Bitbit ang mga papel na ibinigay sa akin ni Boss—Tito Arnold, tinahak ko ang pabalik sa kwarto no Ate Sandra.
Hindi ko maiwasang ilibot ang paningin. Hindi ko mawari pero may kakaiba akong nararamdaman na hindi maganda. At dahil du'n, nagmadali akong maglakad.
Nang makapasok ako sa loob ng factory, ang mga batang nakatipon ang sumalubong sa akin. Malapit sila sa isang truck at parang may hinihintay ang mga ito.
"Psst! Anong ginagawa n'yo d'yan?" Tanong ko.
Pero kahit isa ay walang sumagot sa akin. Dinadaanan lang nila ako ng tingin. Napailing ako. Nakalimutan kong, hindi nga pala ako masyadong malapit sa mga bata.
Hindi ko na sila kinibong muli at pinagpatuloy nalang ang paglalakad. Tanaw ko na ang pasilyo papunta sa mga kwarto ng biglang yumanig ang sahig kasabay ng pagsabog!
Napahawak ako sa pader at kinakabahang tumakbo. Ang alingawngaw ng sigaw ng mga bat ay humihina habang papalayo ako.
Dumaungdong ang kaba sa aking dibdib nang sunod ng pagsabog ay mga malalakas na putok naman.
Tinakpan ko ang aking tenga at nagmadaling umalis sa pwesto pero nang maalala ko si Tito Arnold ay napahinto ako.
Napalingon ako sa pinanggalingan. Hindi. Ang mga putok na iyon. Maaari kayang galing iyon sa baril?
Ang maalalang nandoon si Tito ay lalong nagbigay ng kaba at takot sa akin. Umatras ako at umisip ng gagawin. Nang napagdesisyunang bumalik ay gumalaw ako sa pwesto pero niyanig muli ng isang pagsabog ang factory.
Mula sa kwarto namin ni Ate Sandra ay pumalahaw ang iyak ng bata. Doon lang ako natauhan. Ang maisip na umalis at hanapin si Tito ay pwede pero ang iwan sila Ate sa kwarto ay hindi.
Nagmadaling pumasok ako.
"Ate!"
"Lili," tawag niya. Yakap niya si Lawrence at pilit na tinatakpan ang tenga nito. "A-Ano bang nangyayari? Bakit may pagsabog?" Kita ko ang nanginginig niyang katawan pero tinitibayan niya dahil may hawak siyang bata.
"Hindi ko alam." Pati ako ay naguguluhan. Kinuha ko ang bag ni Ate Sandra at nilagay doon ang hawak ko. Siniguro kong ang mahahalagang gamit at madaling dalhin lang ang nakuha ko.
"L-Lili, natatakot ako." Umiiyak na siya pero nagagawa pa rin niyang patahanin si Lawrence sa pag iyak.
Kahit ako ay natatakot. Pero anong magagawa ko? Hindi ko kayang magpakalma ng ibang tao kung ako rin ay hindi kalmado. Siguro ay kung titignan ako sa panlabas ay maayos ako pero sa loob loob ko, nanghihina na rin ako sa takot.
Isinabit ko likod ang bag at hinila si Ate palabas ng kwarto.
"Saan tayo pupunta?" Lakad takbo na ang ginawa namin.
Hindi ko rin alam kung saan kami pupunta pero kailangan naming makaalis sa loob ng factory.
"Hindi ko rin alam pero kailangan nating makalabas rito." Sabi ko nalang. Hindi ko kayang masabi ng isang lugar na walang kasiguraduhan.
Takip pa rin ang tenga ni Lawrence habang maingat naming tinatahak palabas. Hindi pa rin tumitigil ang putukan sa labas.
Paglabas namin ay nagtatakbuhan na ang mga bata papunta sa malapit na truck. Mula sa kaliwa, humahangos na pumasok si Budoy sa sasakyan.
Aalis siguro sila. Kailangan naming makaabot roon at makasakay.
Mahigpit ang hawak ko sa braso ni Ate Sandra at papunta na sana sa gawi ng truck ng may isang putok na tumama sa gawi namin. Pareho kaming napasigaw at umatras.
BINABASA MO ANG
Mission: Sandra
General FictionMay mga bagay na hindi atin pero gustong gusto nating makuha. May mga bagay namang meron na sa atin pero nawawala pa. Para kay Lilibeth Estrella, isang achievement ang maging kaibigan si Sandra sa kulungang kinalalagyan niya. Ang pagmamahal na ipina...