisita dito."
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga, sana naman ay hindi na ito galit sa kaniya, kinakabahan pa rin siya.
*****
"Alessandra bumangon ka na diyan at mayroon kang bisita dito."
Napabalikwas ng higa si Alessandra matapos marinig ang boses ng kaniyang lola.
Bisita?
Agad siyang kinutuban ng hindi maganda.
Hindi pa umuuwi ang walanghiyang iyon?
Nalukot ang mukha niya, ngunit kapagkuwan ay bumangon din at lumabas ng kwarto.
Bumungad agad sa kaniya ang mukha ni Zac na titig na titig sa kaniya, tinaasan niya lang ito ng kilay.
"Hayan, mabuti naman at gising ka na, asikasuhin mo ang nobyo mo baka hindi pa siya nag-aagahan," sabi ng lola niya na mas ikinasama ng mood niya.
Ang walanghiya, nagpakilala pa talagang nobyo niya.
"Lola, hindi ko ho ’yan nobyo," sagot niya sa matanda.
"Ano? Eh ang sabi niya ay nobyo mo raw siya, hijo ako yata'y pinaglululuko mo, hindi ka naman pala nobyo nitong apo ko," baling ng matanda kay Zac.
Dumilim ang mukha ni Zac sa kaniya ngunit mabilis din nitong pinawi iyon pagkatingin sa matanda.
"Ah, binibiro lang ho kayo ni Alessansdra, sa katunayan nga ho ay ikakasal na kami," sagot nito sa lola niya habang nakangiti. Sumulyap ito sa kaniya at kumindat, binigyan niya lang ito ng matalim na tingin.
BINABASA MO ANG
Heal My Wounds (Completed)
RomanceSi Alessandra ang anak ng taong pumatay sa ama ni Zac Fuentabella kaya kinidnap siya nito upang paghigantihan. Ikinukulong siya nito sa isang mansyon at inalok na maging sex slave nito sa loob ng dalawang linggo kapalit ng kalayaan niya. Pumayag siy...