Matapos naming makuha ang aming mga sandata, niyaya kami ni Charlie na kumain. May kainan daw rito na sikat na sikat dahil sa mga putahe nila na nagmula sa iba't ibang rehiyon ng Evernight. Doon lamang daw sa kainan na iyon maaaring makakain ang mga Pauper ng pagkain ng mga Nobilium sa murang halaga.
Dahil gutom na rin naman ako, pumayag na ako sa kaniyang suhestiyon. Isa pa, gusto ko ring matikman at malaman ang iba pang mga pagkain nila rito. Kung mayroon ba silang pinagkaiba sa mga pagkaing kinalakhan ko.
Pumasok kami sa isang estabilisyemento. Mukha ngang totoo ang sinabi ni Charlie na maaaring makakain ng pagkain ng Nobilium dahil disenyo pa lamang, mukhang pangmayaman na.
Maraming mga Kabalyero ang naririto. Nahagip ng aking mga mata sina Heneral Shepherd at Heneral Gabriel. Halos puno ng mga kalalakihang may suot na puting coat ang kainan. Sa sobrang bait ng pagkakataon, tanging ang lamesang nasa tabi lamang nila ang bakante roon. Wala naman kaming ibang nagawa kung hindi ang umupo roon.
"Nais mo ba talagang kumain dito, Charlie?" tanong ni Charles sa kaniyang kapatid at binalingan ang mga nasa kabilang lamesa. Nagulat naman si Charlie at agad na tiningnan ako.
"Hala! Patawad, hindi ko alam na narito pala ang mga Kabalyero. Maaari naman tayong lumipat sa ibang kainan," sagot niya.
"Ha? Bakit pa tayo lilipat? Narito na tayo, o," sambit ko naman.
"Sigurado ka ba riyan, Yuyami?" nagtataka akong tumango sa kaniya. Nagbuntong-hininga siya atsama bumilong, "Nag-aalala lamang ako. Paano kapag muli kang naging... alam mo na? Baka hulihin ka nila at mas malala, bitayin kasabay ni Dalibora."
Mas maganda nga siguro kung ganoon. Magkasama kaming mamamatay ni Mama. Ngunit... Pinatakas ako ni Mama. Siguradong, hindi niya nais na mahuli rin ako.
"Ayos lamang talaga, Charlie. Wala namang kaso sa akin, e. Baka kay Charles, mayroon. Grabe kasi kung magtitigan sila kanina ni Heneral Gabriel, e."
"Alam mo ba kung bakit labis ang galit ng Heneral kay Manong atsaka kay Dalibora, pati na rin sa mga alipin ng Maleficis?"
"Charlie..." saway ni Charles sa kaniyang kapatid. "Nasa tabi lamang natin si Erathaol, mas mabuti kung pag-uusapan niyo iyan sa ibang oras."
"Bakit, Bandido? Ayaw mong marinig ng bago niyong kasapi ang panggagago mo?" bigla namang nagsalita si Erathaol.
Patay. Narinig ata nila kami.
"Hindi ko ginago ang prinsesa," depensa ni Charles.
"Pinaasa mo siya, Smith. Minahal ka niya at alam mo iyon. Pero ano ang ginawa mo? Sinaktan mo lamang siya. Imbes na sabihin mo sa kaniya nang diretso, pinamukha mo pa sa kaniya na hindi mo siya magugustuhan at nagdala ka ng kung sino-sinong mga babae sa mismong tahanan kung saan ka pa niya pinatuloy. Namatay ang Prinsesa dahil sa iyo."
Teka... Anong nangyayari?
"Huwag mong isisi sa akin iyon. Kahit kailan, hindi ko hiniling ang kamatayan niya. Hindi mo ako maiintindihan dahil magkaiba tayo, Erathaol."
"Huwag mo akong tawagin sa aking ngalan. Mula nang nagtangis ang prinsesa dahil sa iyo, nawalan ka na ng karapatan para maging kaibigan ko, Smith."
"Hindi ba at may gusto ka rin sa kaniya? Ano ang ginawa mo noon? Nanood ka lang din naman, a? Hindi lang ako ang may kasalanan kung bakit namatay si Prinsesa Titania. Ikaw ang naroon noong panahong tumalon siya pero wala kang ginawa. Ikaw ang pumatay sa kaniya."
Uh-oh.
Biglang tumayo si Erathaol sa kaniyang upuan at sinuntok si Charles. Narinig ko namang naghiyawan ang mga Kabalyero. Aalma sana si Charlie ngunit sinenyasan siya ni Charles na huwag. Mukhang si Heneral Shepherd ay wala ring balak na pigilan silang dalawa. Dismayado lamang siyang umiling kay Heneral Gabriel.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...