Episode 16

87 17 16
                                    

Dedicated to Alixa Nicole antiliit DawnNicoleDavid3 CarlaBiancaClosa

Episode Title:

"Rhododendron"

Nang makauwi si Eddie ay hindi nito mapigilang pagmasdan ang munti nilang tahanan.

Mula sa uuga-uga nilang kisame. Ang maalikabok nilang pader, maingay na kapitbahay, ang pusa nilang walang balbon, at ang kaisa-isa nilang telebisyon na laging pinupukpok tuwing walang signal.

"O anak, kumusta eskwela? Kain muna tayo." Ani ng matanda habang dinidiligan ang mga halaman sa sala.

Isang ngiti ang kanyang naging tugon.

At kahit ganoon ang kanilang buhay, pakiramdam ni Eddie ay napakayaman niya sa pagmamahal. Hindi siya binigo ng ama sa pagbibigay ng kanyang mga pangangailangan. Nakapag-aral pa ito sa isang prestiryosong paaralan.

"Tay, saan galing 'to?" Usisa ng anak.

Napakaraming nakahain sa kanilang maliit na mesa. Mga pagkaing ni kahit kailan ay tila hindi niya pa natitikman.

"Nagkaroon ng ribbon cutting kanina. Pinakain kami, aba! Iyong mga katrabaho ko dali-daling naghanap ng supot, kaya naman nakapag-uwi rin ako." Sumilay ang malalim nitong pekas sa kanyang mga mata, at kahit hindi ito kumunot ay nahahalata na ang maiikling linya sa kanyang noo. Ang pagkulubot ng kanyang balat ay wari sa init nagkatagpo. Araw-araw kumakayod ang ama ni Eddie mabigyan lamang siya ng sapat na makakakain.

"Kumusta kayo ng mga kaibigan mo? Maayos pa rin ba ang samahan ninyo?"

Mabagal na tumango si Eddie, tila hindi sigurado sa naging sagot. Sa mga nakaraang araw, hindi siya mapakali, nahihirapan ito sa pinapagawa ni Amy.

"Nagtatampo pa rin ba sila tuwing kaarawan mo na hindi sila pwedeng pumunta rito? Pasensya ka na anak... hindi talaga nila magugustuhan dito. Ayoko namang itakwil ka nila dahil sa bahay nating kinakalawang na.

"Tay, hindi sila gano'n. Mababait po mga kaibigan ko."

Tumango-tango ang kanyang ama.

"Siya nga pala, mukhang hindi tayo makalipat ng uupahan ngayon. Nag-utang ang kumpare ko noong nakaraang araw, sa susunod na buwan pa niya mababayaran."

"Tay, ayos lang po..."

Sumubo si Eddie. Napansin nito ang pangangalay ng ama. Sandali itong nag-unat nang braso.

"Tay, hindi pa ba kayo magreretiro?"

Mahinang tumawa ang kanyang ama.

"Paano ka mabubuhay nang hindi ako nagtatrabaho? Basta ang pinakapayo ko sayo, huwag mong tutuluran si tatay. Nakita mo naman kung gaano kahirap ang buhay natin hindi ba?"

Napayuko si Eddie.

"Ako na lang po magtatrabaho. Ayoko na kayong nahihirapan dahil sa akin."

Umiling ang kanyang ama.

"Pinag-aral kita ng ilang taon, tapos iyan lamang ang sasabihin mo saakin?"

Napakagat ng labi si Eddie.

Malinis man ang intensyon nilang pareho sa isa't-isa, ngunit hindi nito mapigilan ang sariling mag-alala para sa kalusugan ng ama. Maglilimampung taon ng nagtatrabaho ito sa hotel nila Mitch, at ni kahit kailan ay hindi nito nagawang magreklamo sa trabaho.

He Loves Me, She Loves Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon