“Siguro ay nasa paligid lamang itinago ng salarin si Fruita,” sabi ko kay Ivy.
“Sa ganitong panahon, kakailanganin na natin ng tulong mula kina Yerachmiel,” suhestiyon niya. “Maglalabas na rin ako ng kautusan sa mga Donselya at kakausapin ko na rin ang Punong Tagapamahala mamaya. Kung mas marami ang sasama, mas mapapaliit ang saklaw kaya magiging madali na lamang ang paghahanap.”
“Maganda ngang ideya iyan. Marahil--” pinutol niya ang sasabihin ko sana.
“Marahil maaaring ikaw na lang ang kumausap kina Yerachmiel,” aniya na ikinagulat ko. Ako? Kakausap sa kanila? Ayos lang naman siguro ako kay Yerachmiel pero kay Erathaol? Hindi ko pa rin natatanggal ang takot ko sa kaniya.
“A, s-sige,” wala naman akong p'wedeng idahilan sa kaniya para tumanggi sa itinakda niya sa akin.
“Magkita na lamang tayo mamaya rito,” tumango ako sa sinabi niya. “Paalam.”
Pinanood ko ang pag-alis niya at unti-unting paglalaho ng kaniyang pigura sa aking paningin.
Huminga ako nang malalim at nilibot ng tingin ang buong paligid. Nasaan na nga ba ang dalawang Kabalyero na mga iyon? Baka nasa loob ng aklatan.
Hinawakan ko ang aking kunai na nakalagay sa lagayan nitong nakasabit sa aking baywang. Mabuti na lamang at naisip kong dalhin ito ngayon. Bumalik na kasi ulit sa kaniyang trabaho bilang biblyotekaryo si Deborah.
Ang atmospeta ng lugar ay hindi nagbago kumpara sa ganap dito kahapon. Walang katao-tao maliban na lamang kay Deborah na nagbabasa roon sa pinuwestuhan ko rin kahapon.
Nilibot ko ang aking tingin sa paligid. Bukas ang ilaw sa ikalawang palapag. Sana lamang ay sina Yerachmiel at Erathaol iyon.
“Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?” dali-dali akong napahawak sa aking dibdib nang magsalita si Deborah. Mahinhin siyang tumawa sa naging reaksyon. “Patawad, nagulat yata kita.”
“A-Ayos lamang,” nauutal kong sambit. Nilingon ko siya, sinusubukan kong tingnan siya sa kaniyang mga mata kahit na kinakabahan ako. “Narito ba sina Heneral Gabriel at Heneral Shepherd?”
“Sila ba ang iyong hinahanap? Ikinalulungkot kong sabihin na hindi sila nagtungo rito,” aniya. “Bagama't tutungo sana sila rito kanina kung hindi lamang sila napigilan ni Charles.”
“Ano ba ang nangyari kanina? Bakit bigla silang nag-away?”
“Hindi ko rin alam kung ano nga ba ang pinag-ugatan ng kanilang away. Nang nasa pintuan sila, may sinabi ang Heneral Gabriel sa kaniya na siyang ikinagalit niya. Si Charles ang unang nagbitiw ng kamao.”
Kokonprontahin na siguro nina Yerachmiel si Deborah kanina ngunit dumating si Charles. Nang sinabi nila ang kanilang pakay, nainis si Charles kaya sinapak niya si Heneral Gabriel. Tapos mula kay Deborah, nabanggit siguro ng isa sa kanila si Prinsesa Titania kaya bigla na lamang nila ginamit ang kanilang magice laban sa isa't isa.
Ganoon siguro ang nangyari.
Aba, kung wala lang mga tao at imprastraktura sa paligid, siguradong hindi sila titigil hangga't hindi nalalagutan ng hininga ang isa sa kanila.
Paano na kaya nito sa Mahia Tribuisti? May duwelo kaya roon? Kapag nagharap siguro iyong dalawa, pareho silang bugbog-sarado.
“Marahil pumunta na lamang sila sa Punong Tagapamahala. Doon din siguro ang punta ni Charles. Malaking gulo rin ang nagawa nila,” aniya.
Tumango-tango ako at inilayo na lamang ang tingin sa kaniya. Oo nga pala. May libro pala akong hindi natapos basahin kahapon. Tutal nandito naman na ako, hiramin ko na lang din kaya?
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...