Nagsimula kaming tumakbo papunta kina Charlotte ngunit hindi ako makasabay sa bilis niya, hindi ko pa rin kasi napapagaling ang aking paa. Nakalimutan ko at dagdag pa pala sa kamalasang tinatamasa ko ngayon na suot-suot ko ulit ang sapatos kong may takong.
"Wala tayong maaabutan kung kasing-kupad mo ang pagong sa paglalakad. Wala ka sa parke, kailangan nating makarating doon sa lalong madaling panahon," ani Charles. Huminto siya ngunit patuloy pa ring tumatakbo sa kaniyang pwesto.
Pinapanood niya akong parang timang na hindi mo alam kung lasing ba na naglalakad o modelong sabog na may sariling paraan ng pagrampa.
Kasi naman, bakit kasi hindi ko na ito ginamot pa kaninang nasa loob kami ng aklatan! Napakamakalimutin mo talaga, Yuyami.
"May pilay ka ba?" tanong niya. Naglakad siya papunta sa akin.
Agad akong humakbang paatras at tahimik akong ngumiwi dahil iyong may pilay kong paa pa talaga ang tinapak ko.
"Bubuhatin na lang kita," suhestiyon na mas lalong ayaw ko.
"Pagalingin mo na lamang ako," pagtanggi ko sa suhestiyon niya.
"Dadalhin nga muna kita roon sa hagdanan upang makaupo ka at doon kita gagamutin. Mahalagang komportable ka kapag ginamit ko sa iyo ang aking magice," pangungulit niya naman. Pumayag na lamang ako sa sinabi niya.
Akma na sana niya akong bubuhatin ng katulad sa mga kinakasal ngunit agad kong pinalo ang kaniyang mga kamay.
"Ayaw ko ng ganiyang buhat. Ipasan mo na lamang ako," sabi ko.
"Ang igsi-igsi ng palda mo. Baka makitaan ka kapag pinasan kita. Mas maigi na iyong ganito," salungat niya sa sinabi ko.
"E 'di huwag mo na lang ako buhatin. Malapit lang naman iyong hagdan, e," sambit ko at nagsimulang maglakad papunta roon sa hagdan.
Buhat-buhat pa itong nalalaman, kaya ko namang maglakad mag-isa.
Nilabas ko ang aking paa mula sa malas kong sapatos. Namumula na pala ang bandang bukong-bukong ko.
Lumuhod siya na parang magpo-propose at ipinatong sa kaniyang tuhod ang aking paa. Hinawakan niya ito gamit ang kaniyang kanang kamay. Nagkaroon ng asul na bilog na liwanag dito. Maya-maya lang, nakaramdam ako ng malamig na medyo mainit sa pakiramdam doon sa parteng masakit sa akin kanina.
Nang pinatong niya pabalik sa lupa ang aking paa ay wala na ang pamumula nito. Inunat-unat ko rin ito at wala na akong sakit na nararamdaman pa mula rito.
"Salamat," sambit ko sa kaniya. Susuotin ko na sana ang aking sapatos nang pinigilan niya ako.
"Huwag mo munang muling suotin iyan, baka matapilok ka na naman," sambit niya.
"E 'di maglalakad ako na walang sapin ang paa?" tanong ko.
"Hindi, huwag ka munang tatayo. Akin na ang mga paa mo," sinunod ko naman ang sinabi niya.
Tinapat niya ang kaniyang mga palad sa aking mga paa. Lumitaw ang kaniyang magic circle at may mga tubig na lumabas doon. Dahan-dahan itong napunta sa aking paanan at bumuo ng tila isang sapatos.
Maya-maya lamang ay nanigas ang mga ito.
Sapatos na gawa sa tubig na naging yelo? Parang kahawig lamang nito ang sapatos ni Cinderella ngunit wala lang itong takong.
"Wala akong masiyadong alam sa mga kagamitan ng mga babae kaya pagpasensiyahan mo na kung simple lamang ito," aniya. Pinanlakihan ko siya ng mga mata.
"Seryoso ka ba?! Ang galing kaya nito. Para lang akong si Cinderella, ball gown na lang ang kulang at si Prince Charming. Tingnan mo nga, o, mayroong malaking orasan doon," natutuwa kong sambit. Umikot-ikot pa ako upang subukan iyon. “Pasado ka na bilang isang Fairy Godmother!”
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasía[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...