Kabanata 41

1.8K 166 7
                                    

“Para sa unang guild, Bandits of the Dead, narito ang tatlong miyembro na magpapatuloy,” may inilapit kay Haring Lux na kahon, pinasok niya ang kaniyang kamay roon at maya-maya lamang ay inilabas na. May tatlong papel na siyang hawak. “Charles Smith... Riley Coyle... Yuyami Akatsuki.”

Binanggit na ang kaniyang pangalan ngunit hindi pa rin dumadating si Charles. Nasaan na kaya ang isang iyon?

Tumayo naman na sa upuan niya si Riley kaya ginaya ko na lamang siya at hindi na hinintay pa si Charles. Itinapat sa amin ang ilaw at nagpalakpakan ang mga tao. Humarap ako kina Charlie at kumaway sa kanila. Pinanlakihan niya ako ng mga mata at sinenyasang tumigil ako sa ginawa ko. Umakto siyang yumuyuko.

Hindi ba uso rito iyon? Akala ko kapag tinatawag pangalan mo, kakaway-kaway ka. Yuyuko lang pala.

Muli kong hinarap ang Hari at yumuko sa kaniya. Pagkatayo ko ay nagkasalubong ang tingin namin ng Hari, malungkot niya akong nginitian.

Nagpatuloy siya sa pag-aanunsiyo ng iba pang mga kalahok hanggang sa nakumpleto na ang lahat. Kasama pa rin sina Erathaol, Andromalius, Bathim at Ivy sa mga lalaban.

Nagpalabunutan na rin kung ano ang pagkakasunod-sunod ng mga laban. Tatlong araw kasi ang gugugolin para sa huling parte ng kompetisyon. Tatlong guild muna ang lalaban sa unang araw at tigda-dalawa na sa susunod.

Ako ang bumunot sa amin. Hindi ko alam kung swerte o malas ba na pangpito ang nakuha ko. Ang mga guild na nakatakda sa unang araw ay Imperial Knights, Spears of Jade at Champions of the Sea.

Ang magiging sistema raw ng huling parte ng Mahia Tribuisti ay bawat miyembro ay kailangang labanan ang lahat ng guild sa individual battle. Ngunit sila naman daw ang bahala kung sinong kasapi ang nais nilang harapin.

Halimbawa, bukas ay Imperial Knights ang mauuna. May tatlong miyembro sila na binubuo ni Erathaol, iyong nag-iisang babae na kaya pala pamilyar sa akin dahil kaibigan ni Charles na si Kuwanlelenta, at iyong isa pa nilang miyembro. Lalabanan nila ang lahat ng guild.

Ang pakikipaglaban ay nakabase rin sa alpabeto kaya naman kami ang una nilang kakalabanin. Dahil tigta-tatlo, tig-iisa sila ng kalaban. Kunwari ay si Erathaol laban sa akin, si Charles laban kay Kuwanlelenta at si Riley naman laban doon sa isa pa. Ganoon din ang mangyayari kapag kinalaban na nila ang iba pang guild.

Nang natapos na sila sa pagpapaliwanag ng mga mangyayari, pinakain muna kami at matapos ay pormal na nilang inanunsiyo na magsisimula na ang sayawan.

Biglang namatay ang lahat ng ilaw. Kusang bumukas ang aking bibig nang may mga lumitaw na kutitap na kumikislap-kislap sa dilim. Iba-iba rin ang kulay nila. Mayroon na rin akong naririnig na tunog ng mga instrumento. Napatingin ako sa entablado at napamangha dahil sa nakita ko. Mga sirena! Nakanta sila kasama ng ibang mga musikero.

Ito ang unang pagkakataon na makakakita ako ng sirena sa personal. Gusto ko tuloy tumakbo papunta sa kanila at magpakuha ng litrato.

“Lapitan niyo na ang mga malalapit sa inyo at yayain niyo ng sumayaw sa unang kanta ngayong gabi. Ang himig na ito ay iniaalay namin para sa mga taong hindi maamin ang kanilang damdamin. Para sa kanila, hindi lamang sila sigurado ngunit ang totoo ay natatakot lamang silang aminin ito,” panimula ng bokalista.

“Sana sa pamamagitan ng kanta na ito, inyong mapagtanto ang tunay niyong nararamdaman at huwag matakot na sabihin ito,” maya-maya lang ay nawala na ang ilaw na nakatutok sa kanila.

Mayroong kumalabit sa akin. Nilingon ko naman ito. Mabuti na lamang at mayroong mga kutitap sa paligid kaya naaninag ko na ang kambal ang mga ito.

“Manang, may nais daw na kumausap sa iyo. May gusto raw siyang sabihin, e. Hihintayin ka raw niya roon sa may upuan kung saan matatagpuan ang hugis-pusang halaman na may mga rosas,” sabay nilang sabi.

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon