Memoirs of Charles’s Darkest Past
MALUNGKOT ang ibang mga taga-Eregarden sa balitang inihatid nina Cid. Gayunpaman, nagpapasalamat sila dahil sila lang ang mga estudyanteng pumansin sa kanilang hiling. Matagal na pala nilang inilapit ang problemang ito ngunit wala pang dumarating na tulong.
Nagpahinga muna silang lahat. Mga pagod sa tensyon at kaba sa loob ng lumang palasyo. Nagsama-sama sila sa iisang kubo kasama ang ama ni Cid.
“Itay, maaari n’yo bang ikwento sa amin ang totoong nangyari noong nag-aaral pa kayo rito, ang dahilan ng inyong pag-aalis, at ang rason kung bakit kayo bumalik dito at hindi na nakabalik pa sa mundo natin?” pang-uusisa ni Cid sa kaniyang ama.
“Kahit hindi mo sabihin ‘yan, ikukwento ko pa rin sa’yo. Nais kong malaman mo ang buong nangyari sa akin simula at pagkatapos ng aking pagbabalik dito sa Grixtonia. Kayong tatlo, makinig na rin kayo.”
Nagsimulang magsalaysay si Charles.
~ Simula ng Pagbabalik-tanaw ~
“Wow, ang ganda naman pala rito sa Grixtonia,” nawika ni Charles Ian Dragonheart o Cid ng una siyang makatuntong sa Grixtonia.
Inihatid siya ng isang babae na siya ring puting uwak na nagbigay sa kaniya ng sulat-paanyaya sa gym kung saan magaganap ang huling pagsusulit.
Maraming estudyante ang nakaupo sa harap ng entablado. Lahat ay mataimtim na nakikinig sa lalaking nagsasalita sa unahan.
“Pasensya na, Cid,” sambit ng babae. “Na-late tayo ng dating.”
“Okay lang ‘yon. Ang mahalaga’y nakarating ako rito. Hindi pa naman nagsisimula ang huling pagsusulit,” aniya.
Umupo si Cid sa pinakahuli at pinakadulong bahagi ng upuan. Napansin niya ang isang estudyante na nag-iisa rin sa upuang kahilera ng sa kaniya. Nilapitan niya ito.
“Hi, ako nga pala si Cid. Ikaw anong pangalan mo?” aniya.
Lumingon pa ito sa kaniyang likuran. Tinitingnan kung sino ang kinakausap ni Cid. Nang mapagtantong siya ang kinakausap nito, tumugon naman siya sa mahinang tono. “Vladimir Houston.”
“Ang pangit naman ng pangalan mo,” sabi ni Cid. “Ibig kong sabihin, ang pangit kung ‘yan ang itatawag ko sa’yo. Pwede bang iba na lang ang itawag ko sa’yo? Ano kaya? Ah, Vladdy na lang.”
Hindi sumagot si Vladimir.
“Silence means yes. Pwede ba tayong maging magkaibigan?”
Hindi muli ito sumagot pero halatang namumula ito. Pagdaka’y tumango rin.
Simula ng mga oras na iyon, naging magkaibigan sila.
“Vladimir Houston, Class E – 2 stars.”
“Charles Ian Dragonheart, Class E – 2 stars.”
Naging magkaklase ang dalawa. Higit pa ay naging magkasama pa sila sa iisang kwarto. Madaldal si Cid samantalang si Vladmir ay tahimik. Magkasalungat ang pag-uugali nila ngunit naging malapit sila sa isa’t isa.
May isang linggo silang pahinga subalit hindi sumama si Cid sa paglilibot sa Grixtonia.
“Aling Cecilia pala ang pangalan n’yo. Bakit ang sasarap ng inyong mga niluluto? Anong secret recipe n’yo?” usisa ni Cid.
“Hindi s’ya secret kasi ‘yan talaga ang magic ko. Kaso hindi naman ito magagamit sa laban. Alangan namang pasarapin ko ang aking mga kalaban, ‘di ba?” tugon nito.
BINABASA MO ANG
Peculiar Academy of Grixtonia (Book1) Completed
FantasyAnong gagawin mo kung mapunta ka sa isang lugar kung saan kailangan mong itago ang taglay mong kapangyarihan? Hanggang kailan mo maikukubli ang tunay mong katauhan sa ibang tao? Ito ay kwento ng isang binatang nagtataglay ng pambihirang mahika na h...