Claude's Point of View:
Hindi na din naman ako nakatulog pa simula nang dumating ako sa bahay nila tita Uge, dahil na din hindi maalis sa isip ko si Nick Patrick, hanggang sa mapagpasiyahan ko na ding bumangon para maghanda sa pagpasok ko sa eskwela sa araw na 'yon. Kinuha ko ang mga benda sa ilalim ng aking higaan para maitapon iyon sa basurahan. Sa pagbukas ko ng pinto ng aking kwarto ay agad bumungad sa akin si Tadeo na siyang kinabigla ko at agad din akong umatras.
"Sandali lang Claude, 'wag kang mag-alala wala akong gagawin na masama. Maniwala ka." ang agad niyang sabi nang mapansin niya ang pag-atras ko.
"A-ano ba ang kailangan mo?" ang tanong ko sa kanya na medyo nagdududa pa din.
"Gusto ko lang kasi na makausap ka, at tsaka gusto ko din pala humingi ng sorry sa nagawa ko sa'yo kagabi." ang tugon ni Tadeo, halata sa mga mata ni Tadeo na sinsero siya sa kanyang mga sinabi, hindi lang ako makapaniwala na ang kaharap ko ay ang pinsan kong barumbado at puno ng hangin sa katawan.
"Naghanda pala ako ng almusal, kung okay lang naman sa'yo doon na lang tayo mag-usap sa kusina habang kumakain."
Sandali akong napatahimik at tinignan lang ang pinsan ko na halatang binabagabag ng kung ano, kaya naman tumango ako bilang unang tugon. "Sige, mukhang namang napakahalaga ng sasabihin mo." ang sabi ko at bahagya siyang nangiti.
"Salamat." ang sabi niya at naglakad na siya papunta sa kusina, sinundan ko naman agad siya sa kanyang paglakad. Pagdating namin sa kusina ay mabilis niyang inalis ang mga pinggan na nakatakip sa mga pagkain na niluto niya, habang ako naman ay nakatayo lang sa isang tabi at pinagmamasdan ang ginagawa niya.
"Huwag kang mag-alala, hindi kita ipapahamak kila mama at papa, sasabihin ko ang totoo na ako ang nagluto nito. At tsaka hindi naman din sila makakauwi agad dahil nakiusap ang lola na mama ni papa na mag-stay muna do'n kahit hanggang ngayong araw lang. Kaya 'wag ka matakot na baka abutan ka na kumakain ng mga ito." ang sabi ni Tadeo. "Okay na, sige na maupo ka na." ang anyaya ni Tadeo at tumango at agad na umupo.
"Eh ikaw, bakit umuwi ka na agad?" ang usisa ko.
"Ang totoo ay dapat hindi din ako uuwi dito ngayon, kahapon kasi pagdating namin kila lola, sabi ko sa kanila na kailangan kong umuwi dahil sa may mahalagang quiz kami." ang sabi ni Tadeo at siya ay naupo na din. "Naniwala naman sila kaya pinayagan nila akong maunang umuwi, pero ang totoo ay sa mga kaibigan ko ako pumunta at doon ko na din sana balak na magpalipas ng gabi."
"Kung gano'n gusto mo akong kausapin tungkol do'n? Na huwag kang isumbong kila tita na umuwi ka ng lasing? Don't worry Tadeo hindi naman ako gano'n..."
"Hindi 'yon ang dahilan bakit kita gustong makausap, gusto kitang makausap dahil nahihirapan na ko..."
"Alam ko na nakita mo nang umuwi ka kung ano ang pinapanood ko, nakita mo ako na walang saplot. Claude, bakla ako, Claude natatakot ako na kung malaman nila mama at papa na ganito ako ay baka itakwil nila ako, na palayasin nila ako at tratuhin ng sobrang baba. Oo tanggap na ng ibang tao ang mga tulad ko, tulad mo, tulad natin, pero Claude hindi ang mga magulang ko." ang sabi ni Tadeo at nakita kong umagos ang luha mula sa kanyang mga mata.
"Tadeo, insan, hindi mo naman kailangang ipaalam sa kanila, o sa kahit na sino man kung ano ka, hindi naman nakasulat sa batas o kahit ano pang kasulatan na kapag bakla ka ay kailangan mong I-broadcast. Ang pagiging bakla ay hindi isang balita na kailangang alam ng lahat, dahil ang mahalaga ay 'yung tanggap mo sa sarili mo at alam mo sa sarili mo kung ano ka." ang una kong tugon. "Hindi binabago ng pagiging bakla mo ang pagkatao mo, hindi din magagamit ng ibang tao ang pagiging bakla mo para sabihin kung ano ang kaya mo at hindi, nasasayo pa din ang lahat ng 'yon. At hindi naman din kailangan na kapag bakla ka malambot ka, hindi din kailangan na pag bakla ka nakadamit pambabae ka, nasa sayo kung paano mo gugustuhin I-express ang sarili mo, wala namang nagbago ikaw pa din si Tadeo." ang dagdag kong tugon.
BINABASA MO ANG
Rain.Boys VII
Teen FictionRAIN.BOYS VII [Teen Fiction|Yaoi|BXB] "Sa tuwing umuulan nakakaramdam ako ng matinding takot at lungkot. Para sa akin tanging masasamang alaala lang ang dala ng ulan. Kung pwede lang, kung may kapangyarihan lang akong patigilin ang ulan ginawa ko na...