The Last Trial at the City of Grixtonia
MANGHANG-MANGHA si Cid sa lugar na napuntahan n’ya. Hindi siya makapaniwalang mayroon palang ganitong kagandang pook na kaniyang masisilayan. Hindi ito katulad ng kanilang lugar, maging ang lungsod, na kaniyang tinutungo ay walang panama sa rikit na tinataglay ng nakikita ng kaniyang mga mata.
“Nasaan ba ako? Anong lugar ito?” tanong ni Cid sa kaniyang sarili na hindi pa rin makapaniwala sa kaniyang nakikita. “Anong nangyayari?”
“Maligayang pagdating sa Grixtonia, Cid. Ako ang magiging gabay mo patungo sa akademiyang iyong papasukan,” sambit ng isang babaeng sumulpot mula sa kaniyang likuran.
“Sino ka? Bakit mo alam ang pangalan ko?” pagtatakang tanong ni Cid sa babae.
“Ako si Cynthia Haydn, ang puting uwak na sumubok at tumantiya sa’yo kung karapat-dapat ka bang tanggapin sa Peculiar Academy of Grixtonia. At ikinagagalak kong sabihin na nakapasa ka sa pagsubok kaya’t nakatanggap ka ng isang paanyaya mula sa PAG,” paliwanag nito kay Cid.
“Ah, ikaw pala ‘yung puting uwak! Hindi mo naman agad sinabi. Nabanggit nga ni Inay ang tungkol sa Grixtonia. Ano bang mayroon dito, bakit gusto ni Inay na makapasok ako rito,” ani ni Cid kay Cynthia.
“Sasagutin ko ang iyong mga katanungan at agam-agam ngunit kinakailangan na nating tumungo sa akademiya. Mangyari bang habang tayo ay naglalakad ay saka ko ipaliwanag sa’yo kung anong mayroon sa siyudad ng Grixtonia” sagot ni Cynthia na noon din ay handa ng maglakad.
“Halika na’t baka mahuli pa tayo sa iyong pagpapatala.”
“Noong 2812 ay nagkaroon ng isang giyera na kinabibilangan ng mga makakapangyarihang salamangkero, mangkukulam, at pati na rin mga demonyo. Tumagal ito ng tatlumpong araw bago natapos ang digmaan. Ngunit, namayagpag ang mga salamangkero at natalo ang mga kalaban nito. Matapos ang malagim na labanan, nagtatag ng siyudad ang mga salamangkero na tinawag nila na “Grixtonia”. Naging maganda ang pamamalakad sa Grixtonia at walang nakikitang masasamang pangyayari sa simula. Ngunit may hindi maiiwasang sitwasyon pa rin na may mga naglilitawang nilalang na gumugulo sa siyudad. Kaya’t pagkatapos ng isandaang taon, ang lupon ng makabagong henerasyon ng mga salamangkero na pinamumunuan ng limang pilosopo ay nagtatag na isang institusyon kung saan magkakaroon ng pribilehiyo ang mga kabataan na makapag-aral dito. Mga kabataan na nagtataglay ng pambihira at kakaibang abilidad na nakahihigit sa iba. Tinawag nila itong Peculiar Academy of Grixtonia. Dito ay hahasain at pag-iibayuhin ang kanilang paggamit ng mahika upang sa gayon ay maipagtanggol nila hindi lamang ang kanilang sarili kundi pati na rin ang siyudad ng Grixtonia laban sa mga masasamang nilalang na bumabalot sa buong daigdig.”
“Ikaw Cid ay magiging parte ng isang institusyon kung saan lalabanan at pupuksain ninyo ang mga masasama. Good luck Cid at gawin mo lahat ng makakaya mo,” paliwanag ni Cynthia.
“Ahh, sige susubukan ko kahit hindi pa ako sigurado sa nangyayari rito. Good luck sa akin. ‘Nay, gabayan ninyo po sana ako sa tatahakin kong landas. At ‘yung pangako ko po sa inyo na hanapin si Tatay, sisiguraduhin ko pong matutupad ko ‘yon,” wika ni Cid na medyo kinabahan sa maaaring mangyari sa kaniya sa Grixtonia.
Bago pa man tuluyang kabahan si Cid ay natanaw niya ang isang malaking pilak at gintong gate hindi kalayuan mula sa kaniyang kinatatayuan. Namangha siya sa kaniyang nakita dahil sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nakatanaw ng isang gate na gawa sa kumikinang na pilak at ginto.
Tinanong niya si Cynthia tungkol sa gate na papasukin nila.
“Ito na ba ang sinasabi mong akademiyang papasukan ko?”
“Ikinalulungkot ko ngunit hindi pa ito ang Peculiar Academy of Grixtonia. Bahagi pa lamang ito ng akademiya at dito mangyayari ang ikalawa mong pagsubok,” sambit ni Cynthia.
BINABASA MO ANG
Peculiar Academy of Grixtonia (Book1) Completed
FantasyAnong gagawin mo kung mapunta ka sa isang lugar kung saan kailangan mong itago ang taglay mong kapangyarihan? Hanggang kailan mo maikukubli ang tunay mong katauhan sa ibang tao? Ito ay kwento ng isang binatang nagtataglay ng pambihirang mahika na h...