Tatlong malaking karwahe ang naghihintay sa amin. Isang araw na lang bago ang Mahia Tribuisti. Sa tingin ko naman ay nagkaroon ng pag-unlad sa paggamit ko ng magice pati na rin sa paggamit ko ng aking mga kagamitan.
Tinuruan ako ni Charlotte kung paano itago ang aking presensiya. Sa gayon, maaari kong gamitin nang palihim ang aking mahika. Kaso nga lang, kapag kailangan ko ng gamitin ang malaking dami ng kapangyarihan, hindi ko na maitatago pa ito. Natuto rin ako kung paano magpalabas ng magice at gamitin ito upang atakihin ang kalabanan. Marunong na rin akong bumuo ng aking sariling kagamitan.
Kahapon, tinuruan niya ako kung paano ko maipapasa sa sandatang ginagamit ko ang dalawa kong magice. Ayon sa kaniya, makatutulong daw ito upang mas mapataas ko pa ang tiyansa ko na masaktan ang aking kalaban.
Mga madadali lamang ang itinuro niya sa akin dahil sabi niya, mas marami raw akong malalaman kung ang sarili ko ang makakapagdiskubre ng iba ko pang kakayahan.
Kay Manong Bruce, araw-araw akong nag-eensayo gamit ang aking kunai laban sa iba't ibang sandata. Nang huling dalawang araw, siya na ang aking nakakalaban kaya bigay-todo talaga ako.
Sa tingin ko rin ay bahagyang tumaas ang stamina ko, palagi kasi akong natakbo sa umaga. Hindi lang basta-basta pagtakbo ang pinagawa niya sa sakin, samahan ko pa raw ito ng pagkanta. Kulang na lang ay pasayawin ako, feel ko nang nagte-training ako bilang isang idol.
Natuto na rin akong gumamit ng iba pang mga sandata tulad ng espada atsaka sibat. Tutal magaling naman daw ako pumintirya, sinubukan ko rin ang mamana.
Handa na siguro ako. At least ay hindi na ako katulad ng dati na walang kaalam-alam. Pero nakakapagod naman ang buong linggo na ito at bukas lang ang maaari kong maging paghinga.
Sa umaga kasi hanggang magtanghalian, nag-eensayo ako kasama si Manong Bruce. Pagkatapos niyon ay nagbabasa ako para sa Tagisan ng Talino. Sa tuwing kumakagat na ang dilim naman ay kay Charlotte naman ang punta ko.
"Kumusta?" tanong ni Charlie. Ngayon ko lamang siya ulit nakausap. Sa tuwing kakain lamang kasi ako nakakalabas at nakakapaghalubilo sa iba.
"Nakakapagod pero ayos lamang. Ramdam ko naman ang epekto niyon, e," sabi ko.
"Kaya mo na ba silang patumbahin lahat?"
"Hindi ko alam pero ang sigurado ako, hindi silang lahat ang magpapatumba sa akin," kampante kong sagot. Natawa naman kami pareho.
"Ano ba talaga ang nangyari sa inyo ni Manong Charles doon sa Elanoris?" akala ko, hindi niya na tatanungin iyon. Simula kasi nang dumating kami mula sa misyon, hindi na ako kinakausap pa ni Charles.
Mahahalata at mahahalata nga talaga ni Charlie iyon dahil kung gaano kasigla ang pakikitungo sa kaniya ni Charles, ganoon naman ang ikinalamig ng sa akin.
"A, wala iyon," sambit ko.
Sabay kaming pumasok sa karwahe na nasa pinakalikod. Medyo natigilan pa ako dahil nagtagpo ang mga mata namin ni Charles. Seryoso niya akong minataan samantalang ako naman ay agad ng iniiwas ang tingin.
Nilingon ako ni Charlie at nagtagpo ang kaniyang mga kilay.
Sa isang karwahe ay may limang miyembro na nakatakda. Si Charlotte ang isa rito sa amin.
"Hintayin lang natin si Bruce," ani Charlotte na tinanguan namin.
Magkatabi kami ni Charlie sa upuan. Katapat niya ang kaniyang ina samantalang ang sa akin naman ay si Charles kaya iniingatan kong hindi tumingin nang diretso talaga.
"A, ito pala ang walang nangyari," pasimpleng parinig ni Charlie sa aming dalawa. Pinanlakihan siya ng mga mata ni Charles. Kinurot ko naman ang braso niya. Natatawa siyang napangiwi sa sakit. "Nagbibiro lang naman, masiyado kayong seryoso."
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasia[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...