"Iilang kasapi lamang ang nais ipalagay ang kanilang symbolum sa parte ng kanilang katawan na hindi madaling takpan. Bakit mo naman naisipan na roon na lang ilagay? Tanging si Charles at ang pamangkin lamang ng Punong Mahistrado ng Konseho ng Mahika ang nagpalagay roon."
Pamangkin ng Punong Mahistrado ng Konseho ng Mahika? Anong ginagawa ng pamangkin ng Punong Mahistrado ng Konseho ng Mahika sa lugar na ito? Narito ba siya upang maging espiya?
"Pinuno naman, huwag mo akong ilagay sa iisang pangungusap kasama ang isang iyon. Hindi ko nga alam kung ano ang pumasok sa kokote niya para sumali rito at ipatatak ang symbolus niya sa kaniyang batok na matatanaw ng lahat," sabat ni Charles.
"Charles, alam kong may sama ka ng loob kay Riley dahil sa ang mukha niya ang nakabandera sa Tagrid at Asani ngunit sana naman ay isangtabi mo muna ito. Nakakahiya sa bago nating kasapi," ani ng matandang lalaki bago ibalik ang atensyon sa akin. "Nakalimutan ko na ang tinanong ko sa iyo kanina. Ano nga ba iyon?"
"Kung bakit po sa kamay ko gusto ipalagay ang aking symbolum. May naalala lamang po akong tauhan sa isang palabas. Baka maging katulad ko po siya," maging katulad na magkaroon ng malaking hinaharap. Tumango siya sa aking sagot.
"Gratissimum! Maligayang pagdating sa tahanan ng mga Bandido. Ako si Nurphus, isang duwende at ako ang namumuno rito. Nalulugod akong makilala ka..." huminto siya na tila hinihintay na dugtungan ko iyon.
"Yuyami," sabi ko. Bahagya akong natigilan sa sinabi ko. Bakit ko sinabi ang tunay kong pangalan?
Humilig si Charles papunta sa akin at bumulong, "Sabihin mo rin kung ano ang taglay mong magice."
Magice ata ang tawag nila sa kapangyarihan.
"Ang kapangyarihan ko ay may kaugnayan sa lupa. Hindi ko pa ito masiyadong ginagamit kaya limitado lamang ang kaalaman ko patungkol dito," dagdag ko sa sinabi ko kanina.
"Tatlong elemental valere? Siguradong ituturing na naman tayong banta ng Konseho ng Mahika nito," natatawang sambit ni Pinunong Nurphus. "Charles, ipakilala mo na siya sa iba pa. Sigurado akong matutuwa sila kapag nalaman nilang makalipas ang ilang buwan, mayroon na naman tayong bagong miyembro."
Nagkaroon ng pinto sa likod ni Pinunong Nurphus. Tumungo kami ni Charles doon. Tulad kanina, nauna siyang pumasok at sinundan ko lamang siya.
Nang nakapasok na kami, kinusot-kusot ko pa ang aking mga mata dahil hindi ko inaasahan ang aking nakita.
Mukha nga talagang hindi maganda ang reputasyon ng guild na ito. Hindi lalagpas sa sampu ang nasa loob ng malaking kwarto na ito.
Para itong isang kainan dahil sa mga lamesang kahoy na nakahilera at may mahabang upuan ang magkatapat sa dalawang gilid nito. Medyo madilim dito dahil iilan lamang ang ilaw. Ngunit malinaw sa akin na sa bawat lamesa ay may tigiisa lamang itong laman at marami pa roon ang hindi okupado.
Namukhaan ko iyong dalawang bata kanina, sina Dusk at Dawn. Mayroong dalawang may matulis na tenga, dalawang may suot-suot na hood at apat na lalaking may mga malalaking katawan.
Ang nag-iisa namang babae, bukod sa mga bata, ay nakapwesto sa likod ng bar counter. Abala siya sa pagbabasa.
"Dito mo na lang muna ilagay ang iyong mga gamit," turo niya sa isang lamesa. Inilapag ko naman doon ang aking bagpack.
"Charlie!" tawag ni Charles sa babae. Iniangat niya ang kaniyang tingin at nanlaki ang mga mata nang napadpad ang tingin niya sa akin. "Isang inumin para sa pinakabagong Bandido. Yuyami, may nais ka ba?"
"Kahit ano na lamang," sagot ko.
Tila naagaw namin ang atensyon ng lahat ng naroon.
"Lahat kayo, makinig sa akin! Siya si Yuyami, isang terra valere," anunsiyo niya. "Alam niyo ba? Mas pinili niya tayo kaysa sa mga Kabalyero."
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...