Kabanata 17

2.3K 172 9
                                    

"Sige naman na, Yuyami," sinalubong ko ang mga mata ni Charles na ngayon ay nakaluhod sa sahig.

Kinusot-kusot ko ang aking mga mata at humikab. Kakagising ko pa lamang ngunit masama na agad ang bungad ng umaga sa akin.

"Kaya mo bang umuwi mag-isa? Hindi naman, hindi ba? Samahan mo na ako sa misyon ko. Lugi ako sa dalawang Kabalyero, e," dagdag niya pa.

Ilang segundo ko lang siyang pinanood. Nakakaawa naman ang hitsura niya. Parang stressed na stressed na kasi siya e wala pa nga siyang ginagawa. Kahapon kasi, buong maghapon lang siyang natulog sa silid-aklatan.

Pagkatapos dapat ng misyon ko rito ay babalik na agad ako sa Ostwood para masimulan ko na ang pag-eensayo. Ayaw ko namang sasabak ako sa Mahia Tribuisti na walang kaalam-alam sa pakikipaglaban. Nakakahiya naman kung maging pabuhat lang ako sa mga kakampi kong mukhang malalakas. Hindi naman ganoon kakapal ang mukha ko, ano.

Kaso itong si Charles, gusto pa ata akong idamay sa ginagawa niya.

"Sasakay lang naman ako ng karwahe, a. Tapos sasabihin ko na sa Ostwood ang aking destinasyon," sagot ko sa kaniya.

"Paano kapag aksidente mong nagamit ang magice mo na nox tapos habulin ka ng mga Kabalyero o kaya ay ng mga kulto?"

"Magpapausok lang ako tapos makakatakas na ako sa kanila o kaya bubulagin ko sila gamit ang lux na magice ko."

"Hindi iyon ganoon kadali, Yuyami."

"Bakit ko naman kasi gagamitin kapangyarihan ko? Atsaka 'di ba, babantayan daw ako ng tatay mo?"

"Babantayan ka lang, hindi poprotektahan. Nga pala, nakikita mo ba si Ama sa paligid?" umiling ako. "Ang ibinigay kay Ama na gawain ay bantayan ang bawat galaw mo at sa oras na gamitin mo ang iyong magice na nakapahamak sa iba, huhulihin ka niya."

"Ano ba ang magice ni Manong Leslie?"

"May kakayahan siyang ipawalang bisa ang kahit na anong kapangyarihan, kasama na ang lux at nox-maliban na lamang kung masiyado ng malakas ito at ang magice na ng isang tao ang kumokontrol sa kaniya."

Tumayo ako mula sa aking higaan. Pinuntahan ko ang aking bayong at kinuha ang pagkain nina Sol at Luna.

"Ano? Uuwi ka pa rin ba ngayon?" tanong niya.

"Nagugutom na ako. Ano kayang pagkain nila roon?" sambit ko. Narinig ko ang buntong-hininga ni Charles. Natatawa ko siyang nilingon. "Kawawa ka naman. Para kang isang bata na inagawan ng pagkain. Oo na, tutulungan na kita. Nakakatamad pa umuwi, e."

"Ang sabihin mo, hindi mo lamang ako matiis."

"Ay, nagbago na isip ko. Babalik na pala ako sa Ostwood. Malaki ka naman na, kaya mo na 'yan."

"Yuyami, sasabihin ko na nga," huminto ako sa pangangasar ko sa kaniya at umupo sa kama upang pakinggan ang sasabihin niya, bigla kasi siyang sumeryoso. "Kailangan kita... Halos lahat ng biktima ay mga Donselya, miyembro ng Moonlight Maria o kung hindi man sila kasama roon, may kaugnayan sila sa kanila."

"Nais mong magtanong-tanong sa mga miyembro ng guild na iyon tungkol sa mga biktima pero dahil nga sa hindi magandang reputasyon mo, bawal kang tumapak doon. Kailangan mo ang tulong ko dahil hindi ka maaaring makapasok sa guild nila, hindi ba? Kaya ako na lang ang pupunta roon."

"Tama. Kahit na maraming nagmamahal sa akin doon, mayroon pa rin namang mga binibini na kung makatingin ay nakamamatay na."

Napairap ako. Ayan ang napapala mong palikero ka.

"Okay," sabi ko. Itinagilid niya ang kaniyang ulo at pinaliitan ako ng mga mata. Oo nga pala. "Okay! Papayag na ako kaya p'wede ka ng umalis dito sa kwarto ko."

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon