The Eclipse of Unfortunate Magic Part 1: Dead or Alive
HINDI pa nagbubukang-liwayway ay nakahanda na ang lahat. Nakapuwesto na ang bawat section sa bawat bahaging nakatalaga para sa kanila. Nailikas na rin ang mga mamamayan ng Grixtonia upang hindi sila madamay sa digmaang magaganap maya-maya lang. Ikinubli sila sa isang sikretong basement sa ilalim ng lupa na walang nakaaalam kung hindi mga propesor, si Sir Claudius, at piling mga estudyante lang.
Tila isang abandonadong lugar ang buong Grixtonia. Kung dati ay maraming tao ang pagala-gala at masayang naglalakad, ngayon ay tanging pag-ihip ng hangin ang siyang maririnig at pailan-ilang papel na pinapayid nito patungo sa kawalan.
Wala mang sinasabi ngunit halatang tensyunado ang lahat. Hindi pa man nagsisimula ang labanan, tumatagaktak na pawis ng ilan. Unti-unti ay nasisilayan nila ang paglitaw ng araw mula sa silangan, ninanamnam ang init at liwanag nito dahil mamaya, mawawala na ang lahat ng tinataglay nito.
“Kinakabahan ako,” wika ni Cid.
“Ngayon lang kita narinig na nagbitaw ng ganyang mga salita,” sabi ni Aryan.
“I know how you feel,” sambit naman ni Diego. “Natatakot na ako hindi pa man nagsisimula.”
“Anong problema, Cid?” tanong ni Sasa. “May bumabagbag ba sa loob mo?”
“Sa totoo lang, kinakabahan ako hindi para sa sarili ko, kundi para sa kaligtasan ng lahat,” sagot niya. “Alam naman natin na hindi biro ang makalalaban natin. Hindi lang isa o sampu o limampu, libu-libong demonyo ang sasalakay dito maya-maya lang. Naghanda na tayo para rito, ngunit nababahala pa rin ako sa maaaring kahinatnan ng lahat laban sa mga malalakas na demonyo.”
“Cid,” ani ni Sasa sabay hawak sa kamay nito, “maski naman kami kinakabahan din sa mangyayari mamaya pero nandito na tayo, wala ng urungan ‘to. Saka hindi ka mag-iisa sa laban mo. Andito tayong lahat para magtulungan. Sama-sama nating lalabanan ang kasamaan. Lahat ay naghanda para sa labang ito kaya ‘wag ka ng kabahan. Cheer up, baby.”
“Baby?”
“Sabi ko grabe. Nabibingi ka na, baby.”
“O ‘yan baby ang sabi mo.”
Hindi na nagsalita si Sasa. Namula na lang siya na parang isang kamatis.
“May digmaan na ngang magaganap, naglalandian pa kayong dalawa r’yan,” sambit ni Diego na tumatawa habang nakaakbay kay Cid.
“Pasali naman d’yan,” wika naman ni Aryan na biglang yakap kay Sasa na napa-ungol dahil sa kiliti.
“Basta walang mamatay mamaya. Ipangako n’yo sa akin na gagawin n’yo ang lahat para makaligtas,” saad ni Cid.
“Yes, Sir!” sabay-sabay na sambit ng tatlo na nakataas ang mga kamay.
Sa kabilang sulok naman, nakatingin lang si Chris kina Cid. Pinagmamasdan niya kung gaano kasaya ang apat.
“Hindi ko akalain na darating ang punto na makahahanap si Cid ng mga kaibigan na magbibigay sa kanya ng kasiyahan,” wika ni Charles.
“Kayo pala Mr. Charles.”
“Alam mo kasi lumaking tahimik si Cid kasi lumaki rin s’ya sa tahimik na lugar, sa bundok, kung saan walang katao-tao. Wala s’yang makausap na ka-edad n’ya kaya hindi s’ya pala-imik. Pero tingnan mo naman ngayon, no’ng makapunta s’ya rito sa Grixtonia, nagkaroon s’ya ng mga kaibigan na sasamahan s’ya sa kahit anong laban.”
“Humihingi po ako ng patawad dahil hindi naging maganda ang aking pakikitungo sa inyong anak.”
“Ayos lang ‘yon. Hindi naman kasi nagtatanim ng galit ang anak ko. Mahigpit na pinangaralan s’ya ng kanyang ina kaya wala s’yang magagawa. Nakakatakot pa namang magalit ni Emilia.”
BINABASA MO ANG
Peculiar Academy of Grixtonia (Book1) Completed
FantasiaAnong gagawin mo kung mapunta ka sa isang lugar kung saan kailangan mong itago ang taglay mong kapangyarihan? Hanggang kailan mo maikukubli ang tunay mong katauhan sa ibang tao? Ito ay kwento ng isang binatang nagtataglay ng pambihirang mahika na h...