Kabanata 48

1.9K 163 7
                                    

Pinauna ko sina Erathaol at Yerachmiel na pumasok doon sa silid kung saan naghihintay ang Reyna. Pinaalam ko sa kanila na pupunta muna ako sa banyo para umihi. Pagkarating ko roon, biglang umatras ang ihi ko dahil hindi ko alam kung paano ko iyon gagawin sa lagay ng suot ko. Lumabas ako at naglakad papunta sa silid ng trono pero ilang beses pa akong nawala.

Ang plano lang namin, ilang minuto akong mahuhuli, ngayon ay halos kalahating oras na. Tatagal pa sana ito kung hindi lamang ako nakita ng isa sa mga nagtatrabaho rito at hinatid papunta roon.

“Mabuti naman at narito ka na, Prinsesa Lunox,” napagkasunduan kasi na iyong pangalan ko raw noong pagkapanganak ang siyang dapat ko ng gamitin. “Pinag-uusapan lang naman namin kanina ang mga nangyari sa nakaraan. Hindi ba at kay sarap balikan ang mga masasayang alaala? Sayang lamang at hindi ka namin nakasama sa mga panahong iyon.”

Kung makapagsalita naman ang isang ito, akala mo talaga siya ang nagmamay-ari ng alaala na iyon.

“Nga pala, pinatawag ko kayong tatlo ngayon dahil may nais akong ibigay na tungkulin sa dalawang Kabalyero,” pag-iiba niya ng paksa. “Bawat prinsesa ay nangangailangan ng Kabalyerong magbabantay at magliligtas sa kanila mula sa kapahamakan. Mga matatapang na tagapaglingkod na kayang ibuwis ang buhay para lamang sa prinsesa. Dati, si Erathaol ang siyang nakaatang sa akin ngunit ngayon na ako ay Reyna na, hindi ko na siya kakailanganin pa.”

“Kaya naman...” pagpapatuloy niya. “Heneral Erathaol Gabriel at Heneral Yerachmiel Shepherd kayo ang inaatasan kong magbantay sa Prinsesa Lunox. Inaasahan kong pangangalagaan niya ang prinsesang ibinigay ko sa inyo. Sa oras na may mangyaring masama sa kaniya, alam niyo na ang magiging kaparusahan, kamatayan.”

“Masusunod po,” sabay nilang sambit at yumuko.

“Iyon lamang ang aking sasabihin. Maaari na kayong humayo, mayroon pa akong pagpupulong mamaya tungkol sa magiging kapalaran ng mga kasapi ng Bandits of the Dead,” ngumisi siya sa akin. Nainis ako sa ngisi niyang iyon, pakiramdam ko ay may binabalak siya. Tumango na lamang ako sa kaniya bago umalis ng silid.

Mukhang tama nga ang hinala ko na may binabalak siya. Kumalat sa buong Evernight ang balita ng naging desisyon ng Konseho.

Ipapatapon daw sa kabilang mundo sina Pinunong Nurphus, Charlotte at Manong Bruce. Hindi niya sila sinaktan kaya naman wala siyang nilabag sa napagkasunduan namin.

Ngunit ang pinakanakapagtataka lamang ay pati ang dating Hari na si Lux ay kasama sa kanila at ang kapatid niya na Konseho—dating Konseho ng Mahika. Pati na rin sina Era at Thaolus ay isasama niya sa kanila. Ang sabi-sabi, alam daw ng dalawang ito ang tungkol sa akin at ang pagpasok ko sa Mahia Tribuisti ngunit hinayaan lamang nila ito at ipinagsawalang-bahala.

Narinig ko lamang ang naging usap-usapan na iyon noong pumunta ako sa kusina para kumuha ng pagkain. Saktong may mga kasambahay na naroon upang magluto ng tanghalian. Natahimik pa nga sila dahil sa pagdating ko ngunit maya-maya lamang ay nagpatuloy sila sa pagbubulungan. Isa pa, iyon din ang laman ng usapan ng mga taga-linis nang dumaan ako sa pasilyo papunta sa silid-aklatan.

Binalikan ko ang ipinagbabawal na silid. Maaari naman na siguro akong pumasok dito dahil residente ako, ano?

Kinuha ko ang libro na naglalaman ng impormasyon tungkol sa Ritwal ng Pulang Buwan. Tanging ang proseso lamang ang nabasa ko noon at pakiramdam ko ay may iba pang impormasyon na nakasulat dito. Binuklat ko ito sa pahina ng Ritwal ng Pulang Buwan ngunit wala na ito dito.

Nanlaki ang aking mga mata at napaawang ang aking bibig nang mapansin ko ang punit dito. Mayroong pumunit ng pahina na iyon. Ngunit sino at bakit niya iyon ginawa? Mukhang kailangan ko ng makausap agad si Andromalius.

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon