En.Pi's Point of View:
Araw ng Lunes, maaga akong pumasok noon, umaasa ako na makikita ko si Claude agad para makausap ko siya at maipaliwanag ang lahat ng nakita na niya, at para masabi ko din sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanya. Papasok na ako ng gate noon nang may humintong sasakyan di kalayuan sa tapat nito, dahil pamilyar sa akin ang sasakyan na 'yon ay napatigil ako sa paglalakad ko papasok. At hindi ako nagkamali, iyon ang sasakyan ng mama ni Claude, at pagbukas ng pinto nito ay si Claude agad ang siyang lumabas. Naisipan ko na hintayin na lang siya para makasabay ko siyang pumasok at magawa ko na din siyang makausap.
Nang mukhang makapagpaalam na ito, pagkasara niya ng pinto ng sasakyan, ay sandali siyang tumayo at hinatid ito paalis ng tingin. Nang mawala na sa paningin niya ang sasakyan ng mama niya ay alam kong nakita niya ako nang humarap siya para magsimulang maglakad papasok ng gate kaya naman isang ngiti ang binigay ko sa kanya ngunit hindi niya ito tinugon kahit ng tango man lang.
Nagsiimula siyang maglakad papalapit at nang malapit na siya sa akin ay inihanda ko ang sarili ko para batiin siya ng good morning, pero bago ko pa masabi ang pagbati ko sa kanya ng isang magandang umaga ay nakalagpas na siya. Nilagpasan niya ako na para bang hindi niya ako kakilala, para bang hindi niya ako nakita, isang multo na tanging may third-eye lang ang makakakita. Aaminin ko, masakit sa pakiramdam ang ginawang iyon ni Claude sa akin pero tanggap ko, kasi ako naman ang may kasalanan kung bakit siya nagkagano'n, ako 'yung nanakit sa kanya, kaya tingin ko deserve ko din ang masaktan, kasi hindi ko nagawang mapanindigan 'yung mga pangako ko sa kanya.
Nang sandaling iyon, parang nagdadalawang isip akong pumasok, nang sandaling iyon bigla akong pinanghinaan ng loob, bigla akong naduwag na kausapin si Claude, natakot ako nang sumagi sa isip ko ang sandaling sabihin niya sa akin na hindi niya ako mapapatawad. "I lost him." ang nasabi ko na pabulong at isang mapait na ngiti ang gumuhit sa aking labi. Tulad nang sumagi sa isip ko, sinunod ng mga paa ko ang utak ko, sa halip na tumuloy sa pagpasok ay umiba ako ng direksiyon hindi ko alam saan ako pupunta hanggang sa mapahinto na lang ako sa isang bus stop.
Wala ako sa sarili ko noon, lutang ako sa kalungkutan, lutang ako sa panghihinayang, lutang ako sa pag-iisip ko na nawala na siya sa akin at ganoon din ako sa kanya. Walang pag-iisip ay pumara ako ng bus, ni hindi ko alam kung saan ang biyahe nito, basta ang alam ko lang pumara ako, sumakay ako, at naupo habang hinihintay na ticketan ako ng konduktor. Hindi gaanong puno ang bus na 'yon pero mas pinili ko ang maupo sa pinakalikod na upuan, sa tabi ng bintana kung saan matatanaw ko ang madadaanan ng bus na sinasakyan ko.
"Boss, saan po kayo?" ang tanong sa akin ng konduktor.
"Claude..." ang bigla kong nasabi.
"Pasensiya po, ano po ulit 'yon?"
"Sorry po, sa terminal po mismo ako." ang sinabi ko dahil hindi ko nga alam kung saan ako papunta ay minabuti ko nang mag-point to point na lang para alam ko kung saang terminal ako sasakay pabalik. Nang ibigay sa akin ni kuyang konduktor ang ticket ay agad akong nagbigay sa kanya ng bayad, nakadiskuwento pa ako dahil sa naka-uniform pa ako, at nang masuklian na niya ako at iwanan ay bumalik ako sa pagkalutang ko.
Nang sandaling 'yon nabalot ng katahimikan ang loob ng bus na 'yon, sa sobrang tahimik ay mas lalo akong nalulungkot, kaya agad kong kinuha sa bag ko ang earphones ko at ipinasak iyon sa tainga ko sabay patugtog ng Maroon 5 songs, pero kung gagalingan nga naman ng pagkakataon na makiramay sa nararamdaman mo, isa sa malungkot na kanta ng Maroon 5 pa ang tumugtog pero hinayaan ko na lang at isinandal ko ang ulo ko sa bintana habang pinagmamasdan ang daan, alam ko lumuluha na ako noon, ramdam ko ang mainit kong mga luha na umaagos sa aking mukha habang pabulong ko na sinasabayan ang kanta at naglalaro naman sa isipan ko ang mga sandali namin ni Claude, simula nang makilala ko siya hanggang sa sandaling masaktan ko siya.
BINABASA MO ANG
Rain.Boys VII
Teen FictionRAIN.BOYS VII [Teen Fiction|Yaoi|BXB] "Sa tuwing umuulan nakakaramdam ako ng matinding takot at lungkot. Para sa akin tanging masasamang alaala lang ang dala ng ulan. Kung pwede lang, kung may kapangyarihan lang akong patigilin ang ulan ginawa ko na...