Ngayon ang unang araw ng pamumuno ni Maleficis ngunit wala pa siyang ginagawang kahit na anong kahina-hinala maliban na lamang sa pagpapalabas niya ng kautusan kanina. Sinabi niya na bawat pamilya ng mga Pauper ay magpapadala ng isa sa mga kasapi ng kanilang pamilya sa palasyo, iyong gusto raw makapag-aral nang libre.
Marami ang natuwa sa binalita niyang iyon sa halip na paghinalaan. Saan niya naman ipupwesto ang lahat ng mga iyon? Nakakadismaya lamang sapagkat walang naghinala sa kanila ni isa.
Ngayon na nga rin pala ang unang araw ko bilang isang prinsesa. Wala akong alam sa tungkulin ng mga dugong bughaw kaya nagpaalam ako na maglilibot muna ako. Ipatawag na lamang ako ng Reyna kung kailangan niya ng magice ko.
Hinawakan ko ang laylayan ng aking damit at umikot-ikot. Astig, sumasabay naman sa kilos ko ito. Ganito pala ang pakiramdam ng mga prinsesa sa Barbie. Iyon lamang, may kabigatan nga lang talaga ang damit ko dahil ilang tela pa ang pinagpatong-patong. Dumagdag pa sa pahirap sa akin ang tiara sa aking ulo.
Wala ba silang Princess Charm School dito? O kaya naman ay hindi ba nila ako papadaluhin sa mga Princess lessons? Hindi ba uso mga ganoon dito?
Muli akong humarap sa salamin. Handa na akong umaalis. May suot-suot na rin akong cloak na magtatago sa katauhan ko. Siyempre, kahit prinsesa na ako, alam kong may galit pa rin sa akin iyong ibang mga tao.
Pagbukas ko ng pinto ng aking silid, bigla akong napako sa kinatatayuan ko. Isang pares ng pulang mga mata ang nakasalubong at kapag itinaas ko pa ang aking tingin, makikita ko lamang ang kaniyang kulay pulang buhok. Dali-dali kong isinara ang pinto.
Nagbago na pala ang isip ko. Ayaw ko na palang lumabas. Malaki naman itong palasyo kaya dito na lang muna ako maglilibot-libot.
Nakalimutan ko palang bawat prinsesa ay may tagapag-bantay at sa kinarami-rami pang Kabalyero na mapupunta sa akin, siya pa talaga. Napakaswerte ko nga naman talaga. Alam kong humingi siya ng tawad noon pero hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon niya ngayong nalaman niya na tumakas pala ako. Pero hindi naman talaga ako tumakas, hindi ba? Dinakip kaya ako.
Muli kong binuksan ang pinto at bahagya akong nasurpresa dahil nakatayo pa rin siya roon. Humakbang ako palabas at nilagpasan siya.
"Hindi na ako tutuloy sa labas kaya hindi mo na rin ako kailangang bantayan pa," sabi ko sa kaniya habang naglalakad sa pasilyo nang hindi siya nililingon. Ngunit ilang segundo na ang lumipas, dinig ko pa rin ang yabag ng kaniyang mga paa. Nilingon ko naman siya at sinabihang, "Kung binubuntutan mo ako kasi iniisip mong may gagawin akong masama, nagkakamali ka. Kung mayroon ka mang bantayan ang mga kilos, ang Reyna iyon."
"Hindi iyon ang dahilan kung bakit sinusandan kita. Wala pang Kabalyero ang nakatakda upang bantayan ka, pinuntahan lamang kita sa iyong silid dahil may nais akong itanong sa iyo," aniya. Nanlaki ang aking mga mata, nagkamali ako ng intindi sa mga pangyayari!
May kalayuan na kami ngayon sa aking silid. Kung may nais siyang itanong, sigurado akong tungkol iyon sa muling pagkabuhay ni 'Titania'. Kailangang mag-usap kami sa lugar kung saan walang makakakita at makaririnig sa amin.
"Sundan mo ako, may alam akong lugar," pinanliitan ko siya ng mga mata. Sinusubukang alamin kung may balak ba siyang masama. Mahirap na, baka subukan na naman akong patayin nito.
Mukhang napansin niya ang tinging ibinibigay ko sa kaniya at natawa siya bigla. Naestatwa ako sa ginawa niya. Ito ata ang unang pagkakataon na tumawa siya? Kaya mas naging kahina-hinala siya para sa akin.
"Erathaol, nandi-Binibining Akatsuki?" sabay kaming napalingon kay Yerachmiel. Napangiti ako nang makita ko na maayos ang kaniyang kalagayan. "A, patawad, Prinsesa Lunox pala dapat."
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...