"Excuse me po, pʼwede pong magtanong?" tanong ko sa isang matandang babae na nagtitinda ng mga prutas. Siya lang kasi ang mukhang mabait sa lahat ng mga tao rito, e. Iyong iba kasi ay parang handang mangain ng buhay.
"Ano iyon, hijo?" nakangiti niyang saad. Sa wakas, mayroon ding sumagot sa akin na hindi pang-Biyernes Santo ang ekspresyon sa mukha. Ngunit parang may mali sa sinabi niya.
Hijo? Iyon ba ang tinawag niya sa akin?
"May alam po ba kayong guild na malapit lamang?" sambit ko na hindi na pinansin pa ang tinawag niya sa akin kanina.
"Guild ba kamo?" tumango ako. "Diretsuhin mo lamang ang kalye na ito at siguradong makikita mo ang tahanan ng mga Bandido sa dulo."
Nanlaki ang aking mga mata at natigilan ako. Mga Bandido? Bakit ako papasalihin ni Mama sa grupo ng mga Bandido?
Natawa ang matanda sa naging reaksyon ko. Kumunot ang aking noo at taka ko siyang tinignan.
"Bandido ang tawag sa miyembro ng guild na iyon ngunit hindi ibig sabihin niyon ay mga tunay na bandido sila. Ang totoo niyan ay sila pa nga ang nagliligtas sa amin mula sa mga mapagsamantalang mga nilalang," hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kaniyang mga labi. "Bakit mo pala naisipang sumali sa isang guild, hijo?"
"Gusto ko pa kasi sanang lakbayin at diskubrehin pa ang buong Ever After High," iniunat ko ang aking mga labi at inilabas ko ang aking ngipin sa isang malapad na ngiti. "Atsaka sa tingin ko po, parang kulang pa po ang mga nalalaman ko sa lugar na ito."
"Ever After High? Saan mo natutunan iyan? Hindi ko pa naririnig ang lugar na iyon," aniya.
"E ʼdi Monster High po ʼtong lugar na ito? Pero sabi ni Mama, nagsisimula raw sa Ever, e. A! Baka Everfree? Pero ʼdi ba sa My Little Pony po ʼyun? Hindi naman kayo mukhang pony, e. Equestria Girls Universe?"
"Nakatutuwa ka talagang bata ka. Wala akong kaide-ideya sa mga sinasambit mo," humalakhak siya. "Evernight ang tawag sa buong kalupaang ito. Ostwood naman ang pangalan ng bayan na tinatayuan mo. Hindi ba't nais mong sumali sa isang guild? Bakit hindi mo piliin ang isa sa mga Significant Septem?"
"Signicicant Septem?"
"Ang pitong tinanghal na pinakamalalakas na guild sa buong Evernight na nagkalat sa iba't ibang rehiyon nito. Sa pagkakaalam ko, mayroong guild na kabilang doon ang malapit lamang dito."
"Ah, hindi ko naman po kailangan ng malakas na guild," wala namang sinabing specific na guild si Mama, e. Atsaka baka mahirapan ako kung isa nga sa mga malalakas na guild ang sasalihan ko.
Gusto kong manatili rito na lowkey lang. Ayaw kong gumawa ng desisyon na flashy.
"Totoo? Karamihan kasi ng mga nakikilala kong nais sumali sa mga guild ay dahil sa premyong makukuha nila kapag kabilang sila sa Significant Septem," aniya.
Oo nga ano? Kailangan ko pala ng pera upang mamuhay rito!
"Hindi bale," binalik ko ang aking atensyon sa kaniya. "Dati na rin naman ng napabilang ang Bandits of the Dead sa Significant Septem. Balita ko'y maaari na raw silang muling lumaban sa Mahia Tribuisti. Atsaka usap-usapan din na may sumali raw na dual magice valere sa kanila tsaka ang mga anak ni Charlotte ay naroon din, hindi magtatagal ay mababawi nila ang kanilang pwesto roon."
"Dual magice valere?"
"Kanina'y ako ang hindi makaintindi sa iyo, ngayon naman ay ikaw na ang nasa aking pwesto. Nakatutuwa, hindi ba?" tumahimik siya sandali upang hintayin ang aking sagot. Nahihiya naman akong tumawa. "Mukhang magandang ideya nga talaga para sa iyo ang sumali sa isang guild. Kulang pa ang iyong nalalaman sa mundong ito ngunit nababahala lamang ako. Baka hindi ka makasabay sa iyong mga kasama roon."
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...