Fog & Dew 03

335 21 14
                                    

EnPi's Point of View:

May ilang minuto pa naman ang natitira bago mag-umpisa ang unang klase namin para sa unang araw ng eskwela. Halos hindi magkamaway ang lahat ng mga estudyanteng nakakasabay at nakakasalubong namin, madali mong malalaman kung sino ang bagong salta sa paaralan na 'yon sa mga dati nang naroon, 'yung mga bago na tulad namin ni Marty ay abala sa paghahanap ng classroom o di naman kaya ay makikita mong tahimik lang na nakatayo sa labas ng classroom, habang yung mga matagal na doon ay makikita mo kung paano ka tignan mula ulo hanggang paa, 'yung tipong ultimo kaluluwa mo dyina-judge nila.

"Oh heto na pala 'yung room natin, 402B." Ang sabi ni Marty na tila sabik na makakilala ng mga bagong kaibigan. Agad niyang inilagay sa bag ang hawak niyang white form at pagkatapos ay pumasok na ng room na hindi man lang ako niyayaya. Agad akong sumunod sa kanya, pagpasok ko pa lang ay sinundan ko na si Marty para maging magkatabi din kami sa upuan.

Napili ni Marty na umupo sa bandang gitnang bahagi ng klase kaya wala akong choice kundi ang maupo na lang sa upuan niya sa kaliwa. Inayos ko ang pagkakalagay ko sa bag ko sa likod ng upuan na katapat ko, isinabit ko ito ng maayos doon para naman hindi pa din makasagabal sa mauupo doon.

"Mukhang magiging masaya ang student life natin na 'to." Ang biglang nasabi ni Marty.

"Bakit o paano mo naman nasabi?" Ang usisa ko, at inilibot ko ang mata ko pero wala naman akong nakikita na espesyal sa kahit na sino sa mga kaklase namin na nandoon na.

"I can feel it, trust me. Alam mo naman hindi pa nagkamali ang pakiramdam ko." Ang nakangiting tugon ni Marty. To be honest, ako lang naman ang nag-assume na magkababata kami nitong si Marty, dahil limang taon ang agwat ko sa kanya, limang taon ako at sanggol pa lang si Marty noon, dahil sa trauma na natamo ko mula sa aksidente ng tunay kong mga magulang naapektuhan din ang social and psychological aspect ng buhay ko, kaya pahinto-hinto ako sa pag-aaral, mabuti na lamang ay maunawain sila dada at kahit kailan hindi nila ako sinukuan at hindi nila ako tinignan bilang isang failure sa halip ay naniwala sila sa akin ng labis labis kaya sa kanila ko hinugot ang lakas para makapagsimula muli, hanggang sa makasabay ko na si Marty sa pag-aaral, best buddies kami sa lahat ng pagkakataon kaya kapag may sinabi siyang tingin niya ay mangyayari ay naniniwala ako.

"Oh natahimik ka na diyan bigla EnPi?" Ang biglang sabi ni Marty nang hindi na ako umiimik.

"Ah wala, wala, may bigla lang kasi ako naisip, pero kung tingin mo talaga ay magiging masaya ang buhay estudyante natin na 'to, maniniwala ako sa'yo." At isang tapik sa balikat niya ang ginawa ko para ipakitang nagtitiwala ako sa kanya.

Napatingin ako sa entrada ng classroom namin at saktong sakto sa pagtingin ko na iyon ay ang pagpasok ng estudyanteng nakasabay ko sa jeep papasok, hindi ko alam kung ano ang dahilan pero parang natuwa ako na may kasamang excitement na makilala ko siya at maging bagong kaibigan. Nakatitig lang ako sa kanya habang naglalakad siya papasok at makikita mo na inililibot niya ang kanyang mga mata para humanap ng mauupuan at alam ko na bakante pa ang upuan sa tabi ko, itataas ko na sana noon ang kamay ko para tawagin ang pansin niya nang biglang may babaeng estudyente ang nagmamadaling pumasok at walang ano-ano ay agad na naupo sa tabi. Napatulala ako nang ilang sandali sa bilis ng pangyayari, napatingin ako sa babaeng tumabi sa akin at ngumiti siya sa akin at isang pilit na ngiti naman ang aking iginanti sa kanya, ibinaling ko ang tingin kong muli sa estudyanteng nakasabay ko at pinagmasdan ko na lamang siyang maglakad papunta sa likurang bahagi ng silid na iyon.

"Hi my name is Daniela and you are?" Ang nadinig kong sabi ng babaeng tumabi sa akin ngunit hindi ko ito pinapansin dahil nasa ibang tao ang atensiyon ko noon.

"Uy EnPi, nakikipagkilala yata sa'yo 'yung chicks sa tabi mo." Ang pabulong na sabi ni Marty sa akin at doon ko lamang nilingon ang babae. Maganda siya, maayos ang manamit 'yung tipong masasabi mo na anak mayaman o may kaya sa buhay ang pamilya.

Rain.Boys VIITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon