Nagdedelikadong mawala kina Queenie ang kanilang rancho at ang mansion. Sa kagustuhang maisalba iyon ay napilitan siyang magpakasal sa bastos at walang modong anak ng maimpluwensiyang businessman kung saan nakasangla ang mga iyon. Subalit sa araw ng kanyang kasal ay kusang loob siyang pinatakas ng ama. Hindi na daw baleng mawala sa kanila ang dalawang properties basta't huwag lamang siyang matali sa kasal na gagawin lamang miserable ang kanyang buhay. Pumayag siya, ngunit sa kanyang pagtakas, nanakaw ang kanyang bag na naglalaman nang lahat ng kanyang pera, at aksidente pa siyang nabangga. Nang magising sa hospital ay isang lalaking nagngangalang Lyndon Buenavista ang unang bumungad sa kanya. Nagpapakilala ito bilang lalaking siyang nakabangga sa kanya. Sa unang pagkikita palang ay kakaiba nang atraksyon ang naramdaman niya para rito. Inako nito ang lahat ng responsibilidad nang nangyari sa kanya at nagprisinta pa na ihahatid siya pabalik sa kanyang pamilya. Wala na siyang pera, walang matutuluyan, at hindi rin siya maaring bumalik ng kanilang Rancho. Nang dahil doon ay napilitan siyang magpanggap na nagkaamnesia para pansamantalang kupkupin siya nito. Sa kanilang pagsasama sa iisang bubong, unti-unting nahulog ang loob nila sa isa't-isa, hanggang sa mamalayan niyang mahal na pala niya ang lalaki. Subalit hanggang saan nga ba siya dadalin ng pagmamahal na iyon ngayong natuklasan niya na gaya niya, mayro'n din itong bagay na tinatakbuhan mula sa nakaraan nito?