Kabanata 37

1.9K 164 0
                                    

Naestatwa ako nang nasalubong ko ang mga mata ng kakalabanin namin ngayon. Hindi na kasi ako nakanood pa ng ibang laban dahil nakatulog ako kaya hindi ko alam kung sino ba ang mga maaari kong makalaban.

Walang pinagbago ang titig na binigay sa akin ni Pyra. Matalim at malamig. Sa tabi niya ay isang lalaki na kahawig niya.

"Ang kambal na Pyro at Pyra ng Mages of the Ambitious laban sa dual magice valere na si Riley at ang non-magice valere na si Yuyami na nagmula sa Bandits of the Dead. Magagawa kayang matalo ng mga Mahikero ang mga Bandido sa isang labang walang kahit na anong magice ang mamamagitan?" anunsiyo ng tagapagsalita. "Ano pa bang hinihintay natin? Atin na ngang alamin ang kasagutan na iyon. STARTTTTTOOOO!"

Nilabas ni Pyro ang kaniyang kulay itim na latigo. Iyon siguro ang kaniyang sandata. Samantalang ang dala-dala ng kaniyang kakambal ay twin swords.

Hanggang dalawang uri ng sandata lamang ang maaaring gamitin sa laban na ito kaya hindi ko nadala ang lahat ng aking armas. Ang aking mga kunai at ang aking punyal lamang ang aking nadala.

Hinawakan ko ang aking mga maliliit na kunai na nasa bulsa ko pa at humakbang papunta sa entablado.

Sandali akong napatingin kay Riley. Napakunot ako ng aking noo. Wala pa siyang nilalabas na sandata. Makikipaglaban lamang ba siya gamit ang kaniyang mga kamay?

Muli ko na namang narinig ang huni ng trumpeta na hudyat ng pagsisimula.

Kailangan kong mag-ingat sa latigo ni Pyra.

"Sa akin iyong babae, ikaw na ang bahala sa lalaki," sabi ni Riley at tumakbo patungo kay Pyra. Ngunit hinarangan siya ng lalaki.

"Wala kang dala na kahit na ano. Minamaliit mo ba ang kakayahan ng mga Blazers? Sa tingin mo ba, tanging sa magice lamang namin kami dumedepende?" tinutok niya ang isa sa mga kaniyang espada sa leeg ni Riley pero hindi man lang natinig iyong isa.

Hindi niya man nakikita iyon, alam kong nararamdaman niya ito. Mula rito sa pwesto ko, kitang-kita ko na halos dumikit na ang talim nito sa kaniyang balat.

"Ako ang kalaban mo!" sigaw ni Pyra na nakaagaw ng aking atensiyon. Itinaas niya ang kaniyang mga kamay at sumasabay roon ang kaniyang latigo. Ipinapunta niya ito sa aking direksyon.

Agad naman akong tumakbo palayo roon. Nagsimulang maglaban sina Riley at iyong lalaki. Hindi makaatake si Riley dahil hindi siya makahanap ng pagkakataon. Puros pag-ilag lamang ang ginagawa niya.

Ang galing niya naman. Nalalaman niya ang bawat galaw ng kaniyang kalaban kahit bulag siya. Sandali, sabi niya, isa siyang terra valere, hindi ba? Dahil isa siyang ganoon, nagkakaroon siya ng koneksyon sa lupa? Hindi ba iyon makokonsidera na paggamit ng magice?

Lumipad na naman pala ang aking utak kaya hindi ko namalayan ang umbok ng lupa. Nagkamali ako ng tapak doon at muling natapilok ang aking kanang paa. Napangiwi ako sa sakit habang bumibigay ang aking mga tuhod at tuluyan akong napaupo sa sahig.

Ginamit naman ni Pyra ang pagkakataon na iyon upang hulihin ako. Naipulupot niya ang kaniyang latigo sa aking kanang paa. Ngumisi siya.

Nanlaki ang aking mga mata at natigilan ako dahil isang eksena ang muling bumalik sa aking isipan. 'Yung gabi bago ako mapadpad dito sa Evernight. Ang gabi kung saan huli kong nakausap si Mama. Ni hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kaniya sa pagpapalaki niya sa akin.

Akala ko, mahahanap ko pa siya noon. Muling makakasama pa. Wala akong kaalam-alam na iyon na pala ang huli.

Nagsimulang manubig ang aking mga mata ngunit agad akong umiling upang pigilan ito. Hindi ito ang oras upang balikan ko ang nakaraan at iyakan iyon. Mayroon akong kasalukuyang kailangang harapin.

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon