Dismayado ako nang bumalik ako sa silid namin. Sinubukan kong hanapin sa kagubatan iyong laket ko ngunit hindi ko na ito makita. Hindi naman ako ganoong nakalayo kagabi tsaka doon din ako nagsanay noong nakaraan. Imposibleng mawala iyon maliban na lamang kung may ibang nakakita at kinuha nila iyon.
Sa pagkakaalala ko, mayroong papunta sa direksyon ko noon. Sino kaya siya? Baka siya iyong nakahanap niyon.
Nakapaskil sa bawat silid ang resulta ng mga nangyaring laban ngayon. Nakalista roon kung ilang beses nanalo ang bawat guild.
Bandits of the Dead - 卌 - 卌 - 𝍪
Bone Crushers - 卌 - 𝍪
Champions of the Sea - 卌 - 𝍫
Dragonclaws - 卌
Frostcrawlers - 卌 - 𝍩
Her Majesty's - 卌 - 卌 - 𝍫
Imperial Knights - 卌 - 卌 - 𝍬
Mages of the Ambitious - 卌 - 𝍪
Moonlight Maria - 卌 - 𝍬
Spears of Jade - 卌 - 卌 - 𝍪Sa tabi niyon ay ang ayos mula sa may pinakamataas na puntos hanggang sa pinakamababa.
Imperial Knights - 14
Her Majesty's - 13
Bandits of the Dead - 12
Spears of Jade - 12
Moonlight Maria - 9
Champions of the Sea - 8
Bone Crushers - 7
Mages of the Ambitious - 7
Frostcrawlers - 6
Dragonclaws - 5Her Majesty's. Pangalawa sila sa pinakamataas. Gaano ba sila kalakas? Hindi ko pa napapanood ang kahit na anong laban nila. May kasama silang demonyo at isang malapit na ring maging ganoon. Pati rin iyong iba pa nilang mga kasama ay parang masasamang nilalang.
Base sa naging resulta ngayon, mukhang may tiyansa kaming makapasok sa Significant Septem. Iyon lamang, maaari pa itong mabaliktad sa mangyayari bukas. Parang karera rin ata ang gagawin doon. Sana madali lamang.
“Kumusta na kayo, mga pinakamamahal naming mamamayan ng Evernight?” bungad ng taga-anunsiyo. “Ikapitong araw na ngayon at malapit na rin nating malaman ang mga guild na makakasama sa Significant Septem. Mananatili ba ang mga guild noong nakaraang taon o mapapalitan sila ng mga panibagong guild? Ito na ang araw na hinihintay natin!”
Naghiyawan ang mga tao bilang pagsuporta.
“Kaya naman, ano pa ba ang hinihintay natin? Heto na ang ating palaro ngayong araw!” katulad ng dati, isang hologram ang lumabas.
Nanlaki ang aking mga mata at natigilan. Napatayo ako bigla. Hindi ako makapapayag na doon nila gawin ang laro ngayon. Mayroon pang mga tao sa video na pinapakita nila.
“Yuyami,” tawag sa akin ni Charlotte. Natauhan ako, noon ko lamang napansing nakatingin silang lahat sa akin. Umupo na lamang ulit ako.
“Noong bata pa lamang si Prinsesa Titania, lagi siyang kuryoso kung anong klaseng lugar nga ba ang kabilang mundo, ang mundo ng mga normal. Kaya naman, sa unang pagkakataon, gaganapin ang Mahia Tribuisti sa kabilang mundo!”
“Narito ang magiging takbo ng ating kompetisyon. Ang bawat guild ay may tatlong watawat. Ang bawat isang watawat na iyon ay matatagpuan sa tatlong iba't ibang lugar. Huwag kayong mag-alala, mga manlalaro, dahil bibigyan naman namin kayo ng papel kung saan nakasulat ang mga salitang naglalarawan doon.”
“Ang puntos na ibibigay ay nakadepende kung gaano kabilis makokolekta ng isang guild ang tatlong watawat. Kailangang makumpleto ninyo ang mga ito bago lumubog ang araw.”
“Paaalala lamang, mapanganib ang mga nilalang na naninirahan doon. Maaari niyong gamitin sa kanila ang inyong mga magice, sandata at maaari niyo rin silang paslangin,” nanliit ang aking mga mata sa sinabi niya.
Ano ang pinagbabasehan niya sa pinagsasabi niya? Mapanganib? Sa tagal kong tumira roon, unang pagtapak ko pa lamang dito sa Evernight, alam kong mas mapanganib ang mga tao rito.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...