Claude's Point of View:
"Maraming salamat sa pag-aalaga at pagpapatuloy sa anak kahit na hindi niyo siya kadugo, at ganoon na din sa pagkukop sa pamangkin ko." ang bungad na pasasalamat ni mama kila tito Luke at tito Arwin. Nang mga oras na 'yon ay sala kami ng bahay nila En.Pi, matapos kasi ang surpresang pagkikita namin ay sakto namang lumabas noon sila tito Luke at tito Arwin, at nang malaman nila na ang babaeng nakayakap sa akin nang sandaling 'yon ay ang aking ina na matagal ko nang inaasam na makita at makasama ay agad na inimbita nila ito na pumasok sa bahay upang dito na makapag-usap. Nang mga sandaling papasok ako ng bahay ay pareho lang kami ni En.Pi na walang kibo, pakiramdam ko ay pareho lang kami ng nararamdaman noon. Sa pagpasok namin ay naikwento din nila tito Luke kung paano kami napunta sa puder nila at siyang kinabigla iyon ni mama.
"Naku wala po 'yon, hindi na din iba sa amin ang batang ito. Lalo na at mahalaga para sa anak namin ang inyong anak." ang sabi ni tito Luke bilang paglalahad na higit pa sa magkaibigan ang turingan namin ni En.Pi, tila ba sinusukat din niya ang pagtanggap ng sarili kong ina sa tunay na pagkatao ko.
"Masaya akong malaman ang bagay na 'yan, nangangahulugan lang na kahit paano ay masasabi kong hindi nag-iisa ang anak ko ng lubusan." ang nakangiting sabi ni mama. "Nakakalungkot lang isipin na sariling kapatid ko pa, na kadugo din naman ng anak ko at ina ng pamangkin ko ang siyang hindi magawang makatanggap sa tunay na pagkatao nila. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa inyo dahil hindi niyo sila pinabayaan." ang dagdag ni mama na maluhaluha pa nang hawakan niya ang kamay ni tito Luke. "Labis-labis akong nagpapasalamat talaga sa inyo." ang sabi ni mama at ngumiti si tito Luke nang madama niyang sinsero si mama sa pagtanggap sa pagkato ko at ng pinsan ko.
"Ijo, salamat din sa'yo, salamat sa hindi paghusga sa anak ko." ang sabi ni mama na nakatingin noon kay En.Pi.
"Ah, ah, wala po 'yon. Wala po kayong dapat na ipagpasalamat sa akin." ang tugon ni En.Pi na iniiwas na noon ang mga tingin sa akin.
"Mabuti pa ay maiwan na muna namin kayo, sa tingin ko ay madami din kayong dapat po na mapag-usapan nitong si Claude." ang sabi ni tito Luke bilang pagbibigay ng pribadong oras sa amin ni mama. Sumang-ayon naman si tito Arwin dito at nakangiting tumango naman si mama at nagpasalamat sa kanila. Niyaya ni tito Luke si tito Arwin sa kusina, habang si En.Pi naman na tila malalim ang iniisip ay nagsabi na sa labas na lang muna ito, at nagpaalam din si Tadeo na sasamahan na lang si En.Pi muna.
Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin ni mama nang makaalis na ang lahat, tila ba nagpapakiramdaman pa kami sa kung sino ang dapat na bumasag ng katahimikang iyon. "Anak, alam ko na galit ka sa akin at malaki ang pagtatampo mo sa akin simula nang iwan kita, sana anak magawa mo akong mapatawad." ang sabi ni mama bilang pagbasag sa katahimikang iyon.
Pigil luha akong umiling sa kanya ng nakangiti. "Hmm, wala po kayong dapat na ihingi ng tawad mama, kahit kailan po hindi ako nakaramdam ng galit o pagkatampo sa inyo. Nauunawaan ko po kung bakit niyo kinailangang umalis, pero hindi ko po maitatanggi na sa bawat oras at panahon na lumilipas po ay mas tumindi 'yung pangungulila ko sa inyo. Sa bawat okasyon hinihiling ko lagi na sana dumating ka na, pero napagod na din po akong humiling at umasa pero magkagano'n man hindi po ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo mama, dahil nauunawaan ko po na kailangan niyo ako iwanan talaga noon." ang panimulang sabi ko hanggang sa hindi ko na napigilan pa ang aking mga luha.
"Pero ang hindi ko lang po maunawaan ay kung bakit ngayon lang po? Bakit ngayon lang po kayo bumalik?" ang tanong ko na nakayuko at lumuluha.
"Patawad anak, pero maniwala ka sana na hindi ko ginusto na ngayon lang makabalik, hindi ko ginusto na ngayon lang tayo magkita. Walang segundo sa buhay ko anak ang lumipas na hindi ka iniisip, buong buhay ko simula nang iwan kita ay nangungulila ako sa'yo, pero may mga bagay na hindi ko hawak noong mga panahon na iyon." ang sabi ni mama at nagsimula na siyang lumuha noon.
BINABASA MO ANG
Rain.Boys VII
Teen FictionRAIN.BOYS VII [Teen Fiction|Yaoi|BXB] "Sa tuwing umuulan nakakaramdam ako ng matinding takot at lungkot. Para sa akin tanging masasamang alaala lang ang dala ng ulan. Kung pwede lang, kung may kapangyarihan lang akong patigilin ang ulan ginawa ko na...