Kabanata 26

2.3K 174 7
                                    

"Magandang umaga!" pagbati ni Pinunong Nurphus.

Pagsikat na pagsikat pa lang ng araw, agad na kaming pinatipon ni Pinunong Nurphus. Dahil siguro ito sa Mahia Tribuisti. Isang linggo na lang kasi bago magsimula iyon.

"Alam naman ninyo na isang linggo na lamang ay muli na namang magdaraos ang Konseho ng Mahika ng Mahia Tribuisti, isang taunang patimpalak upang malaman ang Significant Septem, ang pitong pinakamalalakas na guild sa buong Evernight," panimula niya.

Nagtago ako sa balikat ni Charlie na katabi ko upang humikab. Pagod na pagod kasi ako kahapon pero ilang oras lamang ang tulog ko.

Inabot kami ng madaling-araw ni Charlie sa pagchichikahan. Hindi ko binanggit sa kaniya ang sinabi ni Charles. Dahil baka awayin niya si Charles tungkol dito o hindi kaya, sabihin niyang pareho siya ng kalagayan kay Charles. Ayaw ko namang mapalayo rin siya sa akin. Magiging awkward na ang lahat dito sa guild kung ganoon.

"Makalipas ang labing-anim na taon, muli na naman tayong makakadalo rito. Noon, palaging ang ating guild ang nangunguna sa Mahia Tribuisti at ngayon, ibabalik natin ang kung ano nga ba ang sa atin. Mapalad tayo sapagkat ngayong taon, nagkaroon tayo ng mga malalakas na kasapi."

"E, Impong Nurphus, si Manong Dark tsaka Ginoong Riley tapos si Manang Akatsuki lang naman po 'yung bagong nadagdag sa atin, e," sambit ni Dawn na sinang-ayunan ng kakambal niya.

"Kaya nga mapalad tayo dahil mayroon pa ring mga sumali sa atin kahit na hindi ganoong kaganda ang reputasyon na mayroon tayo," sagot sa kaniya ni Pinunong Nurphus. Binuka ng dalawang bata ang kanilang bibig na tila naiintindihan ang sinambit niya at tumango-tango.

"Katulad ng kinagawian, pipili ang bawat guild ng limang miyembro upang kumatawan sa kanila. Sila ang lalaban para sa guild. Hayaan niyo akong ipakilala ang ating limang kalahok," pagpapatuloy niya.

"Ang una sa ating listahan ay ang pinakamatagal ng kasapi ng ating mahal na guild, ang nag-iisang nanatili noong panahong marami ang nagsilisan. Si Charlotte Smith," nagsipalakpakan kami habang naglalakad papunta sa tabi ni Pinunong Nurphus si Charlotte. "Kasunod niya ay ang kaniyang panganay na anak na tulad niya ay isa ring aqua valere, Charles Smith."

"Oo nga pala, Charlie, bakit hindi ikaw ang ikalimang miyembro?" tanong ko sa katabi ko.

"A, kasama kasi ako sa mga medikong nakaantabay sa patimpalak kaya hindi ako maaaring lumaban," tumango ako sa sinabi niya. Kaya pala.

"Para naman sa ikatlo at ikaapat, napili namin ni Charlotte ang pares nina Dark at Riley. Isang lobo at isang dual magice valere," inalalayan ni Dark si Riley sa paglalakad papunta sa unahan.

"Para naman sa huling manlalaro, ito ay si Yuyami Akatsuki, ang pinakabago nating miyembro. Huwag kayong mangamba, sapagkat kahit bago pa lamang siya, alam kong may mapapatunayan siya. Isa pa, personal siyang eensayuhin nina Charlotte at Bruce."

Kinakabahan akong tumayo mula sa pwesto ko. Nakatingin silang lahat sa akin. Nakahinga ako nang maluwag sapagkat wala sa kanila ang tumitingin sa akin na tila ba ay pinagdududahan nila ang aking kakayahan.

Sa tingin ko, kahit apat lamang sila ay kayang-kaya na nilang manalo at mapabilang sa mga nasa taas. Kumbaga 0.1% lang ang maiaambag ko sa kanila.

"Nagpadala na ng palatuntunan ang Konseho ng Mahika sa bawat guild. Maaari na kayong maupo at makinig sa aking paliwanag tungkol sa mga mangyayari roon," sinunod naman namin siya.

Nang bumalik ako sa aking upuan ay sinalubong ako ng nakangiting si Charlie.

"Patumbahin mo silang lahat doon, a?" ilang lamang akong ngumiti sa kaniya. Baka ako pa nga ang mapatumba ng lahat, e.

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon