Claude's Point of View:
Hindi ko mapigilan ang saya na nararamdaman ko noong araw na iyon habang pauwi ako, para akong isang timang na nakangiti kahit na mag-isa. Ganito pala ang pakiramdam ng saya kapag alam mong mahal ka talaga ng taong mahal mo, at kapag alam mong tanggap ka ng mga taong nakapaligid sa'yo, at nauunawaan ka na walang halong panghuhusga sa kung ano ka, sa kung sino ka. Ganoon ang pakiramdam ko hanggang sa makababa na ko ng tricycle at magsimula nang maglakad papauwi, hindi ko pa nga maiwasan ihuni ang mga love songs na alam ko. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa matanaw ko sa labas ng bahay si Tadeo na tila nakatayo sa isang tabi malapit sa mga sinisigaan na tuyong dahon at basura.
"Tadeo, anong ginagawa mo diyan?" ang agad kong bati sa kanya at nahalata ko ang pagkabigla sa kanyang reaksiyon na para bang hindi niya ako napansin na dumating. Nabanaag ko din sa kanya na tila ba balisa siya o hindi mapakali.
"Ayos ka lang ba? Parang di ka mapalagay? Dumating na ba sila mama at papa mo?" ang usisa ko at napansi ko ang isang kahon na hawak niya, mahigpit ang pagkakahawak niya dito sa kabila ng bahagya niyang panginginig, at bukod do'n ay wala akong nadinig na ano mang tugon mula sa kanya.
"Tadeo, uy? Ayos ayos ka lang ba? Gusto mo ba tawagin ko sila tita?" ang sabi ko na hindi na maiwasang mag-alala para sa kanya.
"Hindi! 'Wag!" ang agad niyang sabi sa akin para ako ay pigilan. "Huwag mong tawagin sila mama, ayos lang ako, sorry kung napag-alala pa kita." ang dagdag niyang sabi.
"Gano'n ba, oh sige, papasok na ko, baka may iuutos na kasi sila mama mo sa akin." ang sabi ko pero agad akong pinigilan ni Tadeo sa pamamagitan ng pagtawag niya sa pangalan ko, at agad naman akong nagpapigil at hinintay kung ano ang sasabihin niya. Pero sa halip na magsalita ay iniabot niya sa akin ang kahon na hawak niya.
"Ano 'to?" ang tanong ko na may kasamang pagtataka kung bakit ibinibigay ni Tadeo sa akin ang kahon na iyon.
"Buksan mo na lang para malaman mo." Ang sabi niya at napansin ko ang mata niya na tila mangiyak-ngiyak na, kaya naman agad kong kinuha ang kahon sa kanya at binuksan iyon. Pagkabukas ko nang kahon ay tumambad sa akin ang napakaraming sobre ng mga liham, ang iba ay nakabukas na, habang ang iba naman ay nananatiling hindi pa nababasa.
"Tadeo, ano ang mga 'to?"
"Sorry, Claude, sorry..." ang agad na sabi niya na hindi ko pa noon maunawaan ang nangyayari.
"Teka, kumalma ka lang, ano ba ang mga 'to at bakit ka nagso-sorry sa akin?"
"Claude, alam ko dapat sinabi ko na sa'yo noon pa, kahit noong nagkaayos na tayo bilang magpinsan, sorry Claude natatakot pa din kasi ako kila mama at papa pero Claude, maniwala ka hindi ko ginustong itago 'to sa'yo." ang tugon niya pero hindi naman nasagot ang talagang tanong ko sa kanya.
"Tadeo? Ano ba kasi ang mga 'to?"
"Claude, 'yan ang mmga sulat sa'yo ni tita, ang mama mo, wala talaga akong ideya sa laman ng mga sulat na 'yan pero noon pa alam ko na itinatago ni mama ang mga sulat na para sa'yo. At ngayon lang inutusan ako ni mama na sunugin ang mga 'yan. Sorry Claude kung ngayon ko lang sinabi, I'm sorry talaga..." ang sabi niya pero nang madinig ko pa lang na ang mga sulat na ito ay galing kay mama ay nanginig ang mga kalamnan ko na, at habang tinitignan ko ang mga liham lalo na ang mga liham na nakabukas at ni minsan hindi ko pa nagawang mabasa ay para bang nagsimulang madurog ang puso. Hindi ko lubos maisip na sa kabila nang pagtitiis ko sa pang-iinsulto nila sa akin, itong bagay na ginawa nila ang tila hindi ko kayang palampasin, naniwala ako sa kanila na kinalimutan na ako ng mama ko, pinaniwala nila ako na walang sulat ang dumarating para sa akin mula kay mama, at itong mga sulat na hawak ko ay ang mga sulat na dapat noon pa man ay natugunan ko. Hindi ko lubos maisip kung gaano nangulila sa akin ang mama ko, at tiyak ko na mas doble pa sa pangungulila ko ang pangungulila niya sa akin at doon ay nagsimulang umagos ang aking mga luha, mga luha ng lungkot at galit.
BINABASA MO ANG
Rain.Boys VII
Teen FictionRAIN.BOYS VII [Teen Fiction|Yaoi|BXB] "Sa tuwing umuulan nakakaramdam ako ng matinding takot at lungkot. Para sa akin tanging masasamang alaala lang ang dala ng ulan. Kung pwede lang, kung may kapangyarihan lang akong patigilin ang ulan ginawa ko na...