Fog & Dew 02

435 31 5
                                    

Claude's Point of View:

"Hoy bakla! Gumising ka nga, bumangon ka na diyan!" ang nadinig kong malakas na sabi ng boses ng pinsan kong si Tadeo, nakapikit pa din ako noong mga sandaling iyon at hindi ko alam kung nananaginip ba ako o totoo kong nadidinig ang kanyang boses na akala mo ay amo na nanggigising ng kanyang alipin. "Bakla! T*ng ina, hindi ka ba gigising..." ang nadinig kong sabi nito at doon na ako nagising nang maramdaman ko ang pagtadyak niya sa mga binti ko, nagising ako na namimilipit sa sakit, kulang na lang ay gumulong ako sa papag na higaan ko. Hindi din ako makapagsabi na masakit o idaing man lang ang ginawang iyon ni Tadeo dahil alam ko na 'pag ginawa ko 'yon ay mas lalo lang ako mapapasama, na kahit na ang pinsan ko pa ang may mali ay ako pa din ang mapapagalitan at lalabas na mali kaya mas pinilit ko na lang mamilipit at maghilot ng masakit kong binti.

"Eh kung gumising ka na kanina pa, eh di sana hindi ka namimilipit ng ganyan." ang may pagmamalaki pa nitong sabi. "Oh bumili ka daw ng mga panahog para sa ititindang ulam ni nanay. Huwag mo din daw kalimutang bumili ng twenty-five grams na great taste na kape sabi ni tatay." ang sabi ni Tadeo kasabay nang pagbato nito sa pera na pambili at listahan ng bibilhin.

Nang bahagyang mawala na ang sakit ay agad na akong bumangon. Kinuha ko ang pera at listahan ng bibilhin, at umiika akong naglakad. Paglabas ko sa maliit kong kwarto na ang totoo ay bodega na din ng maliit na bahay na 'yon ay dumiretso ako ng kusina, inilapag ko ang pera at listahan sa mesa at sandaling nagsipilyo at hilamos. Matapos na magpunas ay nagdalidali na akong lumabas.

Madilim pa nang mga oras na 'yon, alas-tres pa lang ng mandaling araw at alam kong tama ako dahil dinig ko din ang pagtilaok ng mga manok na alaga ng sabungero naming kapitbahay na si mang Pedro, at halos di na din ako naiiba sa mga manok dahil iyon din naman talaga ang oras kung kailan dapat na akong gising para pumunta sa palengke.

Hindi ko inirereklamo ang utusan na mamalengke o kung ano pa mang gawaing bahay ang ipagawa nila sa akin, ang masakit lang sa akin ay kung paano ako itrato ng mga taong kadugo ko. Limang taong gulang lang ako nang iwan ako ng sarili kong ina kay tita Uge na kapatid niya, ang dahilan niya ay mag-iibang bansa lamang ito para magtrabaho at para masuportahan ako dahil sa iniwan na kami ng ama kong sumama sa kalaguyo nito. Noong una ay maganda ang trato sa akin nila tita Uge, ang asawa nitong si tito Nestor at magkasundo pa kami ng pinsan kong si Tadeo, pero lahat 'yon ay nagbago nang lumipas na ang taon at hindi na bumalik pa ang ina ko, ni sulat o pangsuporta para sa pangangailanga ko ay wala akong natanggap. Sa kabila nang pagbabago ng pamilya nila tita sa akin ay malaki pa din ang pasasalamat ko dahil hindi nila ipinagkait sa akin ang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral. Ipinasok nila ako sa pampublikong paaralan na malapit lang sa lugar namin, lahat ng lumang gamit ni Tadeo sa pag-aaral ay sa akin nila ibinigay. Hanggang sa mag-high school ako at doon ko nakilala ang unang taong nagpatigil ng mundo ko, ang taong nagpalabas ng tunay na ako. May itinuturing ako noong matalik na kaibigan na siyang tanging pinagsabihan ko ng lihim ko pero doon ko din napatunayan ang kasabihang your best friend is your worst enemy, dahil ang matalik kong kaibigan na may gusto pala kay Tadeo ay sinabi sa pinsan ko ang sikreto ko. At hanggang sa si Tadeo ay nagsumbong kay tita Uge na ayaw na ayaw sa mga tulad ko, mababa ang tingin nila sa mga tulad ko, kahit na moderno na ang panahon at kabikabila na ang nagpapakasal na katulad ko ay hindi pa din nila tinitignan na kapantay lamang ng kahit na sino ang tulad ko. Para kila tita Uge ay mababa kaming uri ng tao, mga taong pinagtatawanan, mga taong puno ng kalaswaan. Dahil din sa pangyayaring 'yon ay mas naging mahirap ang buhay ko sa kanila, bawat pagkakamali ko ay lagi nilang ikokonekta sa katauhan ko, na kesyo binabae ang puso ko kaya b*b* ako, na isa akong inutil at pabigat, hanggang sa nalaman ko na pagkatapos ng high school ay wala na silang balak pa na pag-aralin ako kaya naman nagsumikap ako na makapag-ipon at sa kabutihang palad ay nakahanap ng scholarship. Ipinaalam ko sa kanila ang tungkol sa scholarship, hindi naman nila kinontra o pinagbawalan, ang tanging kondisyon lang nila sa akin ay wala silang ilalabas ni isang kusing para lang sa pag-aaral ko at pumayag na ako dahil ayokong mahinto talaga sa pag-aaral.

Rain.Boys VIITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon