"Kasama ka ni Charles, hindi ba?" bungad sa akin ni Ivy, iyong babaeng dahon-dahon.
"Oo, narito ako dahil may nais lamang akong itanong," sambit ko.
"Ano ang gusto mong malaman? Narinig ko na nakipagtalo raw si Charles sa isang babae kanina. Nakakapagtaka dahil madalas, inaakit niya ang mga kababaehan."
"Kasalanan ko rin naman kung bakit ako napagtaasan ng boses. Pero hindi iyon ang ipinunta ko rito, nais ko lamang tanungin kung ang sinabi mo sa akin noong nakaraan ay may kinalaman sa nangyayari sa ilang mga Donselya."
"Anong sinabi?"
"Tungkol sa pagiging malapit ko kay Charles. Sabi mo, maaari akong maging duguan. May kinalaman iyon sa nangyayari rito, hindi ba?"
"A, iyon ba? Wala lamang iyon. Isang payo lamang mula sa taong nasaksihan ang pagtangis ng ilang mga babae dahil sa lalaking iyon. Duguan, ang ibig kong sabihin ay maging duguan ang puso. Hindi literal na duguan ang tinutukoy ko."
"Alam ko kung bakit ayaw niyong paapakin si Charles dito. Natatakot kayo na may mamatay na namang isang Donselya kapag naging malapit sila kay Charles."
"Nasa panukala na talaga naming mga Donselya na hindi maaaring tumapak ang kahit na sinong lalaki rito, maliban na lamang kung nagpaalam sila o inimbitahan namin sila."
Playing safe and bawat sagot niya sa akin. Hindi ko maiwasang magduda sa kaniya. Bakit niya kailangang itago iyon?
"Hindi bale. Kalimutan mo na lamang na sinabi ko iyon. Ito na lamang ang itatanong ko, mayroon ba kayong miyembro na nagtatrabaho sa Villa de Amor?" pag-iiba ko ng usapan.
"Lima ang mga Donselyang empleyado ng establisemento na iyon. Bakit mo naman naitanong?"
"Ang isa roon ay nakatakda sa pagtanggap ng mga bisita?" tumango siya. "Kailan nang huli niyo siyang makita?"
"Kahapon lamang. Huwag kang mag-alala, nasa trabaho siya ngayon," ipinagtaka ko ang sinabi niya. Natigilan siya nang napansin ang reaksyon ko. "Bakit ganiyan ang tingin mo?"
"Hindi ko siya nakita," sambit ko.
"Ano?"
"Hindi siya pumasok sa trabaho. Wala siya kanina, ibang babae ang umaasikaso sa mga bagong dating na bisita."
Umupo siya at hinawakan ang mga damo sa lupa. Pinikit niya ang kaniyang mga mata. Nanatili siyang nakaganoon sa loob ng ilang segundo.
"Wala siya sa kahit na saang sulok ng Villa de Amor. Maski sa silid ni Charles o kaya sa tinutuluyan niya," aniya.
"Kahapon mo siya huling nakita, hindi ba? Saan at sino ang kasama niya noon?"
"Sa loob ng mismong guild, kasama niya ang kaniyang kaibigan."
"Kailangan nating makausap ang kaibigan niya na iyon."
"Hindi mo na kailangang sumama pa. Ang problema na ito ay para sa mga Donselya lamang."
"Mataas ang tiyansa na maaaring matulad siya sa iba pang mga Donselya, Binibining Ivy. Malakas ang kutob ko na kung sinuman ang salarin sa pagkawala ng iba ay siya ring may pakana nito. Lalo na at tulad ng iba, nagkaroon siya ng interaksyon kay Charles."
"Binalaan ko na silang huwag dumikit sa Bandidong iyon!" aniya. "Ano ang nalalaman mo sa kaso na ito?"
"May hinuha ako kung sino ang may gawa ngunit wala pa akong konkretong ebidensiya," sinalubong ko ang kaniyang mga mata.
Kinuha niya ang aking kamay at hinila ako papasok sa kanilang guild. May nakasalubong kami na isa sa mga miyembro nila. Huminto kami sandali.
"Lefiana, ipatawag mo si Flora ngayon din. Sabihin mo na pumunta sa opisina ng pinuno," utos ni Ivy sa kaniya. Tumango naman ito at nagpatuloy kami sa paglalakad.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...