Kabanata 14

2.5K 170 35
                                    

Maaga kaming umalis patungo sa Elanoris. Binanggit sa akin ni Charles na ang Elanoris ay bayan na pumapagitan sa mundo ng mga Nobilium at mga Pauper.

Tuwang-tuwa naman ako nang binanggit ni Charles na may kuryente raw ang bayan na iyon. Kaya naman ay binuksan ko ng muli ang aking cellphone, isinuksok ang aking earphones at pinatugtog ang playlist na BARBIE SONGS (All-time favorites).

Walang masagap na signal ang aking telepono kaya tanging ang mga downloaded playlist ko lang ang aking mapapatugtog.

"Ano iyan?" usisa ni Charles sa gamit na nilabas ko. Hinawakan pa niya ang kable ng earphones.

Inialis ko ang earphones ko sa kanang tainga at sinaksak sa kanang tainga niya. Nanlaki ang kaniyang mga mata.

"Saan nanggagaling ang tunog?" tanong niya. Inangat ko ang aking cellphone. "Mukhang nakakatuwa rin pala ang mundo ninyo. Kahit wala kayong kapangyarihan, nakakapag-imbento kayo ng mga ganitong kagamitan. Ang angas!"

Hindi na tinanggal pa ni Charles iyong earphones ko at patuloy na nakinig sa mga kanta ng Barbie na mukha namang nagugustuhan niya.

Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa kaniya o kung ano.

"Ganito ang mga musika niyo?" tumango ako kay Charles. "Ang mga Symphonians lamang ang tumugtog na may kasamang liriko rito. Anglicus ba ang gamit dito?"

A, oo nga pala. Hindi niya nga pala naiintindihan ang Anglicus. Nilipat ko ang tugtog sa OPM.

Nagpatuloy kami sa ganoong posisyon. Matutuwa na sana ako dahil ito ang unang pagkakataon na makakapagpatugtog ako habang nasa loob ng kalesa ng mga kanta sa Barbie, baka sakaling maramdaman ko na kasingganda ko siya.

Kaso bigla namang sumingit 'tong si Charles sa plano kong pagsesenti.

Tinapunan ko siya ng tingin, nakapikit na siya at malalim ang paghinga. Tulog na ata. Tanggalin ko na kaya 'yung nakasuksok sa tainga niya?

Tatanggalin ko na sana ang earphones ko mula sa kaniya nang biglang huminto ang kalesang sinasakyan namin. Dumiretso tuloy sa pisngi niya ang aking mga kamay at aksidente ko siyang nasampal.

Nagising siyang hinihimas ang kaniyang pisngi.

"Alam mo, kung may galit ka sa akin, sabihin mo," inaantok niyang saad. Humikab pa siya. "Anong nangyari? Bakit tayo huminto? Nasa Elanoris na ba tayo?"

Sumilip siya sa bintana.

"Kakaiba, malayo-layo pa naman tayo," komento niya.

"Ginoo," tawag ng kutsero kay Charles. "Isang babae ang nasa gitna ng daanan. Nakahandusay siya rito at walang malay."

Agad na bumaba si Charles. Sinilip ko siya sa bintana.

"Deborah?" rinig kong sabi niya. Lumuhod siya at dinama ang kaniyang pulso at paghinga. "Buhay pa siya, Ginoo! Dalhin natin siya sa pinakamalapit na pagamutan."

Dinala nila sa loob ng karwahe ang babae. Mahaba ang manggas ng kaniyang mahabang damit na turtleneck. Ang kaniyang buhok ay kalahating pink na umabot sa kaniyang baywang samantalang ang kabila naman ay hanggang balikat na itim na buhok at may gray highlights. Hindi ako sigurado ngunit parang may nakita akong dugo na tumutulo mula sa kaniyang ulonan.

Nang binaba siya ni Charles, hindi ko sinasadyang mapansin ang kaniyang mga binti. Puno ng tahi iyon, mayroon pa akong nakitang parang dugo.

Gusto ko sanang tingnan iyon ngunit napatigil ako nang bahagya siyang gumalaw. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at lumingon kay Charles.

"Ch...arl..es?" nanghihina niyang sabi.

"Deborah! Anong nangyari?" nag-aalalang tanong niya. A, siya ata 'yung sinabi nilang kababata nila.

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon