Claude's Point of View:
"Mukhang malalim yata ang iniisip ng anak ko ah? Simula nang sa tinutuluyan ko na ikaw tumira ay madalas nakikita kitang malalim ang iniisip." ang agad na sabi ni mama nang mapansin niya na tila malayo ang aking tanaw habang papunta kami sa unibersidad na pinapasukan ko sakay ng sasakyang inupahan niya para magamit habang nandito siya sa bansa. Naisipan niya na ihatid na lamang niya ako sa pagpasok dahil may nais daw siyang sadyain malapit sa pinapasukan kong unibersidad at hindi naman ako nagdalawang isip pa na pumayag.
"Sabihin mo sa akin anak, may problema ba na bumabagabag sa'yo? Hindi ka ba masaya na nakausap mo ang ikalawang ama mo at ang mga kapatid mo nitong nagdaang araw?" ang tanong nito sa akin.
Agad kong inalis ang tingin ko sa bintana at mabilis na umiling para alisin agad sa kanyang isipan ang ideyang iyon. "Hindi po, hindi po mama, ang totoo ay masaya ako na nakausap ko sila. Ang totoo nga po ay naramdaman ko kung gaano sila kasabik na makasama ako at makilala ng personal tulad ng sabi niyo po, lalo na po si papa Rupert, pinaramdam niya sa akin na hindi ako ibang tao at para bang nangulila din siya sa akin kahot na po hindi niya ako dugo't laman, at kahit na ni minsan ay hindi niya ako nakita ng personal." ang sabi ko at nakita ko na ngumiti si mama nang madinig niya iyon pero bakas pa din sa kanyang mga mata ang pag-aalala.
"Masaya akong madinig 'yan anak. Pero kung hindi dahil kila Rupert kaya ka nagkakaganyan, hindi naman kaya mat problema kayo ni Nick Patrick?" ang usisa ni mama at sa halip na tumugon ako ay mas pinili kong tumahimik na lamang.
"Kung ganoon tama ako sa ikalawang hula ko. Kaya pala nakapagtataka na mabilis kitang napapayag na sumama sa akin at ni hindi ko man lang ulit siya nakikita noong huling bisita ko sa bahay nila." ang dagdag ni mama ngunit mas pinili ko pa din na manahimik. "Nauunawaan ko kung ayaw mo na mapag-usapan natin ang ano mang dahilan ng problema ninyo ni Nick, pero anak tandaan mo 'to, hindi ko pinangarap maging kontrabida sa kahit na kaninong love story o life story."
"Kayo po talaga mama, hindi po kayo naging kontrabida, huwag po kayong mag-alala." ang tugon ko.
"Pero mama, paano mo masasabi na mahal ka ng isang tao kung nagawa ka namang saktan nito? Ang ibig kong sabihin, masasabi mo po ba na minahal ka talaga ng taong 'yon?" ang tanong ko.
"Teka si Nick ba'tong pinag-uusapan natin?"
"Sa pangkalahatan mama."
"Hindi ako eksperto sa love pero na-experience ko naman, kaya kung ibabase ko ang sagot sa experience ko, ang masasabi ko ay hindi dahil sinaktan na ako ng taong mahal ko ay hindi na ako mahal nito agad, depende din kasi sa paanong paraan? Anong dahilan? At bakit? Kung sinaktan niya ako sa paraan na alam niyang kailangan niyang gawin para mas ikakabuti ko, 'yung tipong ayos nang mag mukha siyang masama basta alam niyang nagawa niya ang iniisip niyang tama para sa mas ikasasaya ko, masasabi ko na mahal ako ng taong 'yon kasi kung iisipin doble ang sakit na dinaranas ng taong mahal ko para lang sa isang sakripisyo. Una kinailangan niyang saktan ako at ikalawa kinailangan niyang piliin ang ikabubuti ko kahit na ang kapalit non ay masasaktan siya ng lubos." ang sabi ni mama at hindi ko naiwasan na hindi isipin noon si En.Pi, tila ba biglang nanimbang ang damdamin ko nang magbalik sa alaala ko ang ekspresyon niya sa mga huling sandali na magkausap kami sa kwarto niya habang nag-eempake ako ng mga gamit ko. Bakas at ramdam ko ang lungkot at sakit na 'yon sa kanya na pilit niyang ikinukubli sa pagiging malamig niya sa akin pero mas pinili ko kasi 'yung sakit at lunkgot ko no'n kaya para bang nakonsensiya ako nang mga sandaling 'yon.
Ilang sandali pa ay narating na namin ang unibersidad, sa paghinto ng sasakyan ay napansin ko na agad si En.Pi, napatingin ito sa sasakyan namin at huminto sa tapat ng gate, tila ba hinihintay ako nito na lumabas ng sasakyan.
BINABASA MO ANG
Rain.Boys VII
Teen FictionRAIN.BOYS VII [Teen Fiction|Yaoi|BXB] "Sa tuwing umuulan nakakaramdam ako ng matinding takot at lungkot. Para sa akin tanging masasamang alaala lang ang dala ng ulan. Kung pwede lang, kung may kapangyarihan lang akong patigilin ang ulan ginawa ko na...