Kabanata 13

2.8K 202 32
                                    

"Yuyami, ikinalulungkot ko ang pagkamatay ni Dalibora," bungad ni Pinunong Nurphus sa akin. Naguguluhan ko siyang tiningnan. Sinabi ba nina Charles ang tungkol sa relasyon namin ni Dalibora? "Mula nang una kang tumapak sa tahanan ng mga Bandido, alam ko ng ikaw ang sanggol na dinala niya sa ibang mundo."

"Lingid sa iyong kaalaman, araw-araw nagpapadala ng sulat sa amin si Dalibora. Isang araw bago ka mapadpad dito sa Evernight, alam niyang hindi niyo na maaaring takasan pa sina Era at Thaolus kaya humingi siya ng tulong sa akin. Iyon ay ang itago ka mula sa paningin ng mga Kabalyero," dugtong niya.

"Ibinigay ko sa kaniya ang Salamin ng Kasinungalingan upang maitago mo ang iyong katauhan kapag dumating ka na rito. Ang salamin na ito ay hindi lamang tinatago ang iyong hitsura, pati na rin ang iyong magice. Ito ang dahilan kung bakit hindi ka natuluyang naging Maleficis, pinigilan nito ang iyong magice."

"Sa kasamaang-palad, hindi na nito kinaya pa ang iyong kapangyarihan kaya nabasag ito. Wala ng ibang kagamitan sa Evernight na makapagtatago ng iyong katauhan, iyon na ang huling salamin na ginawa ni Nox. Ngunit huwag kang mangamba, hindi mo naman na kailangang magtago pa sa mga Kabalyero."

"Kanina ay dumayo si Era rito. Ayon sa kaniya, hangga't wala ka raw ginagawang masama, hindi sila maglalabas ng kautusang hulihin ka. Bukod pa roon, ipapadala rin nila si Leslie upang bantayan ka."

"Kung sakali mang pagkalabas mo sa silid na ito ay may mga magtanong kung sino ka, sagutin mo kung sino ka nga ba talaga. Binuo ni Nox ang salamin upang madali niyang maitago ang katotohanan at lumikha ng panibagong katauhan. Sa tuwing nasisira ito, nabubura sa isipan ng mga taong nakilala niya ang tungkol sa katauhan na iyon maliban na lamang sa mga nakakaalam sa totoong siya sa likod ng mga lente."

"Ngayon, alam mo naman na siguro na tanging ang Hari at Maleficis lang ang may kapangyarihan na katulad ng sa iyo. Hindi natin maaaring ipakita sa ibang tao ang iyong magice. Kaya naman simula ngayon, kailangan mong magsanay bilang isang non-magice valere. Bakit ka magsasanay? Dahil isa ka sa mga maglalaro sa Mahia Tribuisti."

"Po?" sambit ko.

"Isa ka sa mga napili na lalaban sa Mahia Tribuisti. Tinanggihan ni Bruce ang bakanteng puwesto. Hindi pinayagan ng kanilang impo sina Dusk at Dawn at ang mga natirang miyembro, narito lamang sila upang may matuluyan."

"S-Seryoso po ba kayo?" tanong ko.

"Walang ibang pagpipilian kung hindi ikaw. Maaari ka namang tumanggi kung ayaw mo."

"Hindi naman po sa ayaw ko, iniisip ko lang po na baka hindi ko po kayanin. Sigurado pong hindi ako tatagal ng isang minuto roon baka pagtapak ko pa nga lang, tumba na po agad ako, e."

"Kulang ka lamang sa ensayo, hija. Hindi ba at lumaki ka sa ibang mundo? Walang kapangyarihan at hindi mo kinakailangang makipagsapalaran doon. Walang banta kaya hindi ka tinuruan na makipaglaban."

Hindi ba banta sina Era at Thaolus?

"Si Bruce ang mag-eensayo sa iyo, siya ang pinakamalakas naming non-magice valere. Kung nais mong kontrolin ang iyong magice, si Charles o Charlotte ang iyong lapitan. Angkin mo ang dalawa sa pinakamalakas na kapangyarihan sa buong Evernight, alam kong kaya mo iyan. Kailangang makontrol mo ang mga ito, hindi natin alam ang mga maaaring mangyari."

Hindi na ako nakapagsalita pa dahil wala akong masabi. Dalawa sa pinakamalakas na kapangyarihan? Hindi ko masiyadong ramdam. Baka sadyang mahina lamang ako. Mas mabuti kung magbabasa na lang muna ako ng mga impormasyon tungkol doon.

Nagpaalam na ako kay Pinunong Nurphus at lumabas ng kaniyang opisina. Walang katao-tao roon maliban kina Charles at Charlie. Naroon din pala iyong lobo atsaka iyong kasama niya.

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon