Kung pwede lang hilain sa araw ng birthday ni Chase, ginawa ko na. Sabado pa lang ngayon. Dalawang araw pa bago ang birthday nya. Nakakabagot tuloy maghintay.
Nasa kwarto ako, nakahiga habang nagiisip kung ano ang pwedeng iregalo sa kanya. Puso ko na lang kaya? I thought. Natawa ako dahil kung anu anong iniisip ko. Ano kayang mangyayari sa araw ng birthday nya? Ano kaya magiging reaction nya kapag umamin na ako? Matutuwa ba sya o baka naman i-reject nya ako? Napapikit ako sa sarili kong idea. Huwag naman sana.
"Think positive, Lilian." Sabi ko sabay tayo at humarap ako sa salamin ng closet ko. Kumembot kembot ako at nag-pose ng kung ano ano saka ko tinawanan ang aking sariling repleksyon. Baliw nga yata ako.
"Ma, ang bunso mo nababaliw na naman." Rinig kong sigaw ni Kuya na nasa tapat pala ng pinto. Kung bakit naman nakalimutan kong isara. Nalaman tuloy nila ang kabaliwan ko.
"Mana kaya ako sayo." Tugon ko saka ako lumabas ng kwarto. Sumunod sa akin si Kuya. "Kuya may tanong ako..."
"Ano yun?" Tanong nya habang pababa kami.
"Kayong mga lalaki anong gusto nyong iregalo sainyo ng babae?"
"May boyfriend ka ba uli?" Kunot noo nyang tanong. "Bakit hindi mo pa pinakilala sa amin? Diba ang sabi ko sayo ayos lang sa amin na magkaboyfriend ka basta dito ka ligawan sa bahay."
"Relax. Wala akong boyfriend, Kuya. Survey lang." I replied.
"Mabuti kung ganon." He said. "Madalas akong regaluhan ni Pau ng card na sya mismo ang gumawa. Mas naappreciate namin yun kaysa sa mga binibiling card. Kahit simple lang yun matutuwa na kami dahil galing yun sa taong mahal namin."
"Ok. Nagkaroon na ako ng idea. Salamat, Kuya." Sabi ko saka nya ako inakbayan. May mga pagkakataong para kaming aso't pusa. Mas madalas naman kaming ganito.
Pagkatapos naming kumain ng umagahan nagpaalam ako para bumili ng colored papers at ilang gagamitin para gumawa ng card. Dinagdagan ko ang ireregalo ko sa kanya. Isang kwintas. Saka ako bumili ng paper bag.
Palabas na ako sa Mall ng makatanggap ako ng text from Chase.
Chase: Guys, bukas na pala ang celebration ng birthday ko para mas mahabang oras ang inuman at kainan.
"Ok." I replied. Ibubulsa ko na sana ang cellphone ko ng magring ito. "Hello..."
"Yanyan, pinapatanong ni Mama kung maaga ka daw pupunta dito bukas? May ipapatikim daw syang new experiment nya. Alam mo naman si Mama kung anu anong niluluto."
"Mukhang hindi, Chase. May aasikasuhin pa kasi ako at magsisimba pa kami nila Mama." Ayokong maagang pumunta dahil una, nahihiya ako sa parents nya and for sure aasarin lang ako nila Ryan kapag nalaman nila. Pangalawa, nakagawian na namin ang magsimba tuwing linggo. Kaya malabo talagang makapunta ako ng mas maaga.
"Sige, sabihin ko na lang sa kanya mamaya kapag nakauwe ako."
"Nasaan ka ba?"
"May sinamahan lang ako. Sige, bye." Pagpapaalam nya. Pumara na ako ng taxi dahil ayokong magabihan sa daan. Wala pa naman si Chase na naghahatid sa akin.
"Anong mga yan, Anak?" Pagtatanong ni Mama ng makapasok ako sa bahay. Nanunuod sila ng movie kasama si Kuya.
"Para sa project lang namin Ma." I lied. Ayoko kasing tuksuhin kaya di ko sinabi sa kanila ang totoo. Mabuti na lang nakatutok si Kuya sa pinapanuod nya kung hindi magtatanong din sya. "Akyat na po muna ako, Ma." I said and she nodded.