Inayos ko ang lagayan ng aking mga kunai na nasa aking baywang. Pumikit ako at nagbuntong-hininga. Unang araw ngayon ng Mahia Tribuisti. Halong kaba at saya ang nararamdaman ko ngayon.
Ginalaw-galaw ko ang aking mga braso, sinusubukan kung gaano ako makakagalaw sa suot-suot kong damit. Komportable na ako rito.
Kahapon, sinukatan nila kami para sa magiging uniporme.
Humarap ako sa salamin at pinagmasdan ang hitsura ko. May parada kasi mamaya kaya kailangan ay presentable ako tingnan.
Mahaba ang manggas ng crop top na pantaas ko. Ang disenyo nito ay may pagkakahalintulad ng sa uniporme ng mga royal guard sa kinalakhan kong mundo. Puti, itim at ginto ang mga kulay na narito. Kulay puti ang damit, itim iyong nasa balikat pati na rin ang nasa dulo ng manggas at ginto naman iyong nasa kaliwang balikat na telang nakalaylay at ilang disenyo sa manggas. Nakahati rin ito sa gitna kung saan itim ang nasa ilalim at iyong nagdudugtong sa kanila sa tapat ng aking dibdib.
Mabuti na lamang talaga at high-waisted ang kulay itim na military jogging pants kaya hindi nakabalandra ang aking tiyan. Ligtas ako, hindi ako masisikmuraan. Kaso nga lang, medyo nanlumo ako bigla sa sapatos ko. Combat boots ito na may heels. Paano ako makikipaglaban nito? Mabuti na lang at makapal-kapal ang heels na mayroon 'to.
Nagpagupit nga rin pala ako kahapon. Bahagya pa nga akong minataan ng naggugupit na parang hindi siya naniniwala sa akin. Pinatabas ko kasi ang mga ito hanggang sa umabot ito sa taas ng aking batok. Binigyan ako ni Charlotte ng hairpin kanina kaya naisip kong ilagay rin sa aking buhok. Para naman magmukha pa rin akong babae, kahit papaano.
Naalala ko pa ang sabi ng taga-gupit kahapon, "Kung may lalaking nanakit sa iyo, huwag mong idamay ang buhok mo."
Hindi naman ako brokenhearted, sadyang gusto ko lang magpagupit. Hindi ko pa kasi ganoong matali ang aking buhok. Nakakairita naman kung puros hairpin ito.
Kinuha ko ang bagong bili ko na pares ng fingerless gloves at sinuot iyon sa aking kaliwang kamay. Hindi ko nilagyan ang kanang kamay ko upang makita ang aming symbolus.
Nang natapos na ako sa pag-aayos ay tinaasan ko ng hintuturo ang aking sarili. Nilingon ko si Charlie na abala rin sa pag-aayos.
"Charlie, ayos na ba?" tanong ko sa kaniya. Agad naman siyang lumingon sa akin, nanlaki ang kaniyang mga mata at ibinuka ang kaniyang mga bibig.
"Mahabaging Ioun! Ayos na ayos! Mas makisig ka pa ata sa kahit na sinong lalaki sa Evernight. Kung iyong panglalaki lang siguro na uniporme ang suot-suot mo, sigurado akong isa ka na rin sa mga pagkakaguluhan ng mga babae rito," aniya.
"Grabe ka naman. Hindi naman siguro. Baka mas lalong magalit sa akin kapatid mo," sabi ko na pareho naming tinawanan.
Isang katok ang narinig namin. Nagtungo ako sa pinto at pinagbuksan ito. Bumungad sa akin si Charlotte na suot-suot ang unipormeng katulad sa akin habang nakatirintas ng mula sa anit ang kaniyang mahabang itim na buhok.
"Handa ka na ba?" bungad niya sa akin. Tumango naman ako. "Tara na? Huwag na huwag mong kakalimutan ang iyong mga sandata."
Kinuha ko ang limang maliliit at dalawang malalaking kunai. Sinuksok ko ito sa lagayan na nasa kanang bahagi ng aking baywang. Sa tabi niyon ay ang aking punyal.
May isa pang lagayan na nasa kaliwang baywang at pinunan ko ng isang tumpok ng mga pana. Kinabit ko sa kanang bahagi ng aking likuran ang aking mini crossbow. Dahil mayroon pa naman akong mga bulsa, nilagyan ko iyon ng tigta-tatlong shuriken.
Alam kong ang dami kong armas pero mas maigi na iyong handa. Magagaan lang din naman silang lahat. Salamat talaga sa lolo ni Charles dahil pinagaan niya iyon para sa akin.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...