Kabanata 24

1.9K 152 2
                                    

Minulat ko ang aking mga mata. Sandaling nandilim ang aking paningin habang unti-unti itong luminaw. Sinubukan kong unatin ang aking mga kamay ngunit may pumipigil dito.

Binaba ko ang aking tingin. Nakapulupot sa aking mga kamay ang isang kadenang nakakabit sa upuan na kinalalagyan ko. Ganoon din ang kalagayan ng aking paa.

Nasaan ako?

Nilibot ko ang aking tingin. Mayroong bintana sa aking gilid ngunit wala rin naman akong ganoong makita dahil sa mga baging na nakasabit doon. May mga maliliit na espasyo roon kung saan nakakapasok ang liwanag na hatid ng sikat ng araw.

Si Deborah ang huli kong nakasama kahapon. May pinalanghap siya sa akin na dahilan upang mawalan ako ng malay.

Siya ba ang nanggapos sa akin dito? Mukhang nasa kagubatan pa rin ako. Bakit niya ako dinala rito? Anong gagawin niya sa akin?

Sandali... Nasaan si Luna? Kasama ko pa siya kagabi nang umalis ako roon sa tinutuluyan ko.

Binuka ko ang aking mga bibig at nagsalita ngunit walang lumalabas kung hindi mga salitang hindi ko maintindihan. May telang nakabusal sa aking bunganga.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto kaya agad akong naalarma at nilingon ang pinanggalingan ng tunog. Mabilis ko rin namang tinanggal ang tingin doon at napapikit, pilit binubura sa isip ang nakita.

"Anong problema?" ang mahinhing boses na iyon. Sigurado akong si Deborah ang nagmamay-ari niyon pero hindi ako naniniwalang siya nga ang nakita ko. "Ako ito, si Deborah. Bakit hindi mo ako lingunin?"

Umiling-iling ako. Hindi ko kayang makita.

Wala na ang mga telang nakabalot sa kaniyang katawan kaya kitang-kita ko na ngayon ang buong siya. Ang kaniyang itim na sando na pinaresan ng itim na shorts ay nagpaladlad sa kaniyang katawang gawa sa pinagtagpi-tagping balat. Hindi pa magaling ang ibang sugat na gawa ng tahi at namumula pa sila.

Ngunit ang siyang pinakanakaapekto sa akin ay ang kaniyang mukha. Kitang-kita na ang kaniyang laman doon at wala na ang balat.

Ipinalakpak niya ang kaniyang mga kamay. Biglang lumamig ang hangin at dalawang lalaki na naka-cloak ang nabuo mula sa hangin.

"Maaari niyo ng tanggalin ang mga kadena. Magsisimula na rin naman ang palabas," utos niya na sinunod din naman nila. Tinanggal din nila ang tela sa aking bibig. Pinaikot nila ang aking upuan upang maharap ko si Deborah.

Nang wala na ang mga kadena sa aking mga kamay, ay iniangat ko ito upang unatin sana ngunit agad ko itong pinababa dahil bigla na lamang nilang tinutukan ito ng espada.

"Huwag kayong mag-alala, hindi niya pa ganoong natututunan ang kaniyang magice. Wala siyang magagawa upang masaktan ako," nahihirapan pa rin akong tingnan siya dahil sa hitsura niya. Nakakasuka.

"Nasaan ako?" tanong ko sa kaniya.

"Hindi ba at hinahanap mo ang isa sa mga Donselya? Narito ka sa lugar kung nasaan siya," sagot niya. Lumingon-lingon ako ngunit wala naman akong nakita na ibang tao. "Nais mo na ba siyang makita? Huwag kang mag-alala. Darating na na rin siya maya-maya lamang."

"Nasaan si Luna?"

"Luna?" taka niya akong tiningnan. "A, iyong itim na pusa?"

"Hindi siya pusa, aso siya. Nasaan si Luna?"

"Iniwan ko roon sa kagubatan kagabi. Wala naman akong makukuhang benepisyo mula sa kaniya. Oo nga pala, alam mo ba na malaking karangalan para sa akin na madala ka rito?"

Hindi ko siya sinagot. Sinamaan ko lamang siya ng tingin.

"Ikaw ang susi upang muling mabuhay ang Maleficis. Ikaw rin ang susunod sa kaniyang yapak. Ngunit bago iyon, hindi ba at mas maiging ipakilala ko muna ang sarili ko?"

A Tale In Evernight [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon