Sabay kaming lumingon ni Charles sa kaliwa't kanan. Iniangat din naman ang aming tingin. Sa huling pagkakataon, muli naming nilibot ng tingin sa aklatan.
Nang makumpirma namin pareho na wala nga talagang tao, lumapit ako roon sa salamin na nakakabit sa pinto. Inilapat ko ang aking palad doon at pinalabas ang aking lux magice.
Umatras kami pareho at pinanood ang pagbukas niyon. Nauna akong pumasok sa loob at sumunod naman siya. Biglang nagsibukasan ang mga ilaw kaya natataranta kong naisara ang pinto. Baka kasi may makakita sa amin.
Napatingin ako kay Charles. Hindi ko alam bakit sumunod pa ang isang ito sa akin ngunit mabuti na rin iyon upang may karamay ako kapag nahuli ako rito.
Saan ko kaya mahahanap ang sinasabi ni Dark na libro tungkol sa itim na mahika?
"Ano ba kasi talaga ang gagawin mo rito, Yuyami?" tanong ni Charles. "Anong klaseng impormasyon ang kailangan mo para magkaroon ka ng lakas ng loob na pumasok sa isang pinagbabawal na lugar?"
"E ikaw? Bakit ka naman sumama?" diretso niya akong tiningnan.
"Yuyami, alam mo ba kung ano ang maaari nilang gawin sa atin kapag nahuli nila tayo rito? Maaaring ipatanggal nila tayo sa Mahia Tribuisti, higit sa lahat, baka nga ay ipapatay nila tayo!"
"Hindi hahayaan ng mga Alipin na mapatay ako," sambit ko na ipinagtaka niya. "Ako ang susi sa muling pagkabuhay ng Maleficis. Hindi nila hahayaang mamatay ako hangga't hindi pa nila nararating ang kanilang tunguhin."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Iyon ang sinabi sa akin ni Deborah noon. Gusto ko ring malaman kung bakit at isa sa mga aklat dito ang siyang makakasagot nito. Kailangan kong mahanap ang aklat na naglalaman ng impormasyon kung paano muling mabubuhay ang isang tao."
"Ngunit imposible na mangyari iyon---"
"'Ang lux ay nagbibigay-buhay samantalang ang nox ay kamatayan,' iyon ang nakasulat sa librong nabasa ko noon. Kung magkakaroon sila ng isang lux valere, maaaring maging posible ang imposible."
"Ngunit wala pang lux valere ang nakakabuhay ng isang yumaong nilalang."
May narinig kaming parang tunog ng kadena mula sa hindi kalayuan. Napahinto kami sa pag-uusap at dahan-dahang lumapit papunta roon.
Isang makalumang libro ang nakapatong sa isang istante ngunit may mga kadenang nakapalibot dito. Mayroon ding kulay itim na usok ang siyang pumapalibot dito.
Malakas ang pakiramdam ko na ito na nga ang librong hinahanap ko. Hahawakan ko na sana ito ngunit agad na binawi ni Charles ang aking kamay.
"Huwag kang magpadalos-dalos, hindi natin alam kung anong klaseng kadena ang nilagay nila riyan," sambit niya.
"Sabi na nga ba at pupunta ka rin dito, Lunox," ang boses na iyon! Hindi ako p'wedeng magkamali. Kakarinig ko lamang sa kaniya kanina kaya alam na alam kong siya iyon.
Nilingon ko siya at biglang bumagal ang takbo ng oras.
Kulay puti ang kaniyang buhok, masiyado ring maputi ang kaniyang kutis kaya naman ay kitang-kita ang pamumula ng kaniyang labi at pisngi. Abo ang kulay ng kaniyang iris ngunit agaw-pansin ang kulay puti niyang mga balintataw. Ang kaniyang kasuotan ay katulad ng sa mga Hari sa pelikula at isang korona ang nakapatong sa kaniyang ulo.
Higit sa lahat, parang nakaharap lamang ako sa salamin dahil nakikita ko ang aking sarili sa kaniya. Halos magkamukha lang kami.
Walang pag-aalinlangan, siya nga talaga ang hari. Sa kinarami-raming maaaring makakita sa amin ngayon, bakit siya pa?
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...