“Ito, babagay ito sa iyo,” sambit ni Charlie nang kinuha niya ang isang puting mermaid gown na off-shoulders.
Hindi ko alam kung ilang gown na ba ang pinakita niya sa akin. Nawala na ako sa pagbibilang dahil sa sobrang dami. Hindi ko kasi trip ang mga sinusuhestiyon niya, masiyadong malaki, masiyadong revealing o kung hindi naman ay nakalulula ang presyo.
“Oo nga po, Manang Yuyami! Mukha nga pong babagay sa inyo iyan!” sabay na sabi nina Dusk at Dawn na parehong may hawak-hawak na mini gowns na magkapareho ng disenyo ngunit magkaiba ang kulay.
“O, sina Dusk at Dawn na ang nagsabi. Huwag mong alalahanin ang presyo, nandito tayo sa Tagrid kaya hindi talaga nating maaasahan na mumurahin ang mga ito. Kaya naman, sukatin mo na,” sabi ni Charlie. Ibinigay niya sa akin ang damit at tinulak nila akong tatlo papunta sa fitting room. Nang nakapasok na ako ay agad nilang sinara ang pinto.
Napabuntong-hininga ako. Ang mga iyon talaga. Muli kong sinuri ang damit na binigay nila sa akin. May mga perlas na nakadikit sa itaas na bahagi nito pati na rin sa manggas. Napapaligiran din ng puting bato ang baywang at mayroong parang taling gawa sa mga ito ang nakasabit mula sa gitna ng harap papunta sa likod. Mayroon din itong slit sa bandang kaliwang paa.
Mabuti na lang at de-zipper ito kaya hindi ako mahihirapang suotin. Maingat ko itong inilagay sa aking katawan. Akap na akap nito ang aking hugis. Magpupush-up bra na lamang ako mamaya para mabigyan ako kahit papaano ng hinaharap.
Binuksan ko ang pinto at hinarap sila. Ipinuwesto ko pa ang aking kaliwang kamay at nagpogi sign habang tinataas-taasan sila ng mga kilay.
Halos malaglag ang kanilang mga panga at natigilan sila nang nakita ako. Binaba ko ang aking kamay at taka silang tiningnan. Pati na rin iyong ibang mga tao na nagsusukat ay napatingin din sa akin.
“Sandali... parang may kulang,” ani Charlie. Nilibot niya ang kaniyang tingin. Lumiwanag ang kaniyang mukha nang matagpuan ang isang bagay. Lumapit siya roon at kinuha.
Ipinatong niya iyon sa aking ulo at napangiti. Humarap ako sa salamin at nagulat din sa hitsura ko. Dahil na rin siguro sa koronang nasa ulo ko, nagmukha akong... prinsesa.
Pero anak ako ng Hari kaya prinsesa naman siguro talaga ako?
“Parang nakita ko na ang mukha mo dati,” sabi ni Charlie. “Iyong bago ka pa namin makilala, ha. Parang pamilyar talaga ang hitsura mo.”
“Kamahalaan?” napalingon kami sa isang nagtatrabaho roon. “Namamalikmata lamang pala ako. Akala ko, bigla akong bumalik sa panahong maayos pa ang lahat.”
“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong ko.
“Wala iyon, naalala ko lamang ang panahon kung kailan minsang bumisita sina Haring Lux at Dalibora rito. Dahil may pagkababae ang hitsura ng hari, na noon ay prinsipe pa lamang, pinasuot niya ito ng isa sa mga damit dito,” malungkot siyang natawa habang nagkukwento. Dalibora? Haring Lux? “Nakakatuwa lamang. Kahit kasingpula na siya ng kamatis noon, handa niyang tiisin basta makita lang na masaya si Dalibora.”
“Hindi po ba si Dalibora iyong namatay kamakailan lang?” inosenteng tanong ni Dawn. Nagkatinginan kami ni Charlie.
“Oo, hija.”
“Ano pong relasyon niya sa Hari?” si Dusk naman ang nagtanong niyon.
“Noon, siya na siguro ang pinakamahalagang tao para sa kaniya. Ngunit mukhang nagbago na iyon ngayon.”
“Kunin na natin iyan?” tumango ako kay Charlie. Napapagod na rin kasi ako sa paghahanap at nagugutom na.
Bumili na lamang kami ng puting sapatos, mga perlas na porselas, hikaw at kwintas, at isang clip na may dalawang puting bulaklak para sa aking buhok. Muntik na akong mapaiyak dahil sa laki ng ginastos ko.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...