Naiinis ako kay Charles.
Makapagsabi siya sa akin na walang silbi, siya rin naman ay walang ambag sa misyon namin dito. Puros si Charlie lang kasi ang nakilos. Samantalang kaming dalawa, heto at nakatunganga sa kawalan.
Gusto ko rin sanang tingnan kung ano ba talaga ang nangyayari ngunit pinagbawalan naman kami ni Charlie. Iba raw kasi talaga ang pakiramdam niya sa lugar na iyon, masiyado raw mabigat.
Gusto ko nga sanang sabihin na baka kami talaga ni Charles ang nararamdaman niyang mabigat, e.
Ani Charlie, mas magiging ligtas daw kung mananatili kaming dalawa ni Charles sa tinutuluyan namin. Kaya ayun, naiwan nga talaga kaming dalawa.
Kasama namin iyong Punong Tagapamahala ng bayan na sinubukan kaming libangin. Ang paglilibang pala nila rito ay ang pagtalon sa bangin papunta sa karagatan. Anong tawag doon? Cliff-diving ata, sa pagkakaalala ko.
Tuwang-tuwa naman si Charles sa ideya na iyon samantalang ako, halos mahimatay na ako sa kinarami-raming posibilidad sa aking isipan. Isa na roon ang baka bigla akong malagutan ng hininga. Diretso karagatan ang bagsak ko at hindi ako marunong lumangoy. Tsaka paano kapag may mga pating pala roon? Mga megalodon ganoon-baka nga mas malala pa roon. E 'di instant kamatayan agad mapala ko.
Umayaw ako sa alok niyang iyon. Mabuti na lamang at ginawa ko iyon dahil wala na akong mas ikinaginhawa pa nang bumalik si Charles na may mga hiwa sa katawan at mayroon pang isdang nakaangkla sa kaniya.
Wala na raw palang nagawa ng ganoon sa kanila dahil sa dumami na ang mga mapanganib na nilalang ang lumangoy-langoy roon. Si Charles na lang daw ang muling sumubok matapos ang isang daang taon.
Niyaya kami ni Manong Stedd na pumunta sa karatig bayang Lowcliff, para raw gamutin si Charles. Tumanggi naman siya sa kaniya. Na-trauma na siguro. Dagdag pa niya, marunong na raw siyang gamutin ang kaniyang mga sariling sugat. Bilang isang aqua valere, parang paghinga na lamang daw ang paggagamot.
Mukhang totoo naman ang sinabi niya kaya hinayaan na lang siya ni Manong Stedd na gawin ang nais niyang gawin.
"Mauna na ako, mga hijo. Bibisitahin ko lamang ang aking mga nasasakupan sa Lowcliff. Babalik din ako bago kumagat ang dilim," paalam ni Manong Stedd sa amin.
"Ingat po," saad ko.
"Salamat, hijo. Kayo rin ay mag-ingat. Kung nagugutom kayo, mayroon naman akong iniwang pagkain sa aking kubo," at umalis na siya matapos iyon.
Muli akong humiga sa aking kama at patulog na sana kung hindi lamang ako winisikan ni Charles.
Nilingon ko siya at tinaasan ng kilay. Mananatili na sanang ganoon ang aking ekspresyon ngunit agad din namang naglaho ang aking pagtataray nang makita ko ang nakabalandra niyang katawan.
Wala siyang saplot sa itaas na bahagi ng kaniyang katawan na siyang nagladlad sa kaniyang dibdib at tiyan.
Bahagya akong nadismaya dahil wala siyang anim na pandesal. Akala ko kasi, mayroon, e. Pero kahit na ganoon, maganda pa ring tingnan ang kaniyang katawan.
Tumikhim siya na muling nagpataas sa aking kilay.
"Baka matunaw ako," aniya.
Inabot ko ang unan at hinagis iyon papunta sa kaniya.
"Mama mo matutunaw," bulong ko at tinalikuran siya.
"Naalala mo ba ang sinabi ko sa iyo noon?" tanong niya. "Na tutulungan kitang palaguin ang iyong kapangyarihan?"
Sinabi niya ba iyon?
A, oo. Noong nagkukumpitensiya silang dalawa ng isa sa mga Kabalyero. Sinabi niya nga iyon. Wala naman talaga akong pakialam kung gagawin niya ba talaga iyon, e, atsaka hindi na magbabago pa ang naging desisyon ko.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...