Tila humahangos na dumating si Clark sa clinic. Hinihingal pa ito at nakakapit pa sa pintuan ng silid kung saan namamalagi ang noo'y tulala pa ring si Maria.
"Sir, ano pong meron?" tanong ni Lisa.
"Kamusta si Maria? Anong nangyari sa kanya?" tanong ni Clark.
Lumapit ito at ipinatong sa noo ni Maria ang kanyang kamay upang alamin kung mainit ba ito.
"Ang init mo! Bakit pumasok ka pa? Saka bakit ang dami mong pasa?" tanong nito.
Nilingon ni Maria ang nagsasalitang lalaki nang may matalim na tingin.
"Ah. . ah may nasabi ba akong masama?" tanong ni Clark.
Biglang nagtaka ang dalawang babaeng kasama ni Maria. Makikitang mayroong bandage ang mukha ni Clark.
"Actually, sir, kanina pa rin namin gustong itanong kung napaano po 'yang nasa mukha n'yo?" tanong ni Lisa.
"Oo nga sir. Saka bakit po kayo nandito? Parang alalang-alala kayo kay Maria. " dagdag ni Clara.
"Wala 'to, mayroon lang naman akong iniligtas na babae kahapon saka masama bang mag-alala sa estudyante ko?" sagot nito.
"Ah. . ah hindi naman po sir. Haha. Tama po kayo. Parang gusto ko na ring magpaligtas sa inyo sir!" sabi ni Clara.
Nang mga oras na 'yun ay masama pa rin ang tingin ni Maria kay Clark. Tila may nagbabaga na namang damdamin na malapit na sanang maupos ngunit muling nabuhay.
Sinasabi nga nila ang mga alaala ang dahilan kaya hirap ang isang taong magbago.
"Nag-alala talaga ako sa'yo kanina, Maria. Bilang teacher mo, responsibilidad kong i-check ka, halika tulungan na kitang umupo para makakakain ka" sambit ni Clark.
Nang hahawakan na ni Clark ang ulo ni Maria ay malakas nitong hinawi ang mga braso ng lalaki na parang kanyang sinasabi na huwag s'yang hawakan.
Muli itong tumingin nang matalim sa lalaki na nung mga oras na yun ay natulala na rin sa pag-aakalang nagkasundo na sila kagabi. Ngunit ngayon, tila ibang Maria na ang kanyang nakikita. May labis na galit na sa mga mata nito.
"So-sorry, Maria. Hindi ko naman inaakalang. . "
"Umalis na kayo. Hindi ko kayo kailangan!" sabi ni Maria.
Natigilan si Clark dahil hindi n'ya inaasahang masasabi ito ni Maria. Hindi na s'ya nagsalita na marahan na lamang naglakad at isinara ang pinto.
"Uy, bes! Anong nangyayari sa'yo? Kinakabahan na kami ha!" sambit ni Lisa.
"Oo nga. Ipaliwanag mo para maintindihan namin" dagdag ni Clara.
"Hindi n'yo maiintidihan kaya umalis na rin kayo, gusto ko nang magpahinga." sagot ni Maria.
Wala nang nagawa ang dalawa kundi ang umalis na lamang nang tahimik dahil nung mga oras na yun ay bumaling na si Maria sa kabilang banda na tanda na siya ay hindi na interesadong kausapin pa ang dalawa.
Hindi naman talaga kayang maipaliwanag ang lahat ng bagay dahil kahit mismo tayo ay marami pa ring hindi nadidiskubre sa mundong ating ginagalawan ngayon.
Pagkatapos ng tatlong araw. .
"Papasok kaya si Maria?" tanong ni Clara.
"Akala ko ba bumalik ka kahapon, bakit hindi mo tinanong?" sabi ni Lisa.
Dumating ang malakas na hangin at tinangay ang buhok ng dalawa. Nung kanila nang inaayos ito ay biglang may dumating.
"Mga bes! Grabe na-miss ko kayo!"
Dahan-dahang nilingon ng dalawa ang parating na babae.
Nanlaki ang mga mata nila sa nakita. Ang dating babaeng simple lang mag-ayos noon ay tila isang dalagang hindi na nila kilala.
May kulay na ang buhok nito na parang matamlay na kulay pula. Ang dating masaya na sa pulbo at kaunting pampakintab ng labi ay mapula na ang labi at may bahagyang kolorete na sa mata at pisngi.
Nakangiti itong lumapit sa dalawa.
"Uy! Ano? May problema ba? Bakit natulala kayo d'yan? Ang ganda ba?" tanong ni Maria.
"Ma-ma-Maria? A-anong nangyari sa'yo?" tanong ni Lisa.
"Bakit pangit ba?" sagot ni Maria.
"Grabe, Maria. Ibang-iba ka na. Lalo kang gumanda! Hindi ko inakalang ganyan ka pala kaganda kapag nag-ayos." sambit ni Clara.
"Pero, okay ka na ba talaga parang noong isang araw lang halos hindi ka nagsasalita?" tanong ni Lisa.
"Diba ang sabi ko sa inyo, kapag pumasok na ako ulit, kakalimutan na natin ang kung ano man meron noon? Relax! Ako nga relax lang oh! Kayo pa ba?" sagot ni Maria.
"A-Ah okay, mabuti naman at ganyan ka mag-isip. Kakaiba ka talaga" dagdag ni Clara.
"Paanong kakaiba?" tanong ni Maria.
"Kakaiba. Ikaw lang ang kilala ko na mula sa mga masasamang nangyari sa buhay ay parang bagong tao ka palagi na bumabangon na parang walang nangyari." sagot ni Clara.
Hindi na sumagot pa si Maria sa mga sinabi ni Clara at umupo na lamang katabi ng mga ito.
"Kumain na ba kayo? Palagi nalang kayong nandito sa canteen kaya kayo nananaba!" sambit ni Maria.
"Aba! Salamat naman at ikaw pa rin 'yan. Grabe pa rin mang-asar! Sinong mataba?" tanong ni Clara.
"Basta hindi ako 'yun" sagot ni Lisa.
"Okay! Fine! Edi ako na! Hindi pa kami kumakain kasi nga iniisip ka namin!" sambit ni Clara.
"Wow naman! Sweet naman ng beshy ko! Oh ano bang gusto n'yo? Sagot ko na!" sabi ni Maria.
"Totoo ba 'to? May himala ba?" sagot ni Clara.
Tumayo na lamang si Maria at dumiretso sa counter kung saan sila bumibili ng pagkain sa canteen. Nagpatuloy sa pag-uusap ang dalawa.
Nagulat ang dalawa dahil nang pabalik na ito ay marami itong dalang pagkain at sinusubukang balansehin ang hawak na tray at nakapokus ang tingin dito. Nang biglang tumama ang tray na hawak n'ya sa isang lalaki.
"Oh sorry. .sorry."
Tiningala ni Maria ang lalaki na noong mga oras na 'yun ay nakakunot na ang noong nakatingin sa kanya. Pagtingin n'ya sa tabi ng lalaki ay ang mga kasama nito na nagulat rin sa nangyari.
Nagpanggap na kinakabahan si Maria kahit na yung tubig lang naman ang natapon sa damit ng lalaki.
Sila ang "Black Knights", ang limang lalaking kinakatakutan ng lahat. Nabuo ang grupo dahil ang bawat isa sa kanila ay mga napatalsik na sa ibang school. Mahilig sa gulo, mahilig manloko. Sila ang promotor ng mga karera ng sasakyan sa gabi dahil mga ipinanganak na mayayaman. Marami nang estudyante ang tumigil sa pag-aaral dahil nakabangga nila ang mga ito.
Alam ito ni Maria ngunit alam din n'yang ang kanyang kagandahan ay higit pa sa kung anomang mapanlokong bagay sa mundo.
"Tabi!"
At tinabig ng lalaki ang hawak ni Maria na nahulog lahat sa sahig. Walang gustong tumulong. Lahat ay nababalot ng takot na baka madamay sila.
Tinitigan nitong muli si Maria at saka humakbang paalis. Parang mula sa matagal na hindi paghinga ay bumalik sa normal ang lahat ng nasa loob ng canteen.
Mabilis namang sumaklolo ang dalawa.
"Maria, okay ka lang? Grabe, kagagaling mo lang sa kung anomang aksidente at heto ka na naman, ang masama pa, ang nakabangga mo ay. . " natigilang sabi ni Clara.
"Oo, alam ko, kilala ko sila." sagot ni Maria.
"Hindi ka ba natatakot?" tanong ni Lisa.
"Hindi ko alam. Aksidente naman ang nangyari e. Di ko naman sinasadya." sagot nito.
"Pero mag-iingat ka, Maria. Dahil base sa mga nakita ko kanina. Hindi nila ito palalampasin." dagdag ni Lisa.
BINABASA MO ANG
REVENGE OF A MISANDRIST (COMPLETED)
Mistério / SuspenseSi Maria, lumaking may matinding galit sa mga lalaki, ay unti-unting babangon mula sa kanyang madilim na nakaraan. Makilala kaya n'ya ang lalaking magbabago sa kanyang pagkatao? Ang nobelang ito ay hindi angkop sa mga bata. Malawak na pag-iisip ay...