Kabanata 30

1.9K 179 14
                                    

Isang tindahan ng mga sandata ang nakita ko sa hindi kalayuan. Tumakbo ako papunta roon at kinuha ang bow at ilang piraso ng mga palaso.

Lumabas ako mula roon at pumunta kung nasaan iyong Class SSS na halimaw. Nakita kong naroon na sina Erathaol at ang grupo nina Pyra. Dinaluhan ko sila sa pinagtataguan nila.

"Ano na ang gagawin natin?" tanong ni Izea.

May naisip akong plano ngunit ayaw kong sabihin sa kanila. Mga puntos kasi ang nakasalalay rito.

Napatingin sa akin si Erathaol.

"May plano ka?" tanong niya.

"Papanain ko sana siya mula roon," turo ko sa balkonahe ng ikaapat na palapag ng gusali na nasa likuran ng halimaw.

"Hindi ka ba niya makikita?" tanong ng malakas na babae, Strea pala ang pangalan niya.

Umiling ako. Gawa naman sa semento iyong railings kaya maaari akong magtago roon. Mayroon din naman akong plano kapag nadiskubre niya ang aking pwesto.

"Mayroon pa bang ibang may kakayahan dito na umatake mula sa malayo?" tanong ko sa kanila.

"Ako," sambit ni Erathaol. "May naiisip ka nga talagang plano. Ano iyon?"

"Ha? Wala, a. Nagtatanong lang ako. Atsaka kung mayroon man, alam ko namang hindi kayo papayag doon, e. Hintayin na lamang nating maubos ang oras," suhestiyon ko. Nagulat sila sa sinabi ko.

"Unang beses mo pa lamang bang dumalo ng Mahia Tribuisti?" tanong ni Strea. "Kahit hindi bilang isang manlalaro."

May mali ata sa sinabi ko kanina kaya tinatanong niya na ako ng ganito. Tumango ako. Natawa siya pati si Izea. Kumunot ang noo ni Erathaol at tiningnan naman ako ng masama ni Pyra.

"Isang mamamayan ng Evernight? Hindi inaabangan ang Mahia Tribuisti? Nakakaintriga naman. Bawat bahay ay libre nilang pinapadalhan ng kagamitan kung saan maaari nilang mapanood ang Mahia Tribuisti. Imposible na hindi ka pa nakakanood maski isa," ani Izea.

"Malay niyo naman, mga binibini, lumaki siya sa ibang mundo," agad akong humakbang patagilid nang dumating si Bathim at ipinatong pa talaga ang kaniyang siko sa aking balikat. "Nga pala, kaya ko ring pumana."

Nagpalabas siya ng bow at arrow.

"Ibang mundo? Hindi ba at matagal ng nakasara ang lagusan papunta roon? Tsaka halimaw na lamang ang mga naroon, hindi ba?" kwento ni Strea na bahagyang nagpa-offend sa akin. Grabe sa halimaw.

"Bakit hindi niyo tanungin si Erathaol tungkol diyan? Hindi ba at may pinaslang kang isang valere na may kakayahang maglakbay sa mundo natin at sa mundong iyon?" tinitigan namin si Erathaol na napatahimik.

Napangisi siya.

"Isa sa bawat sampung libong katao ang nabibiyaan ng ganoong klase ng magice. Hindi ko pinaslang ang isang iyon, ibinigay ko lamang ang kung anong nararapat para sa kaniya," sagot niya kay Bathim.

Napatingin sa akin ang demonyo at ngumiti nang nakakaloko. Alam niya kung sino ba talaga ako. Siguradong alam niya rin ang galit ni Erathaol sa akin.

"Balita ko, dinala raw ang anak ng Maleficis sa kabilang mundo," sabi ni Bathim. "Ngunit nang hinuli si Dalibora, ibinalik niya ito rito, hindi ba?"

"Totoo. Nagkaroon ako ng engkwentro sa kaniya."

"A, iyong muntik mo na siyang mapatay?" nanlaki ang mga mata ni Erathaol sa sinabi ni Bathim. "Huwag kang mag-alala, hindi ko alam ang buong detalye. Hindi naman pala-kwento si Andromalius."

"Dapat namatay na lamang siya noon," bulong ni Erathaol sa kaniyang sarili at kinuyom ang kaniyang kamao.

"Bakit? Ano ba ang ginawa ng anak ng Maleficis sa iyo?" kuryosong tanong ni Strea.

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon