Halos mapako ako sa kinatatayuan ko dahil sa hitsura ng Maleficis. Nag-iba na ito. Mula sa mahinhing panlabas na anyo ni Titania, napalitan na ito ng masiyadong madilim. Ang korona niya noon ay napalitan na ng sungay na katulad ng sa Maleficis. Ang dati niyang kulay puting gown ay naging itim na. Napapalibutan ng itim na eyeshadow ang kaniyang mukha at ang kaniyang labi naman ay napintahan na rin ng itim.
Napalunok ako ng aking sariling laway dahil isang pares ng pakpak ang lumabas mula sa kaniyang likod. Bigla ring naging itim ang kulay ng kaniyang mga mata na bahagyang nagpanginig sa aking tuhod. Mabuti na lamang ay nasa tabi ko si Charlie kaya mabilis akong nakahawak sa kaniya bago ako bumagsak sa lupa.
“Sabi na nga ba at paparito kayo,” aniya. “Hindi ko inaasahang maiisahan kita, Heneral Gabriel. Salamat sa halos isang buwan, kahit papaano ay muling bumalik sa akin ang aking kapangyarihan. Pagkatapos kong matalo kayo, siguradong ako na ang magiging pinakamalakas sa buong Evernight!”
“Iisa ka lamang, marami kami. Kayang-kaya ka namin matalo,” proklama ni Erathaol.
“Mag-isa? Anong tingin mo sa akin? Tanga? Hindi ako nakipagkasundo sa isang demonyo para sa wala,” biglang may mga lumabas na mga pesteng lumilipad ang lumutang sa likod niya. “Sugurin niyo sila! Wala kayong ititira malaban sa kapangyarihan nila.”
Dahil sa hudyat niya na iyon, sabay-sabay na ngang sumugod sa amin ang mga mala-tiyanak na lumilipad. Kani-kaniya rin kaming labas ng aming mga sandata.
“Kailangan nating makalabas mula sa mansiyon,” sambit ni Riley na sinang-ayunan ng iba.
“Mauna na kayo, susubukan ko ang makakaya ko upang bigyan kayo ng oras,” sambit ko.
Noong una ay ayaw pa nilang gumalaw kaya wala akong ibang nagawa kung hindi gamitin ang aking lux magice upang itapon sa palabas ng silid. Gumawa rin ako ng isang barrier upang hindi sila masundan ng mga maliliit na nilalang.
Tumakbo ako papunta sa pinto at inihagis ang aking mga kunai sa iba't ibang direksyon, pati na rin sa kisame. Nang pumagitna na ang karamihan sa mga ito ay ikinumpas ko ang aking mga kamay.
“Illuminare,” banggit ko. Biglang umilaw ang parang mga sinulid na nakakabit sa aking mga kunai at hiniwa nito ang katawan ng mga dumadaan doon. Napahinto ang mga demonyo dahil sa ginawa ko.
Akma na rin sana akong lalabas nang biglang may lumipad na bola ng usok at muntik ng matamaan ang aking kamay kung hindi lamang ako nakaiwas. Nilingon ko ang Maleficis.
“Sa tingin mo ba ay hahayaan kitang makatakas? Kung mayroon man akong uunahin sa inyo, ikaw iyon at wala ng iba,” habang sinasabi niya iyon ay lumipad papunta sa labas ang mga demonyo at nag-iba-iba ng direksyong tatahakin. “Alam ko namang pansin mo na rin ang lakas ng taglay mong mga kapangyarihan kahit hindi mo pa tuluyang na-eensayo ang mga iyan. Ayaw ko ng patagalin pa ito kaya naman ay ibigay mo na lamang iyan sa akin.”
“Ayaw ko. Bakit ko naman ibibigay 'to sa'yo? Sino ka ba?” mataray kong pagsagot-sagot niya sa akin.
“Ikaw na bata ka!” nanggagalaiti niyang sigaw. “Wala kang galang sa akin. Ako ang nagsilang sa iyo ngunit ganiyan mo ako kausapin?”
“E 'di salamat sa siyam na buwan. Hindi porket ikaw na ang nagsilang sa akin, kailangan na kitang respetuhin kahit hindi ka naman karespe-respeto. Kung gusto mong ituring ka bilang ina ko, iayon mo ang sarili mo at kumilos katulad ng isang magulang.”
“Wala kang karapatang pangaralan ako. Kung may kailangan mang may matuto rito, ikaw iyon at hindi ako,” sa isang pagaspas ng kaniyang mga pakpak, madaling natanggal ang aking mga kunai mula sa pagkakabaon nila.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...