Chapter 22

26 7 0
                                    

Demon King

SA DAKONG dulo ng hangganan ng Grixtonia, may isang tagong kaharian na napalilibutan ng matataas at matatalim na bulubundukin na tinatawag nilang Sierra Padre.

Lumang-luma na ang histura nito dahil halos matagal na itong naitayo matapos ang digmaan noong 2812. Nalimot na lamang ng lahat na umiiral pa ito at ni isa ay wala ng nakaaalala na kumpleto at maayos pa ito kaya lamang ay hindi na napanatili ang dating ganda kaya nagmukhang haunted na gusali.

Isang makapangyarihang nilalang ang namumuno rito. Isang nilalang na walang nakakikilala kung sino ngunit marami ng nagawang masama sa loob ng dalawang siglo. Tinatawag siya ng...

“Demon King, Vladimir,” wika ng babaeng mukhang alila. “Ikinagagalak kong nakabalik kayo nang maayos at walang sugat o kahit ano.”

“Lapastangan!” Sinampiga niya ang babae at tumilapon ito nang pagkakalayo. “Hindi ba’t utos ko ay walang magsasalita hangga’t hindi ako nagsasalita o walang pahintulot ko? Inutil na babae!”

“Ipagpaumanhin n’yo ang aking pagsasalita nang hindi n’yo ipinag-uutos. Handa akong tanggapin ang kahit na anong parusa,” sambit ng babae habang pinupunasan ang dugo sa gilid ng kaniyang labi.

“Hindi na kailangan. Ipaghanda mo na lang ako ng makakain. Nagugutom ako.”

“Masusunod din, Demon King, Vladimir.”

Matapos kumain, tumungo siya sa piitan ng mga nahuling tao. Madilim ang loob nito. Nagpalagitik siya ng daliri at biglang sumindi ang sulo na nakadikit sa pader. Dumiretso siya sa pinakadulong bahagi ng kulungan. Nakapiit ang isang kilalang tao. Lumapit si Vladimir dito at kinausap.

“Humihinga ka pa ba? Gumising ka!” sigaw niya

“Kahit kailan hindi ako patitinag sa mga ginagawa mo sa akin, Vladdy, ang dati kong matalik na kaibigan,” mahinang tugon ng lalaking nakukulong at nakaposas ang kamay at paa sa selda.

Madungis na ang lalaki. Puno ng pawis ang hubad niyang katawan. Buhaghag at malago na rin ang buhok bilang hindi na nagagawang makapanligo sa loob ng maraming taon.

“Huwag mo akong matawag-tawag na Vladdy. Ikaw na rin ang nagsabing dating kaibigan pero ngayon hindi na. Kilala na ako ngayon bilang si Demon King Vladimir kahit hindi naman talaga ako kilala ng lahat ng tao.”

“Hindi ko alam kung anong nangyari sa’yo kung bakit ka naging ganyan, Vladdy. Dati naman mabait ka at walang tinatagong kasamaan.”

“Paulit-ulit na lamang tayo. Walang bagay ang nanatili sa dati nitong anyo. Lahat nagbabago. Lahat nag-iiba. Katulad ko, hindi na ako ang dati mong kaibigan simula ng maalala ko ang aking nakaraan na anak ako ng isang demonyo.”

Hindi na umiimik ang lalaki. Nakatalikod ito kay Vladimir habang nakayuko.

“Maliban sa’yo,” pagpapauloy ni Vladimir. “Hindi ka pa rin nagbabago. Kinakausap kita, hindi ka man lang lumilingon. Kailan ka ba magbabago, Charles Ian Dragonheart?”

Tama. Ang lalaking nakakulong ay ang matagal ng hinahanap ni Cid nang mahabang panahon. Ang kaniyang ama.

“Ano bang ginagawa mo rito? Bakit ka pa nag-aaksaya ng oras sa katulad kong bilanggo ng marumi mong kulungan?”

“Wala lang. May gusto lang sana akong sabihin sa’yo tungkol sa nakita ko kanina. Hindi ka maniniwala.”

“Wala akong pakialam kahit sino pa ang makita mo. Umalis ka na lang dito. Hindi ako interesadong marinig ang sasabihin mo.”

“Wala kang pakialam kahit na sabihin kong ang nakita ko ay malapit sa’yo. Ang ‘yong anak.”

Napalingong bigla si Charles sa narinig niya kay Vladimir. Hindi niya lubos maisip na makararating ang kaniyang anak sa Grixtonia.

“Ang anak ko, si Cid? Nasa’n s’ya? Saan mo s’ya nakita?”

“Akala ko ba hindi ka interesado? Huwag kang mag-alala mukhang lumaki s’yang mabuti, maayos at malakas. Bakit ko ba ‘to sinasabi sa’yo? Balang araw ay makikita mo rin s’ya—nang walang buhay.” Tumawa siya nang malalim.

“Huwag na huwag mong masasaktan ang anak ko! Kung hindi, ako ang makakalaban mo.”

“Natatakot ako, Charles,” biro ni Vladimir. “Hindi pa naman ngayon, pero malapit na. Sa oras na tumakip ang buwan sa araw, magaganap ang isang matinding digmaan. Sigurado akong magkakatapat kami ng anak mo. Doon ko s’ya papatayin.”

Pagkatapos masabi ang lahat ay daglian siyang tumalikod at umalis.

“Hoy, Vladimir Houston! Subukan mo lang sadya, ako ang makahaharap mo!” sigaw ni Charles.

Hindi na siya pinakinggan pa ni Vladimir. Naiwan na muli siyang mag-isa sa loob ng madilim na piitan.

“Hindi ko napansin gamit n’ya pala ang aking itsura. Sa tagal na ring hindi ko nakikita ang sarili ko, nakalimutan ko na lahat. Pero si Cid, nandito na s’ya sa Grixtonia ibig sabihin ay nakapasa s’ya sa pagsusulit. Anak ko sadya ang batang ‘yon. Ipinagmamalaki ko s’ya. Kumapit ka lang Cid. Magkikita rin tayo. Pinapangako ko ‘yan sa aking sarili.”

***

Pumasok sa kaniyang silid si Vladimir. Malaki ang ngiti sa labi niya dahil sa nalalapit na kadiliman. Ang eklipse na magaganap ay magbibigay sa kaniya ng pambihirang lakas at kapangyarihan. Ngayon pa lamang, ramdam na niya ang paunti-unting pagtaas ng kaniyang mahika.

“Malapit na malapit ng balutin ng kadiliman ang maliwanag na kalangitan ng Grixtonia,” wika niya sa kaniyang sarili. “Magsisimula na ang masalimuot na sigalot na kikitil sa maraming buhay. Walang makaliligtas, walang ititiring buhay. Mga demonyo, ang aking mga alagad, ang maghahari sa buong sanlibutan. Walang makapipigil sa aming pamamayagpag. Nakakulong na ang pinakamakapangyarihang taong nakatuntong sa Grixtonia. Si Charles Ian Dragonheart. Maaaring nandito nga ang kanyang anak pero wala akong naramdamang malakas na mahika na nanggagaling sa kanya. Wala s’yang laban sa akin. Masasakop ko na ang buong Grixtonia! Bwahahahahaha.”

Pinatunog niya ang maliit na kampana sa kaniyang silid. Ito ang hudyat na may iuutos siya sa kaniyang alipin.

“Aking alipin, pumunta ka ngayon din dito sa aking silid. May iuutos ako sa’yo!”

“Demon King, Vladimir,” wika ng kaniyang tagapagsilbi. Napatili naman si Vladimir na parang isang babae. “Kanina pa akong nandito sa loob ng kwarto n’yo. Hindi n’yo lang ako napansin dahil abala kayo sa pag-momonologue n’yo.”

Nagbadya siyang hambalusin ang tagapagsilbi ngunit naisip niyang masisira lang ang kaniyang masayang kondisyon. Pinaglagpas niya muna ito sa pagkakataong iyon.

“Ipaghanda mo ako ng panligo ko. ‘Yung katulad pa rin ng dati. Sariwang gatas ng kalabaw, na may bulaklak ng puting rosas, at may pinigang lemon.”

“Masusunod din ngayon.”

Peculiar Academy of Grixtonia (Book1) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon